Pagkatapos, bumalik siya sa loob ng yungib para alamin kung gising na si Bag–aw na iniwan niyang natutulog nang mahimbing ngunit umiyak kaninang madaling–araw ang sanggol na ikinabahala nilang lahat dahil tiyak na hahanapin ng mga soldados ang pinanggagalingan ng palahaw kaya lumabas siya upang pakiramdaman ang paligid pagkat seguradong magkakaroon sila ng panibagong problema kung naulinigan ng mga kalaban ang kanilang pinagtataguan. Seguro, naramdaman ni Bag–aw ang gutom dahil natigil din ang kanyang pag–iiyak matapos pasusuhin ni Naga ngunit napaisip naman nang malalim si Lakay Awallan habang minamasdan niya ang sanggol pagkat posibleng siya na ang mag–aruga sa kanya mula sa araw na ito kahit hindi na angkop ang kanyang edad sa tungkulin na hindi puwedeng tanggihan maliban sa kailangan gampanan niya. Sakaling darating ang araw na dapat nang isuko ni Lakay Awallan ang paghihintay kay Dayandang ay talagang mapupunta sa kanya ang mga responsibilidad na iniwan ng mga magulang ni Bag–aw maski matanda na siya para mag–alaga pa ng sanggol pagkat walang may gusto sa mga pangyayari kahit ayaw nila dahil ang kuwento ng buhay ay parang palabas sa entablado kaya hindi puwedeng baguhin upang umayon lamang ito sa gusto nila. Dinatnan ni Lakay Awallan si Bag–aw na natutulog sa mga bisig ni Assassi dahil siya muna ang nagkandong sa sanggol kaya minabuti niya ang magpahinga na rin sa halip na bumalik sa labas upang ituloy ang paghihintay kay Dayandang pagkat unti–unti nang nagpapahiwatig sa kanya ang matinding antok kahit ayaw sana niya ang umidlip para hindi niya mapapanaginipan ang kahindik–hindik na pangyayari habang nasusunog ang sagradong kubol. Tahimik ang yungib ngunit hindi niya piho kung ano ang naging lagay ng mga sugatan dahil munting liwanag na nagmumula sa labas ang tumatanglaw lamang sa loob basta sinisikap pa rin iligtas ng mga may alam sa paggagamot ang kanilang buhay hanggang sa naidlip siya sanhi ng antok na kanina pa linalabanan niya pagkat kailangan din naman ang matulog siya kahit sandali lamang upang mabawasan ang kanyang puyat.
“Apong Awallan! Iminumungkahi ko po . . . ! Ang paglilipat natin . . . sa ibang pook! Opo! Kung . . . inyo pong marapatin!” Aywan kung naidlip din si Lakay Awallan basta siya ang may kalong kay Bag–aw nang sumapit ang umaga habang si Assassi naman ang natutulog dahil silang dalawa lamang ang nagsasalitan sa pagbabantay sa sanggol pagkat ramdam pa hanggang ngayon nang lahat ang matinding nerbiyos kaya hindi pa maiaalok ang kanilang mga sarili kahit gustuhin pa nila maliban kay Naga ngunit lumalapit lamang siya sa tuwing nagugutom ang sanggol nang may lumapit sa kanya upang iparating ang mahalagang suhestiyon nito para sa kaligtasan nilang lahat. Siyempre, kilala ni Lakay Awallan si Luyong dahil miyembro ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang kanyang amang na laging hinahatid ng panganay niya sa sagradong kubol para sumabay sa pagdarasal sa madaling–araw at sinusundo naman sa gabi pagkat malayo ang kanilang dating kubol ngunit kabilang sa mga nasunog nang buhay ang matanda na ikinalulungkot naman nang labis ng kanilang pamilya. Parehong lalaki ang dalawang anak ng mag–asawang Luyong at Naga ngunit nauutusan na ang kanilang panganay na si Alba habang matanda ng dalawang tagsibol kay Bag–aw ang bunso nila na si LAWUG dapwa hindi naging problema ng mag–iina ang paglikas sa yungib kahit wala ang kanilang amang na noo’y kasama sa mga kalalakihang Malauegs upang ipagtanggol ang kanilang komunidad laban sa mga soldados. Lumikas sa yungib si Naga at ang kanyang dalawang anak sa halip na tumuloy sila sa sagradong kubol dahil sa takot na maharang sila ng mga soldados pagkat malayo ang kanilang kubol at ito rin ang mahigpit na bilin sa kanila ni Luyong na nagpaiwan sa dating komunidad kaya hindi na nila nasaksihan kung paano nagsimula ang sunog na kumitil ng maramingh buhay. Kabilang si Luyong sa mga kalalakihang Malauegs na tumalima sa utos ni Dayandang upang tumakas kahit napasama sa nasunog na sagradong kubol ang kanyang amang ngunit naisin man nila ang bumalik sa dating komunidad upang iligtas maski ang mga bangkay man lamang ng mga miyembro ng lupon ng mga matatandang Malauegs para magawaran sana ng ritwal na tanging magagawa nila ay walang nangahas magpresinta. Ganito rin ang naging palagay ni Lakay Awallan kay Lakay Lanubo pagkat posibleng hindi na niya nagawa ang lumabas dahil maaaring sumumpong ang karamdaman niya nang masunog ang sagradong kubol lalo’t nangyari ito habang wala si Balayong hanggang sa natahimik siya upang umusal ng maikling dalangin para sa kanyang nasawing kapatid. At walang duda na isusuko na rin niya ang paghihintay kay Dayandang dahil wala pa rin siya gayong sumapit na ang umaga lalo’t puro haka–haka lamang ang sinasabi nila tungkol sa kanya pagkat nagpaiwan pala siya nang tumakas ang mga kalalakihang Malauegs kaya maskit man sa kanyang kalooban ay kailangan tanggapin niya ang bulong ng kanyang damdamin na kagabi pa nagpapahiwatig. Samantala, kagabi pa nais kausapin ni Luyong si Lakay Awallan kung hindi lamang tulog siya matapos ang kanyang panalangin sa madaling–araw kaya hinintay na niya ang umaga kahit nangangailangan ng agarang pagsang–ayon ang mungkahi niya dahil nanganganib pa rin ang buhay nila pagkat malapit lamang sa dating komunidad ang yungib ay walang garantiya na hindi masusungkaran ng mga soldados ang kanilang pinagtataguan. Ngayong umaga lamang nagkaroon siya ng pagkakataon upang kausapin si Lakay Awallan habang nag–uumpukan silang lahat malapit sa labasan ng yungib dahil pansamantalang inilagak sa dulo ang mga bangkay pagkat hindi maaaring gawin ang nakaugaliang ritwal ng pagsusunog para hindi maaalarma ang mga soldados sanhi ng usok.
“Bakit?! Sa anong dahilan . . . ligtas na tayo rito! Hindi ba. . . Apong Awallan?!” Kung malaki ang posibilidad upang matunton anumang sandali ng mga soldados ang yungib kung saan lumikas ang mga katutubong Malauegs pagkat malapit lamang ito sa dating komunidad ay malinaw na hindi sila ligtas para manirahan nang matagal dito kaya dapat magpasalamat ang lahat kay Lupong dahil kaligtasan pa rin nila ang kanyang iniisip ngunit napatingin sa mga katutubong Malauegs si Lakay Awllan lalo’t may nagparating ng pagtutol. Kunsabagay, batid ng mga katutubong Malauegs na hindi ganoon kalayo ang yungib mula sa dating komunidad kung hindi lamang ito nagkakanlong sa kasukalan na nagbibigay ng proteksiyon sa mga lumilikas doon sa tuwing may nagbabantang panganib sa kanilang tribu ngunit hindi ito ang dapat na magiging batayan kung talagang nais nilang magkaroon ng kapayapaan ang kanilang kalooban. Katunayan, abot–tanaw lamang ang yungib mula sa dating komunidad kung walang mga puno sa paligid nito kaya mainam ang maneguro na ang mga katutubong Malauegs kahit sila lamang ang nakaaalam nito pagkat malinaw na pansamantala lamang ang kanilang kaligtasan dito dahil mistulang.namumuhay sila sa mundo na hinihintay na lamang ang pagsambulat nito anumang sandali. Baka kailangan pang ipaalaala sa mga katutubong Malauegs na naging madali lamang para sa mga soldados upang marating ang kanilang komunidad gayong kaylayo na ng bayan ng Alcala mula sa kabundukan ng Sierra Mdre bukod pa ang mga ilog na dapat tawirin at ang mga lingay na lubhang mapanganib ngunit ang yungib pa kaya na ilang hakbang lamang ang distansiya mula sa kinaroroonan nila. Maaaring ligtas sila ngayon dahil umiiral pa sa kanilang mga puso ang takot upang kumilos ngunit mapipilitan pa rin silang lumabas sa yungib pagkat may mga anak sila na kailangan pakainin kaysa tiisin nila ang gutom at naroroon sa labas ng yungib ang lahat nang pangangailangan nila tulad ng tubig, habang matitigil naman ang pangangaso ng mga kalalakihang Malauegs at ang paglalako ng mga gulay ng mga kababaihang Malauegs Lalong delikado kung iwan ng mga kalalakihang Malauegs sa yungib ang kanilang mga pamilya para mangangaso lamang sa kagubatan at lalong hindi puwedeng sumaglit sa tumana ang mga kababaihang Malauegs dahil tiyak na mapapansin sila ng mga soldados kahit puwedeng kumilos sila sa gabi ngunit limitado lamang upang magampanan nang lubos ang kanilang araw–araw na mga gawain pagkat tiyak na hindi rin mapapalagay ang kanilang mga kalooban sa tuwing iniisip na katabi lamang nila ang mga soldados.
ITUTULOY
No responses yet