IKA – 107 LABAS

            “¡Señor!  ¡Ha llegado el invitado que estabamos esperando!  ¡Esta subiendo las escaleras!  ¡Si . . . Señor!”  Hustong palabas naman mula sa komedor si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno nang masalubong niya ang guwardiya sibil upang iparating sa kanya ang magandang balita na kanina pa hinihintay niya kaya hindi pa niya mayaya sa hapag kainan ang mga panauhin maski nagtitiis na sila sa gutom ngunit wala na segurong dahilan kahit hapon na nang dumating siya pagkat nailatag na rin sa mesa ang pagsasaluhan mamaya.  Walang duda na sumigla ang kanyang pakiramdam pagkat napabilis ang kanyang mga hakbang para salubungin si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte na hustong bumubungad naman sa salas kasama ang dalawang baculo de obispo matapos ang kanilang sandaling pahinga dahil sa matinding pagkahapo nang akyatin nila ang hagdan ng palacio del gobernador na may labindalawang baitang.  Pero hindi siya lumapit agad kay Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte para hindi niya maaabala si Gobernador Señor Vittorio Vicente Santores Marasigan habang nagmamano ngunit hindi tiyak kung napansin siya ng espesyal na panauhin niya basta naghintay na lamang siya pagkat marami pa ang sumunod sa Gobernador ng Isabela upang ipamalas ang kanilang kagalakan nang pansamantalang  naparam sa isipan nila ang nabalam na komida.  Hinayaan pa rin niya nang magkasunod na nagmano sina Don Flavio Engracio San Francisco de Muelle at ang Gobernador ng Nueva Vizcaya habang hindi pa siya hinahanap ng Obispo ng Cagayan na malugod namang nagpaunlak sa kanyang mga panauhin dahil mistulang nabighani sa anyo nito ang kanilang damdamin kaya kisap–matang nawaglit sa isip na ang kaharap nila ngayon ang naging dahilan kung bakit hindi pa rin sinisimulan ang komida gayong pasado alas–dos nang hapon na.  Nagbigay–daan na rin siya sa mag–asawang Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado at Prinsesa Imurung lalo’t hindi nila inabutan ang misa kantada pagkat tanghali na nang dumaong sa puwerto ng Aparri ang lantsa na sinakyan nila kahit maaga silang umalis sa pantalan ng Basco nang maapektuhan sa masamang panahon ang paglalayag nito sanhi ng mga malalaking alon sa laot ngunit napatitig siya nang mapansin ang naging reaksiyon ni Obispo Diego Eleuterio Silva Aduarte habang nagmamano sa kanya ang babaeng katutubo.  Nagpaubaya pa rin siya nang isa–isang nagmano kay Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte ang mga damas malvadas maski naghihimagsik ang kanilang mga kalooban pagkat naunahan pa sila ng babaeng katutubo samantalang mas karapat–dapat sila sa kanyang basbas dahil hindi sila lumiliban sa misa kahit bumabagyo upang ipamalas ang kanilang katapatan sa pananampalataya maliban ngayon nang maging priyoridad nila ang pumunta sa palacio del gobernador imbes nagsimba muna.  Naunawaan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang ipinamalas na pananabik ng kanyang mga panauhin upa ng makadaupang–palad si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte dahil karamihan sa kanila ay galing pa sa mga karatig–lalawigan ng Cagayan kaya sinamantala na rin nila ang pagkakataon pagkat minsan lamang ito nangyayari sa kanilang buhay kahit hindi nawawla sa kanyang kaarawan ang Obispo ng Cagayan ngunit may mga taon na nagiging mahirap sa kanila ang dumalo sanhi ng bagyo.  Tuloy, sandaling natigil ang kaslog sa kanilang mga bituka sanhi ng gutom kahit todo–todo ang panghahalina sa halimunmon ng mga putahe mula sa komedor nang mabaling sa espesyal na panauhin ang kanilang atensiyon upang hingin ang kanyang basbas batay sa kani–kanilang layunin lalo na ang mga  damas malvadas maski imposibleng makamtan nila ito kung hindi pa siya inanyayahan ng Gobernador ng Cagayan.

            “¡Buenas tardes . . . querido Obispo!  ¡Y feliz fiesta del Señor San Pedro!  ¡Muchas gracias por aceptar mi invitacion!  ¡Por favor entra . . . !”  Pagkatapos, si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno naman ang nagmano nang mapansin ng mga panauhin na matagal na pala siyang nagmamasid para pagbigyan muna sila kahit kailangan estimahin na niya si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte nang masimulan na ang komida dahil kanina pa ito hinihintay ng lahat pagkat naririnig na ang dupikal mula sa kampana ng simbahan ni Señor San Pedro upang ipaalaala ang pagsisimula sa gaganaping prusisyon.  Tamang–tama lamang ang kanyang paglapit pagkat hustong bumaling sa kanya ang mga mata ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte na waring nagtataka dahil nauna pang nagmano ang mga panauhin kaysa may kaarawan gayong ang talagang sadya niya sa palacio del gobernador ay para batiin siya at lumahok sa gagawing bentahan sa mga huwad na titulo upang bumili ng lupa sa kapatagan ng Sierra Madre.  Aywan kung ikinamangha pa rin ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte nang malaman niya na marami pala ang bisita ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kung lagi namang ganito ang tanawing nararatnan niya sa tuwing kaarawan ng kanyang mejor amigo pagkat kasabay rin nito ang kapistahan ni Señor San Pedro kaya dalawa ang selebrasyon ngunit lalong magugulat siya kapag nalaman na kanina pa nagtitiis sa gutom ang mga panauhin dahil naatraso ang kanyang pagdating.  Napasiglaw naman si Prinsesa Imurung sa kanyang esposo habang nagtatanong ang tingin nang mapansin niya na parang hindi kumpleto ang simpleng pagmamano na ginagawa ng sinumang opisyal ng pamahalaang Kastila pagkat nagpasunod pa ng yukdo ang Gobernador ng Cagayan upang tanggapin din ang basbas na ipinagkaloob naman sa kanya ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte.  Patunay lamang na mas makapangyarihan ang mga alagad ng simbahan maski mahirap patotohanan ang ganitong katuwiran pagkat limitado lamang sa pagpapalaganap sa pananampalataya ang kanilang partisipasyon sa lipunan samantalang pinangangasiwaaan ng mga opisyal ng pamahalaang Kastila sa bawat bayan ang Comandancia del Ejercito upang bigyan ng proteksiyon ang mga mamamayan sa kanilang teritoryo na ginagawa naman nina Alcalde at Alferez sa bayan ng Alcala.  Subalit ang magandang samahan na ipinamalas nina Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno at Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte ay pruweba rin ng kaaya–ayang relasyon sa pagitan ng namumuno sa simbahan at sa pamahalaang Kastila na dapat magsilbing halimbawa para sa lahat nang opisyal pagkat sila ang laging huwaran ng mga mamamayan dahil nagiging madali lamang ang katuparan sa mga makabuluhang layunin kung may pagtutulungan ang dalawang panig.  Kabalintunaan ang kura paroko ng Alcala at si Alcalde dahil batbat ng aliwaswas ang kanilang relasyon sanhi ng kawalan ng respeto sa isa’t isa pagkat ginagamit ang kani–kanyang kapangyariha upang magsisiraan imbes na magkasundo sana sila para lalong darami ang mahikayat magpabinyag dahil ito ang totoong layunin ng bansang España nang sakupin nito ang Pilipinas.  Hindi kabilang sa mga nagmano kay Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte sina Alcalde at Alferez dahil hindi sila mahagilap ngunit hindi rin mapiho kung napansin ito ng Gobernador ng Cagayan pagkat iba ang napagbalingan sa kanyang atensiyon nang gumaan ang pakiramdam niya gayong kanina lamang ay matindi ang bagabag nito kaya halos naging madalas na ang ngiti sa mukha na makulimlim pa sa masamang panahon ang hitsura kanina.  Baka hindi pa batid nina Alcalde at Alferez ang kasalukuyang nagaganap sa palacio del gobernador dahil sa pagdating ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte kung abala pa rin sila sa paghahanap sa sobre pagkat isa man sa kanila ay hindi pa umakyat samantalang malapit nang simulan ang bentahan sa mga huwad na titulo para minsanan na lamang ang aktibidad maski ito pa ang magigiging sanhi upang maaabala ang gana sa pagkain ng mga panauhin.

            ¡A todos pido dispensa!  ¡Si sabes mi llegada . . . Goberador!”  Ah!  Kung alam lamang ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte na siya ang dahilan ka ya tiniis ng mga panauhin ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang nararamdamang gutom sa loob ng tatlong oras ay nararapat lamang ang paghingi niya ng paumanhin pagkat inihuhudyat na sa munisipyo ng Tuguegarao ang alas–tres nang hapon gayong kaninang tanghali pa hinintay nila ang kanyang pagdating kaya may katuwiran kung gawin niya ang plahelasyon mamayang gabi.  Marahil, naramdaman ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte na siya na lamang ang hinihintay para masimulan na ang komida kahit wala siyang naririnig mula sa kanila ngunit hindi naman maitatanggi sa kanilang mga hitsura na waring nagtatanong kung bakit ngayon lamang siya dumating at posibleng binulungan din siya ni Señor San Pedro upang apurahin pagkat malapit nang simulan ang prusisyon.  Sapagkat hindi pala lunas ang pagmamano upang tuluyan nang mapawi ang kanilang nararamdaman dahil muling kumaslog ang kanilang mga bituka para iparamdam ang mensahe na tunay na kahiya–hiya kung mapabalita na hinimatay sa gutom ang mga panauhin ng palacio del gobernador pagkat totoo rin naman na hindi nagbibigay ng lakas sa kanilang mga katawan ang alak.  Pero pinipilit pa rin nila ang ngumisi maski gustung–gusto na nilang lusubin ang komedor pagkat lalong tumitindi ang kanilang gutom habang mistulang nanghahalina ang samyo ng mga putahe ngunit lagi namang nagpaalaala sa kanila ang pagiging sibilisado sa ganitong pagtitipon kahit magiging hapunan na ang inihandang pananghalian dahil ngayong taon lang naman nangyari ito na seguradong mag–iiwan ng hindi malilimutang karanasan sa kanilang lahat.  Mahirap din pala ang mapabilang sa mga kinikilalang personalidad sa lipunan dahil kailangan nila ang magkunwari kahit magkaroon pa sila ng cancer de colon pagkat tinubuan ng maraming bukol ang kanilang mga bituka basta huwag lamang malalabag ang sinusunod na protokol kaya mapapalad pa rin ang mga katutubo sa kabundukan ng Sierra Madre dahil kumakain sila nang eksakto sa oras.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *