IKA–99 LABAS

Talagang may katuwiran si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno nang samantalahin niya ito dahil madaling manghina ang mga mata ng tao na tumatanggi sa grasya lalo’t kusang dumating ito sa kanyang kaarawan pa mandin gayong hindi naman niya hiniling kay Señor San Pedro pagkat bihira lamang kung dumalo siya sa misa lalo na ang misa kantada kanina samantalang magkatapat lamang ang palacio del gobernador at ang simbahan ng Tuguegarao.  Pero ang ikinakatuwiran naman niya sa tanong kung bakit hindi siya nagsisimba ay ang pagiging abala niya pagkat may mga Alcalde ang pumupunta araw–araw sa palacio del gobernador upang ipakiusap ang mga bagay–bagay na siya lamang ang puwedeng magbigay ng kalutasan tulad ng problema nila sa mga katutubo ng Sierra Madre dahil tumatanggi pang magpabinyag.

            ¡No!  ¡El Alcalde . . . no!  ¡Solo les pregunto si la subasta programada de los titulo continua hoy! ¿Eh?”  Entonses!  Tama pala ang sapantaha ni Alferez na sadyang dumaan muna sa palacio del gobernador si Alcalde noong nanggaling siya ng Maynila ngunit taliwas ito sa kanyang ipinagyayabang ay hindi siya mismo ang nakipag–usap sa mga negosyante tungkol sa mga huwad na titulo kundi siya mismo ang humingi ng tulong kay Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno dahil kilala niya ang maraming negosyante lalo na sa lalawigan ng Bulacan kahit anim na buwan lamang ang itinagal niya roon.  Kaya pala nagawang pagbantaan ni Alcalde si Alferez  dahil sa kanyang pangamba na mabulilyaso ang napagkasunduan nila ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kung hindi magtagumpay ang pangalawang operasyon nang malaman niya na okupado pa rin ng mga katutubong Malauegs ang kanilang komunidad matapos mabigo ang unang operasyon ng mga soldados na taliwas sa kanyang inaasahan.  Walang duda na mismong si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang magpalabas ng direktiba upang iutos ang pagpapabalik kay Alferez ng bansang España kung nabigo rin ang pangalawang operasyon ngunit mabuti na lamang hindi siya kaharap lalo’t hindi pa tiyak kung may nagpainom na sa kanya dahil seguradong inatake na siya ng infarto kung nalaman lamang niya ang totoo.  Lalong humigpit ang kamayan ng dalawang opisyal pagkat labis na ikinatuwa ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang pagtango ni Alcalde dahil ang totoo’y matagal nang pinanabikan ng huli ang araw ng bentahan sa mga huwad na titulo nang maisip niya ang mga bangko na posibleng paglalagakan gayong hindi naman pala mapupunta sa kanya ang lahat nang mapagbentahan.  Waring napagkit sa isa’t isa ang kanilang mga palad dahil ayaw nang makalas ang kanilang kamayan na nag–umpisa lamang sa simpleng batian kaya malinaw ang rason kung bakit hindi isinama si Señora Mayora upang hindi niya pagseselosan ang may kaarawan kapag namalas niya ang tagpong ito pagkat kung gaano kadali sa kanya ang magsuspetsa ay ganoon din kaigsi ang kanyang pasensiya.  Kung doble ang okasyon na ipinagdiriwang ngayon sa palacio del gobernador ay tatlo naman pala ang pakay ni Alcalde – upang batiin si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kaugnay sa kanyang kaarawan, makisaya sa kapistahan ni Señor San Pedro at ibenta ang mga huwad na titulo maski hindi ito ang tamang panahon dahil mali kung isabay sa dalawang okasyon na tumutukoy sa mahalagang araw samantalang negosyo ang layunin sa bentahan sa mga huwad na titulo.  Marahil, walang nakikitang mali si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno nang pumayag siya upang ganapin sa mismong kaarawan niya ang bentahan sa mga huwad na titulo dahil malinaw naman ang kanyang magiging pakinabang dito kung hindi mapapansin ng mga negosyante na huwad pala ang mga titulong ibinebenta sa kanila.  Ngunit malaking katanungan pa rin kung bakit hindi isinaman ni Alcalde si Señora Mayora samantalang minsan lamang idaraos sa isang taon ang ganitong selebrasyon para palalampasin pa nila lalo’t kaarawan ng Gobernador ng Cagayan ay silang mag–asawa sana ang magkapareha sa gaganaping baile mamayang gabi sa liwasan ng Tuguegarao kung hindi umulan pagkat talagang nagiging madalas ang bagyo sa buwan ng Agosto.  Baka nakalimutan ni Procurador Naviero dela Alteza na nagkakilala sila ni Señora Mayora dahil sa sayaw na la jota aragonesa at muiñeira maski walang ensayo hanggang sa humantong sila sa kasalan makalipas lamang ang kanilang isang linggong suyuan pagkat pareho pala ang nararamdaman nila sa isa’t isa noong ordinaryong mamamayan pa lamang sila ng bansang España.  Kasamaang–palad, nagbago ang lahat mula nang dumating sila ng Pilipinas para makipagsapalaran dahil naapektuhan ng maraming problema ang kanilang pagsasama tulad ng – wala pa silang anak, napapadalas ang kanilang guerra mundial sanhi ng pagiging selosa ni Señora Mayora habang ibinubuhos naman ni Alcalde sa alak ang mga kabiguan niya sa buhay.  Kaya sinasadya na lamang ni Alcalde ang pumapasok nang maaga dahil sa opisina lamang nararamdaman niya ang kapayapaan maski hindi pa siya kumain ng almusal upang takasan ang residencia ejecutiva pagkat nagiging impiyerno lamang ito para sa kanya ngunit bawal naman sa relihiyon nila ang diborsiyo kahit matagal nang naging dalangin ng mayordoma ang mangyari sana ito.  Kumpirmado na palabas lamang ni Alcalde na hindi batid ng Gobernador ng Cagayan ang tungkol sa kanyang plano para hindi magpilit sumama sa kanya si Señora Mayora dahil matutuklasan lamang niya na may kahati pala siya sa mapagbebentahan sa mga huwad na titulo kaya walang duda na mag–eeskandalo ang kanyang hermosa esposa hanggang sa masasabi niya ang hindi dapat malaman ng mga negosyante.

            ¡Por supuesto . . . Gobernador!  ¡Efectivamente tengo los titulos!”  Nang mapagtanto ni Alcalde na wala palang hawak na anuman ang kanyang mga kamay ay lumingon siya ngunit hindi na mahagilap ang tao na gusto sanang tanungin niya kahit  ang anino man lamang nito kaya nagpalinga–linga ang kanyang mga mata habang naghahanap kay Alferez samantalang hindi naman mawari ang naging reaksiyon ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno basta bakas sa mukha niya ang pagdududa hanggang sa ngumiti na lamang siya.  Salubong ang kanyang mga kilay nang malaman na wala pala sa kanyang tabi si Alferez ngunit mahirap ipaliwanag kung bakit tumingala siya dahil imposible naman na gumapang na sa kisame ang kanyang fiduciario maski totoo na hitsurang butiki ang katawan nito at lalong hindi mapupunta roon ang mga huwad na titulo pagkat malayo pa ang pasko upang gawing palamuti ang mga ito kung ‘yon ang kanyang naging palagay.  Kagyat natahimik siya habang binabalikan sa alaala ang sobre na naglalaman sa mga huwad na titulo dahil hindi dapat mawaglit ito sa kanyang pag–iingat pagkat nakasalalay rito ang palabra de honor niya maliban pa ang malaking halaga na kailan lamang niya napag–isapan kung saan puwedeng ilagak kaya napakamot na lamang siya sa ulo nang maisaloob niya na maaaring nasa ibaba pa si Alferez.  Naseseguro niya na hindi naiwan sa kanyang opisina ang sobre dahil hawak pa niya ito nang sumakay siya sa karwahe hanggang sa napaisip na naman siya nang maalaala si Zafio na iniwan nila sa ibaba habang nagtitiis sa gutom pagkat naging katuwiran naman ng kutsero na seguradong maraming handa sa palacio del gobernador lalo’t dalawang okasyon ang sabay na ipinagdiriwang kaya hindi na siya nagdala ng empacar el almuerzo.  Subalit umiling siya pagkat lalong walang dahilan upang ipaubaya niya kay Zafio ang pag–iingat sa sobre pagkat mas matimbang pa kay Señora Mayora ang kanyang lealtad kahit kasama sa plantilla ng mga empleyado sa pamahaaang Kastila ng Alcala ang kanyang pangalan kaya muling nagtanong ang sarili niya kung posible bang nawagit lamang ito sa isip niya habang nagmamadaling umakyat sa hagdan.  Bagaman, hindi lingid kay Señora Mayora na ngayong araw rin gaganapin ang nakatakdang bentahan sa mga huwad na titulo maliban pa ang kaarawan ng Gobernador ng Cagayan at ang kapistahan ni Señor San Pedro ay hindi naman alam nito ang magiging kabuuang halaga sa mapagbentahan dahil mamaya pa lamang ang kuwentahan kung may matitira pa para kay Alcalde.  Samakatuwid, may katuwiran naman pala si Alcalde kung hindi niya ipinagkatiwala kay Zafio ang pag–iingat sa sobre para wala siyang maikukuwento kay Señora Mayora pag–uwi nila sa residencia ejecutiva upang hindi malalaman nito kung magkano ang naging suma tutal sa bentahan sa mga huwad na titulo kaya kailangan mahanap si Alferez nang matanong agad.  Katunayan, sa tingin pa lamang ni Señora Mayora ay nanginginig na si Zafio habang ipinagtatapat niya ang mga lihim ni Alcalde kahit hindi pa siya tinatanong kaya lalong nagagatungan ang galit ng hermosa esposa hanggang sumiklab ang guerra mundial na tumatagal ng dalawang linggo dahil sa kalantari ng tsismosong kutsero na may alipunga ang dila ngunit ito naman ang naging dahilan kung bakit hindi maipagkaloob ang umento na hinihiling niya pagkat ito rin ang naging ganti sa kanya ng punong–bayan ng Alcala.  Sapagkat mabigat pala ang kasalanan ni Zafio ay malinaw ang dahilan kung bakit hindi siya pinapayagang manatili sa opisina ni Alcalde sa tuwing naroroon sila sa munisipyo ng Alcala at habang kasalukuyan ang hora feliz nila ni Alferez para sumabay rin sana siya sa inuman dahil hindi naman delikado ang magpatakbo sa kabayo maski lasing siya.  Subalit ang maiwan siya sa karwahe habang nagtatamasa sa masarap na handa sina Alcalde at Alferez ay tunay na masaklap ngunit nasa kanya na rin ang pagkakamali dahil hindi siya nagbaon kahit pista ang pinuntahan nila kung hindi naman siya imbitado kaya itulog na lang niya ang gutom pagkat hindi naman puwedeng sumaglit siya sa residencia ejecutiva para mananghalian muna.

            ¡Bien!  ¡Bien . . . Alcalde!  ¡Porque me han preguntado mucho sobre eso!  ¡El Gobernador de Isabela es uno!  ¡Y el Vice Gobernador de Batanes!  ¡Todavia hay!  ¡Si todavia hay . . . Alcalde!  ¡Debe haber diez!”  Nang mapansin ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno na wala namang hawak na anuman si Alcalde ay hindi na siya nagpilit pa basta tumango na lamang matapos maisaloob na maaaring tangan lamang ng kasama ni Alcalde ang mga dokumento kaya pinanghawakan na lamang niya ang kanyang salita pagkat maraming bisita ang kailangan pang istamahin niya.  Napangiti na lamang si Alcalde sa halip na humingi ng dispensa upang hanapin si Alferez para matanong niya tungkol sa sobre pagkat walang duda na lilikha ng malaking problema na pagsisisihan naman niya kung tuluyan nang hindi mahanap ang mga huwad na titulo dahil kailangan maipresenta ang mga ito ng Gobernador ng Cagayan sa mga negosyante.  Ngiti ng naghihinagpis ang kalooban habang napapaisip nang malalim ang sumilay sa mukha ni Alcalde dahil seguradong hindi na mangyayari ang plano niya na ilalagak sa bangko ang halagang matanggap niya pagkat malinaw pa sa tanghaling–tapat na magkakaroon siya ng kahati mula sa mapagbebentahan mamaya sa mga huwad na titulo na dagdag alalahanin lamang sa nawawalang sobre.  Sapagkat walang paraan upang tumanggi si Alcalde ay pagtitiyagaan na lamang niya ang mga butal kung sakaling humingi pa ng porsiyento si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno para naman sa bayan ng Tuguegarao bukod pa ang magiging kabahagi niya dahil siya naman pala ang nakipag–ugnayan sa mga negosyante kung mahanap pa ang mga huwad na titulo.  Dahil tiyak na walang magaganap na bentahan kung wala naman palang ibebenta ay dapat mahanap muna niya ang sobre na kinapalooban sa mga huwad na titulo bago niya isipin na kasya lamang pala sa kanyang bulsa ang mapagbentahan nito samantalang problema niya ngayon kung saan matatagpuan si Alferez.upang hindi malalagay sa malaking kahihiyan ang kanyang sarili   Kunsabagay, may katuwiran upang mabahala si Alcalde maski ipagpalagay pa na maaaring hawak ni Alferez ang sobre ngunit kailangan kumpirmahin pa niya ang alegasyong ito pagkat karwahe ang sinasakyan niya kaya talagang hindi dapat ipinaubaya sa fiduciario ang dokumento dahil nangabayo lamang ang un Comandante del Ejercito de Alcala kaya posibleng mahuhulog lamang ito sa kanyang pag–iingat.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *