IKA–81 LABAS

            Dali–daling pinahid ni Lakay Awallan ang kanyang mukha nang hindi na napigilan ang pagdalisdis ng mga luha sa kanyang mga mata na hindi pa umidlip kahit sandali mula kagabi habang hinihintay niya si Dayandang dahil umaasa pa rin siya na susunod sa kanila ang kanyang manugang hanggang hindi pa sumasapit ang umaga pagkat alam naman nito kung saan sila lumikas.  Naging katuwiran niya na dapat panghahawakan ni Dayandang ang kanyang pag–asa na kabilang sila sa mga nakaligtas kahit sinunog ng mga soldados ang kanilang komunidad para lumakas ang kanyang loob dahil mas kailangan siya ng kanyang anak na maski tahimik ay tiyak na kanina pa hinihintay nito ang kanyang mainit na yakap.  Isinubsob sa mga palad ang kanyang mukha habang nananatili sa labas ng yungib dahil ayaw maglubag ang kanyang kalooban hanggang hindi pa niya nalalaman ang totoong sinapit ni Dayandang upang itigil na niya ang paghihintay ngunit malalaman pa ba niya kung hindi na rin darating ang mga inaasahan niya na magpaparating ng masamang balita pagkat kabilang sila sa mga nangasawi.  Tigmak ng kapighatian ang kanyang damdamin habang inaamin sa sarili na talagang malaking kawalan sa tribung Malauegs ang pagkamatay ni Alawihaw lalo’t hindi rin sana naisipan ni Dayandang ang maghiganti kung buhay pa sana ang amang ng kanyang apo hanggang sa muling napaluha siya nang sumagi sa sip niya ang tanong kung paano na ang magiging buhay nila ngayong nakubkob na ng mga soldados ang kanilang komunidad.  Lalong hindi niya mabigyan ng tugon ang tanong kung posible kayang hindi na rin kinasiyahan ng kapalaran si Dayandang pagkat wala pa rin siya hanggang ngayon samantalang kagabi pa niya hinihintay ang pagdating nito ngunit umiling lamang siya habang mariing tumatanggi ang kanyang sarili sa nais ipahiwatig ng kanyang damdamin .  Subalit panahon na ba upang paniwalaan ang kanyang kutob na maaaring kasama sina Dayandang, Lupog at Balayong sa mga nangasawi pagkat wala pa rin sila hanggang ngayon kaya hindi na pala dapat hintayin ang kanilang pagdating ngunit paano naman si Bag–aw dahil matanda na siya upang balikatin ang mga tungkulin na iniwan ng kanyang mga magulang?  Maya–maya, napailing siya nang maalaala ang pulong na tatlong beses ipinatawag niya upang alamin ang saloobin ng mga katutubong Malauegs kaugnay sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala na nag–uutos sa kanila upang magbayad ng buwis at amilyaramyento dahil ito sana ang magiging batayan ng lupon ng mga matatandang Malauegs sa pagpapalabas ng desisyon.  Labis niyang pinagsisisihan ang pagkakamaling ‘yon pagkat napigilan pa sana ang pangyayari kung nagpahayag agad siya ng desisyon kahit walang pagsang–ayon ang lupon ng mga matatandang Malauegs dahil siya naman ang Punong Sugo ng tribung Malauegs ay tiyak na tatalima sa kanyang mga salita ang mga kalalakihang Malauegs kaya may pagkukulang din siya maski hindi niya itinatanggi ito.  Ayaw niyang isipin na maaaring pinarusahan sila ni Bathala pagkat sinuway nila ang batas ng pamahalaang Kastila ng Alcala kahit hindi niya mabigyan ng katuwiran kung kailangan ba talagang sumunod sila maski labag ito sa kanilang mga kalooban dahil totoo rin naman na talagang hindi nila kakayanin ang magbayad ng malaking pagkakautang.  Maging ang mga diwata sa kagubatan ay sinisisi rin niya dahil sa paniniwala na maaaring nagalit sila sa kanila pagkat makailang ulit din nakaligtaan niya ang mag–alay ng pasasalamat kaya dumanas ng sunud–sunod na kamalasan ang kanilang tribu kahit walang katotohanan ang ganitong katuwiran kung limiing mabuti maliban sa naging kasanayan na lamang pagkat ito ang kaugalian na mga ninuno nila ang nagpasimula.  May katuwiran din naman kung nagkaroon siya ng hinanakit dahil sa sinapit ng kanilang tribu lalo’t ikinalulungkot niya ang malaman na kulang pa pala ang kanyang naging sakripisyo kahit buong buhay siyang nagtitiwala kay Bathala pagkat mistulang pinagdududahan pa rin nito ang kanyang katapatan kung kailan tumanda na siya sa pagtupad sa kanyang tungkulin.  Batid naman ni Bathala kung gaano siya naging tapat sa kanyang tungkulin bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs dahil laging nagpaalaala sa kanya ang mga pangaral ni Lakay Bangkuwang sa tuwing pinanghihinaan siya ng loob kahit may mga pagkakataon na ramdam ng kanyang katawan ang kapagalan sanhi ng katandaan ngunit hindi siya naringgan ng kaunti mang simpi pagkat ayaw niya ang maging lapastangan sa kanya.  Kaya naipagpalagay niya na maaaring pansamantala lamang ang kanilang kapighatian bilang pagsubok sa kanilang pananalig kay Bathala at katatagan sa kanilang mga sarili kahit maraming beses na silang nalugmok sanhi ng mga nararanasang kabiguan sa buhay ngunit tinanggap nila ito nang maluwag sa kanilang mga kalooban maski pauli–ulit pa ang kanilang pagluha.  Maaaring bahagi ito sa plano ni Bathala upang dalhin sila sa isang bukas na magkakaloob sa kanila ng ginhawa at kapayapaan habang patuloy silang namumuhay sa kabundukan ng Sierra Madre sa pamamagitan ng kanyang patnubay at pagpapala nang hindi na mauulit ang pangyayari pagkat nararapat lamang ang ipagsanggalang sila laban sa masamang puwersa na naghahangad para puksain ang kanilang lahi.  Aywan kung maibabalik pa ang kanilang malawak na lupain na tanging iniwang alaala ng kanilang mga ninuno dahil wala siya sa katayuan upang mangako kahit ikagagalit pa ito ng kanyang amang Bangkuwang basta ang alam niya sa ngayon ay hindi puwedeng ipagkaila na nawalan sila ng komunidad na simbolo ng kanilang kalayaan at sariling pagkakakilanlan sa kabundukan ng Sierra Madre.

            Hanggang sa narinig ni Lakay Awallan ang tilaok ng mga labuyo sa kagubatan na naging orasan niya upang magdasal sa tuwing sumasapit ang madaling–araw ngunit kakayanin pa ba niyang gampanan ang tungkuling ito kung puyat siya dahil sa paghihintay kay Dayandang kaypala kailangan gawin pa rin ito pagkat lalong nangangailangn ng habag mula kay Bathala ang mga nakaligtas na kinabibilangan niya ngayong wala pang katiyakan ang kanilang kalagayan.  Datapwa, kailangan gampanan niya ang tungkulin kahit saan siya naroroon maski makatulugan pa niya ang pagdarasal pagkat hindi katuwiran ang sinapit nila upang ipagpaliban ang obligasyon niya kay Bathala para lumakas ang kanyang loob dahil ito ang kailangan ngayon para hindi tuluyang bumitiw sa pananalig ang mga katutubong Malauegs habang namamalas siya na sinisikap labanan ang mga kasawian na dumating sa kanilang buhay.  Pagkatapos itukod sa bato ang kanyang mga kamay ay yumuko siya ngunit nabalam ang panimula ng kanyang dasal dahil sa tanong kung dapat ba siyang magpasalamat sa pagkakaroon ng pangalawang buhay gayong ang kahulugan naman nito ay panibagong pagsasakripisyo lalo’t nag–iwan pa ng mabigat na responsibilidad  ang pakamatay ng mag–asawang Alawihaw at Dayandang.  Baka mapapalad pa ang mga nangasawi dahil hindi na nila muling mararanasan pa ang linggatong kahit hindi nagkaroon ng katuparan ang kani–kanilang mga lunggati kaysa kanila na wala namang kaseguruhan ang kaligtasan habang nabubuhay sa mundo pagkat naririyan pa rin ang pamahalaang Kastila ng Alcala na tiyak hindi titigil hanggang sa magkaroon ng titulo ang buong kalupaan ng Sierra Madre.  Pero nagpasunod pa rin siya ng taimtim na dasal habang bumabagisbis sa kanyang mukha ang mga luha pagkat hindi dapat bumitiw siya sa pananalig dahil udyok lamang ng kanilang isip ang palagay na pinabayaan sila ni Bathala upang magdusa sila kahit ang totoo’y pagsubok lamang ang nangyayari sa kanila ayon sa kanyang paniniwala.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *