IKA–102 LABAS

Subalit ang pagiging malambing naman ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado sa kanyang esposa ay sumasalungat sa mga naging palagay ng mga damas malvadas pagkat tiyak na may matinding dahilan din siya kung bakit sa babaeng natibo pa ipinagkatiwala ang kanyang puso kung puwede naman sa kalahi niya upang hindi siya mapupulaan lalo’t opisyal pa mndin siya.  Seguro, hindi ugali ng babaeng natibo ang bumulong kay Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado pagkat hindi rin pansin nito ang mga damas malvadas na agad ikinukubli sa hawak na mga abaniko ang kanilang mga mukha sa tuwing kumikibot ang kanilang mga nangingitim na labi dahil hindi pa nalahiran ng mantika gayong pasado alas dos nang hapon na.  ¡Pero el tiempo esta tranquilo!  ¡Cuando salimos de Basco!  ¿No es la Princesa Imurung . . . mi querida esposas?”  Muntik nang umulwa ang mga mata ng mga damas malvadas nang marinig nila ang pangalan ng babaeng natibo pagkat may dugong maharlika pala siya kaya suot na niya ang halos lahat na yatang kayaman sa tribu nila kung ikumpara sa kanila na tiyak mga hampaslupa pa rin kung hind sila naging asawa ng mga opisyal sa pamahalaang Kastila sa probinsiya ng Cagayan.  Ngali–ngali nang pasukin ng mga langaw na katulad din nilang gutom ang kanilang mga bibig nang maumid ang kanilang mga dila matapos mapagtanto kung bakit napuspos ng mga ginto ang katawan ni Prinsesa Imurung habang namumulagat ang kanilang mga mata nang sumambulat sa harapan nila ang katotohanan na mayaman pala siya at posibleng may delikadesa rin na wala sila.  Prinsesa Imurung pala ang pangalan ng babaeng natibo na tumango lamang upang ayunan ang tinuran ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado nang mabaling sa kanya ang tingin nito saka nagpasunod ng ngiti ngunit lalong namangha ang mga damas malvadas gayundin ang lahat nang panauhin dahil tumawag nang pansin ang kanilang natuklasan maski hindi ito ang kanilang inaasahan.  Talagang muntik nang himatayin ang mga damas malvadas dahil putos din ng mga ginto ang kanyang mga ngipin kaya posibleng ito ang sanhi kung bakit hindi siya nagsasalita mula nang dumating silang mag–asawa sa palacio del gobernador pagkat may nagtatagong kayamanan pala sa kanyang bibig kaya hindi pala basta prinsesa lamang siya dahil higit pa sa kanyang simpleng pagkatao ang halaga ng kanyang buhay.  Sapagkat nag–iisang anak ng Datu ng Itbayat si Prinsesa Imurung ngunit natutong umibig nang makilala lamang niya si Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado kahit maraming mandirigma sa kanilang balangay ang nanunuyo rin sa kanyang puso kung hindi naman itinakda ng tadhana upang maging asawa niya ang isa sa kanila ay walang nagawa ang taglay na kapangyarihan ng kanyang amang maski matindi ang pagtutol nito.  Bagaman, tinututulan ng Datu ng Itbayat ang pag–iibigang ito ay nanaig pa rin ang kapusukan ng damdamin ni Prinsesa Imurung dahil noon lamang siya natutong magmahal at kay Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado pa kahit hindi niya kalahi at sukal sa kalooban ng kanyang amang ang relasyon nilang dalawa ngunit sadyang mahirap hadlangan ang tapat na pag–ibig lalo’t nanggagaling ito sa kaibuturan ng kanyang puso.  Hindi naniniwala ang Datu ng Itbayat na talagang mahal ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado si Prinsesa Imurung dahil imposible ang matutunan nitong ibigin ang babaeng natibo samantalang sa kutis pa lamang ay malaki na ang pagkakaiba nila bukod pa ang maraming kadahilanan ngunit ayaw naman niyang alamin pagkat naging bulag siya sa pag–ibig.  Higit na pinaniniwalaan ng Datu ng Itbayat ang sariling sapantaha na talagang habol lamang ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado ang mamanahin ni Prinsesa Imurung dahil naitatak na sa kanyang isip ang plano upang samantalahin ang lahat nang pagkakataon habang siya pa ang Gobernador ng Batanes pagkat pansamantala lamang naman ang pagkadestino niya sa kanilang lalawigan.  Sadyang malawak ang sinasakop ng kanyang kayamanan na seguradong mamanahin naman ng nag–iisang anak niya na si Prinsesa Imurung pagkat pagmamay–ari niya ang buong isla ng Itbayat at Ibatan kung saan matatagpuan ang maraming ginto at ang mga perlas sa karagatan kaya sapat nang dahilan upang pag–interesan ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado ang lahat nang ito sa pamamagitan ni Prinsesa Imurung.  Ngunit walang nagawa ang kanyang kapangyarihan upang tutulan ang pagsasama nina Prinsesa Imurung at Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado maski labag ito sa kanilang tradisyon dahil mismong anak niya ang sumuway sa kanyang utos lalo’t hindi rin kayang tapatan ng kanyang mga mandirigma ang puwersa ng mga guwardiya sibil para hadlangan ang kanilang pag–iibigan kaya pinilit na lamang niyang unawain kahit hindi niya maintindihan kung bakit ganito ang naging kapalaran ng kanyang nag–iisang anak.  Tuloy, tinanggap na lamang niya ang pangyayari maski masama ang kanyang loob nang tandisang sinuway ni Prinsesa Imurung ang kanyang utos na huwag magpabinyag ngunit tumuloy pa rin ang kanyang anak kahit walang pahintulot mula sa kanya pagkat naging matigas ang ulo nito mula nang magkakilala sila ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado.  Naging desisyon ng Datu ng Itbayat ang huwag na lamang dumalo sa kasal nina Prinsesa Imurung at Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado dahil mas ninais pa niya ang magluksa kaysa magsaya kung naghimagsik naman ang kanyang kalooban pagkat malinaw na itinakwil na siya ng sariling anak kaya maging ang mga nasasakupan niya ay hindi rin nakisaya sa ginanap na kasalan bilang pakisimpatiya nila sa kanya.  Mangyari, laging humahantong sa pag–iibigan ang madalas na pagtatagpo ng dalawang nilalang maski pawang kapintasan ang namamalas sa isa’t isa sa simula ngunit nagdudulot naman ng pangungulila ang minsang hindi nila pagkikita hanggang sa unti–unting tumitibok sa kanilang mga puso ang nagiging kahulugan nito habang tumatagal ang kanilang ugnayan na kailangan magkaroon ng katuparan kasunod ang pangako na hindi na sila maghihiwalay pa kahit kailan.  Pero masuwerte pa rin ang Datu ng Itbayat dahil hindi nadestino si Alcalde sa dalawang isla na pagmamay–ari niya maski hindi na makilala nito si Prinsesa Imurung upang wala nang pagseselosan si Señora Mayora ngunit tiyak naman na magkakaroon din ng titulo kahit ang malawak na karagatan ng Pacifico para walang puwedeng sumisid sa mga perlas.

            ¡Bien!  ¿Puedo dejarte primero?  ¡Gobernador del Prado . . . Princesa Imurung!  ¡Lo descubrire!  ¡Si la mesa esta lista!  ¡Perdoname!”  Pagkatapos, tumuloy sa komedor si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno upang alamin kung nailatag na sa mesa ang mga pagkain lalo’t ramdam na rin niya ang hiya sa tuwing tumitingin sa kanya ang mga panauhin na waring nagtatanong ang mga mata kung puwede na bang simulan ang komida ngunit si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte ang iniisip naman niya kung biglang bumungad habang kumakain sila dahil tiyak na mapapahiya siya pagkat hindi nila nahintay ang kanyang pagdating.  Kunsabagay, kanina pa pala handa ang mesa maliban sa ilang putahe dahil hinihiwa pa lamang ang mga ito at ang nilagang baka na mamaya pa lamang ihahain kapag nagsimula na ang komida para mainit ang sabaw habang hinihigop ito ng mga panauhin ngunit nababahala pa rin ang Gobernador ng Cagayan pagkat aabutin pa yata ng alas–tres ang kanilang paghihintay sa kanyang espesyal na panauhin.  Kabilang sa mga putahe ang karne ng dalawang libay at tatlong alingo na hinuli nang buhay sa kabundukan ng Tuao at ang hindi dapat nawawala sa tuwing may pagtitipon pagkat paborito ng mga gobernador ang  – gambas al ajillo, pulpo a la gallega, gazpacho at ang pamutat na leche frita na sadyang ipinaluto sa kusinerong Español dahil dinarayo ng mga kalahi nito ang sariling restaurante sa bayan ng Tuguegarao.  Wala ang nakasanayang litson dahil hindi angkop sa ganitong kainan na kailangan gumamit ng kubiyertos ang mga panauhin kaya mamayang gabi pa posibleng maihahain ito pagkat linuluto pa lamang para sa mga panauhin na manggagaling ng Maynila dala ang kanilang mga mamahaling regalo dahil segurado namang darating sila matapos magpasabi maski masama ang panahon.  Segurado, magdaratingan pa ang kanyang mga kaibigan mula sa iba’t ibang lalawigan hanggang mamayang pagsapit ng gabi dahil sa gaganaping baile ng mga Alcalde at kani–kanilang mga damas malvadas maliban kay Alcalde Procurador Naviero dela Alteza pagkat sadyang ikinulong niya sa residencia ejecutiva si Señora Mayora upang hindi malalaman nito kung magkano ang napagbentahan sa mga huwad na titulo.  Gayunpaman, hindi pa rin puwedeng simulan ang komida kahit gaano pa kasarap ang mga handa kung wala pa si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte samantalang tanaw lamang mula sa palacio del gobernador ang simboryo ng simbahan ni Señor San Pedro kaya panay ang dungaw ng mga damas malvadas pagkat siya naman ang napagbalingan ng kanilang mga sikmurang kumakalam dahil hindi naman puwede na magtitiyaga sila sa alak.  Sa halip, naihain na rin ang mga barbacoa pagkat sanay kumain nito ang mga damas malvadas dahil praktisado sa pagngunguya ang kanilang mga bibig na hindi na tumikom kahit kailan sapul nang masilayan nila ang kagandahan ni Prinsesa Imurung maski hindi sila pinapansin nito mula pa kanina ngunit nasisilaw naman sa kislap ng mga ginto ang kanilang naiinggit na damdamin.  Kunsabagay, subra–sobra pa sa limang hainan ang sampung putahe dahil talagang ginastusan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang kanyang kaarawan pagkat minsan lamang ito sa isang taon ngunit hindi niya naiwasan ang malungkot nang maisip na posibleng magiging minindal na lamang ang pananghalian na inihanda niya kung abutin pa ng alas–tres si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte kaya gustung–gusto nang utusan niya ang isang guwardiya sibil para alamin kung matuloy pa ba ang punta niya sa palacio del gobernador.  Lalong tumindi ang pag–aalala ng Gobernador ng Cagayan nang inihudyat sa munisipyo ng Tugegarao ang alas–dos ng hapon dahil hindi pa rin dumarating sa palacio del gobernador kahit ang anino man lamang sana ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte para gumaan naman ang pakiramdam ng kanyang mga panauhin pagkat kanina pa tinitiis nila ang gutom kaya siya na ang nahihiyang lumbas upang muling hingin ang kanilang kaunting pasensiya at pang–unawa.  Problema sa ganitong sitwasyon kung hindi pa kumain ng almusal ang mga panauhin dahil inaasahan nila na magpapakain nang eksakto alas–doce nang tanghali ang may kaarawan ngunit nabalam ito ngayon nang maapektuhan sa espesyal na bisita ang paghihintay nila kaya babawi na lamang sila kapag sinimulan na mamaya ang komida pagkat gustuhin man nila ang magreklamo ay huwag na lamang kung sila naman ang mapasama.  Tuloy, gustuhin man ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang magpasalamat kay Señor San Pedro pagkat nabigyan na naman siya ng pagkakataon upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan ngunit hindi ito masambit–sambit ng kanyang mga labi dahil nanaig sa kanyang dibdib ang pag–aalala habang hindi pa nagpaparamdam si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte dahil tunay na kahiya–hiya kung isa–isang mag–alisan ang kanyang mga panauhin para pumunta na lamang sa mga karinderia.

            Naseseguro ni Alcalde na sumunod sa kanya si Alferez habang umaakyat siya sa hagdan kanina kahit hindi sila sabay dahil lumingon pa siya nang mapaglimi na hindi pala niya naibalik ang saludo ng guwardiya sibil na sumalubong sa kanya sa pasukan ng palacio del gobernador ngunit hindi naman niya maipaliwanag kung bakit nagkahiwalay sila maski ikatuwiran pa ang maraming bisita ay dapat magkatabi pa rin sana sila.  Natitiyak din niya na naririto lamang sa salas ng palacio del gobernador ang kanyang fiduciario pagkat walang dahilan upang bumaba siya maski parehong nararamdaman nila ang gutom dahil nagkape lamang sila bago umalis sa bayan ng Alcala para mahabol pa nila ang misa kantada maliban na lamang kung napasama na siya sa grupo ng mga un Comandante del Ejercito de Tierra pagkat isinabay rin sa okasyon ngayon ang kanilang kumperensiya.  Kung tama ang kanyang palagay ay kailangan mahanap agad niya si Alferez upang siya na lamang ang humawak sa sobre para handa na siya sakaling muling magtatanong tungkol sa mga huwad na titulo si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno dahil si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte na lamang ang hinihintay nito upang masimulan na ang bentahan maski poco etico kung isabay ito sa komida dahil talagang gahol  na rin sa panahon.  Para hindi laging kakaba–kaba ang kanyang dibdib lalo na nang malaman niya na wala pala sa kanyang pag–iingat ang sobre ngunit hindi naman maaari na apurahin niya ang paghahanap kay Alferez pagkat tiyak na madadagil niya ang mga panauhin na nagkulumutan sa gitna ng salas habang pinapalipas sa kuwentuhan ang gutom dahil okupado naman ng kanilang mga damas malvadas ang mga silya.  Kaya hindi masisisi si Prinsesa Imurung kung laging humihilig kay Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado dahil wala man lamang nagmagandang–loob para paupuin sana siya upang umidlip kahit sandali habang hinihintay pa ang pagdating ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte pagkat maaaring pinipilit na lamang niyang labanan ang antok lalo’t ramdam pa niya ang pagkailay sanhi ng kanyang naranasan kanina habang binayo ng malalaking alon ang lantsang sinakyan nila.

 ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *