IKA – 117 LABAS

Katunayan, nagising lamang ang kutsero nang maramdaman niya si Alferez dahil lahat nang parte na yata ng karwahe ay nasalugsog na ng opisyal maging ang apat na gulong nito sa pagbabakasakali na kasiyahan ng himala ang imposibleng palagay maski malayo ito sa posibilidad ngunit kailangan gawin para magkaroon ng tiyak na resulta ang paghahanap.  Kaagad ibinigay ni Zafio ang sobre nang malaman niya na ito ang sadya ni Alferez ngunit muntik nang tanungin ng opisyal ang kabayo kung hindi pa siya nagising pagkat talagang malakas ang kanyang kutob na naririto lamang sa karwahe ang kanyang hinahanap na salungat naman sa hinala ni Alcalde na maaaring nahulog ito habang papunta pa lamang sila sa bayan ng Tuguegarao.  Gayunpaman, ayaw pa rin tanggapin ni Alcalde ang sariling pagkakamali maski kumpirmadong nabitawan niya ang sobre nang hindi niya namalayan sanhi ng antok hanggang sa nawaglit na rin ito sa isip niya nang dumating sila sa bayan ng Tuguegarao dahil hustong nagsisimula ang misa kantada nang pumasok sila sa simbahan ni Señor San Pedro.  Pero nagbitiw ng banta si Alferez na bibigyan niya ng leksiyon ang kutsero upang ipaalaala sa kanya na hindi lamang limitado sa pagpapatakbo sa karwahe ang kanyang obligasyon dahil kasama rin sa kanyang responsibilidad ang anupamang tungkulin maski hindi na kailangang sabihin pa ito sa kanya at kulata ang nararapat sa kanya upang magtanda, dagdag pa ng opisyal,

            ¡Mmm . . . bien! ¡Ven y que comience la subasta! ¡Date prisa . . . Alcalde!”  Aywan kung nawakli lamang sa isip ni Alcalde ang pag–iingat sanhi ng sobrang kagalakan nang kanyang ibinigay nang walang pag–aatubili ang sobre gayong hindi naman ito hiningi ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno pagkat tiyak na matutuklasan niya ang pagiging huwad sa mga titulo kung maging balayag sa pagbabasa ang mga mata niya dahil dapat lamang ipagpauna na bihasang tumingin sa original na dokumento ang katulad niya na mataas ang katungkulan sa pamahalaang Kastila sa lalawigan ng Cagayan.  Bagaman, hindi magiging problema sa mga negosyante ang mga huwad na titulo pagkat tiyak na hindi na nila mapapansin ang pagkakaiba ng orihinal kaysa huwad dahil mas priyoridad nila ang magkaroon ng mga lupain sa kapatagan ng Sierra Madre imbes na bigyan pa nila ng linay ang bawat katagang isinasaad sa dokumento kung gahol na rin ng oras upang suriin pa nila ito.  Tuloy, napakamot sa ulo si Alferez habang patangu–tango naman si Alcalde na waring inaamin ang kanyang malaking pagkakamali nang biglang nagparamdaman sa kanilang dalawa ang matinding pangamba kapag may napansin sa mga huwad na titulo ang Gobernador ng Cagayan dahil tiyak mag–aakyatan ang mga guwardiya sibil upang arestuhin sila ngunit mabilis namang naghanap ng bintana ang mga mata ng Comandante de Ejercito del Tierra de Alcala upang doon na lamang siya daraan palabas ng palacio del gobernador kung magkatotoo ang kanilang sapantaha.  Ngayon pa lamang nagsalubong ang mga mata nina Alcalde at Alferez nang panakaw na sumulyap ang isa’t isa sa kanila ngunit sandali lamang din ang itinagal nito dahil muling dumako kay Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang kanilang mga paningin para pakiramdaman ang kanyang reaksiyon habang inilalabas niya ang mga huwad na titulo upang basahin.  Sa halip, pahapyaw lamang ang basa ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno sa isang titulo dahil kailangan bumalik na siya sa komedor upang hindi hahanapin ng mga panauhin na tila hindi umuuntos ang gana sa pagkain pagkat abala pa rin silang lahat sa pagsubo ngunit pinasusunod sa kanyang senyas sina Alcalde at Alferez.  Napabuntung–hinga si Alcalde nang maisaloob niya na walang dudang matutuloy na rin ang bentahan sa mga huwad na titulo matapos ibalik sa kanya ang sobre pagkat malinaw na walang napansin na anumang mali si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kaya wala na rin dapat ikabahala maski nagtitiis siya ng gutom kung malaking halaga naman ang magiging kapalit nito hanggang sa napatapik siya sa balakang upang pasimpleng pasalamatan ang kanyang mahiwagang kalsunsilyo dahil muli na namang gumana ang taglay na anting–anting nito.  Samakatuwid, pulido pala ang pagkabalangkas ni Expedito Monsanto del Solamente pagkat walang napuna kahit munting klabe man lamang sa mga huwad na titulo ang Gobernador ng Cagayan lalo’t pirmado rin niya at ni Alcalde bilang patunay sa pagiging legalidad sa mga dokumentong ito kahit malaking mapa ang pinagbasehan lamang niya ngunit hindi pa rin mapalis sa dibdib ni Alferez ang kaba. Kaagad tumalima sa paanyaya ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno sina Alcalde at Alferez para masimulan na ang bentahan sa mga huwad na titulo ngunit hindi na umaasa ang dalawa upang matikman pa nila ang handa ng may kaarawan dahil maaaring hindi na maglalatag pa ng pagkain ang mga kamarera kapag naging bisi na ang lahat sa negosasyon kaya seguradong sa mga bisita na manggagaling ng Maynila inilaan ang susunod na hainan.  Napilitang sumunod si Alferez maski masama ang kanyang loob dahil ramdam pa rin niya ang matinding kapaguran na pinalulubha pa ng gutom maski nagtataka siya pagkat dati namang hindi siya kumakain basta nadaluyan ng alak ang kanyang lalagukan ngunit nawaglit yata sa isip niya na tuluy–tuloy ang pag–iinom niya sa hora feliz kaya sapat na ang maraming tagay ng alak upang laging busog ang pakiramdam niya.  Talagang gusto sanang tangkabin niya ang mukha ni Alcalde kung hindi lamang dumating si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno para ipamukha sa kanya na hindi siya alipin upang tratuhin nang walang pakundangan kahit malinaw ang patunay sa kanyang kapabayaan dahil sa karwahe natagpuan ang sobre ngunt siya pa rin ang kanyang sinisisi kaya lalong sumulak ang dugo niya.  Lalong hindi niya magawa ang magpasalamat kay Zafio pagkat mas ninais pa ng kutsero ang matulog imbes na umakyat din sana siya sa palacio del gobernador upang ibigay kay Alcalde ang sobre para hindi na sana sila napagod pa sa paghahanap nito ngunit nagkamali siya kung si Señora Mayora lamang ang kanyang sinusunod dahil iuutos naman niya ang gumapang siya mula sa residencia ejecutiva hanggang sa munisipyo ng Alcala bukas ng tanghali maski magagalit pa ang nangangarap na maging santa.  Segurado, pinag–uumpog na niya ang mga ulo nina Alcalde at Zafio kung sa munisipyo ng Alcala nangyari ito para humupa ang kanyang galit lalo’t matagal na siyang nagtitimpi dahil laging nagpaalaala sa kanya ang pangyayari sa residencia ejecutiva pagkat malaon na sana siyang nailibing kung hindi niya nailagan ang kopita hanggang sa napahinagpis na lamang siya.

            Pagbalik ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno sa komedor ay kasunod na niya ang dalawa ngunit hindi pa rin sila nag–iimikan dahil walang gustong humingi ng paumanhin maski sabay din silang babalik mamaya sa bayan ng Alcala sa halip na manood muna ng palabas pagkat wala sa plano nila ang magpalipas ng gabi sa palacio del gobernador kaya kunwari lamang nang masambit ni Alcalde ang panghihinayang kung bakit hindi niya isinama si Señora Mayora ngayong nahanap na ang sobre.  Patay–malisya sina Alcalde at Alferez kahit kapwa nanlalampot sanhi ng nararamdamang gutom dahil ipinaubaya na lamang nila sa Gobernador ng Cagayan ang pag–asa na sana matitikman pa nila ang kanyang handa pagkat wala nang bakante para sa kanila kung naisin pa rin nila ang umupo maski hindi na sila mapapakain ng mga kamarera ngunit payag naman silang maghintay sa susunod na hainan kung mayroon pa.  Huwag pagtakhan kung biglang naramdaman nila ang gutom dahil malinaw naman na napagod sila sa paghahanap sa sobre samantalang sa hora feliz ay tuluy–tuloy ang inuman nila hanggang madaling–araw kahit walang pulutan pagkat walang iniintindi na anumang problema ang mga sarili nila basta huwag lamang magdeklara ng guerra mundial si Señora Mayora.  Tumayo na lamang sila sa tabi ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno pagkat hindi na rin umupo ang huli para maayos ang pakipag–ugnayan niya sa mga panauhin na gustong magkaroon ng mga lupain sa kapatagan ng Sierra Madre ngunit nalimutan naman niya na may dalawang bisita ang hindi pa nalahiran ng mantika ang mga nguso dahil sa kanyang matinding pananabik na mahawakan na ang mapagbentahan sa mga huwad na titulo.  Kagyat napasiglaw kay Alcalde ang Gobernador ng Cagayan nang malaman niya na mahigit sa dalawampung mga huwad na titulo ang laman pala ng sobre nang isa–isang inilalabas niya ang mga huwad na titulo upang masimulan na ang subastahan sa mga ito maski kaabalahan ang dulot nito pagkat kumakain pa ang kanyang mga panauhin ngunit kailangan ituloy niya para hindi na muling magtakda ng araw.  Matapos basahin ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno upang suriin ang bawat kopya ay nalaman niya na notaryado na pala ang mga huwad na titulo bukod pa sa pirmado na rin ni Alcalde at ng agrimensor ang bawat isa nito kaya napaniwala siya sa legalidad ng mga dokumento ngunit hindi naman napapalagay ang sarili ni Alferez sa tuwing tinutunghayan ng Gobernador ng Cagayan ang bawat kopya.  Kahit likhang–isip lamang ng agrimensor ang naging basehan sa paggawa sa mga huwad na titulo sa tulong ng malaking mapa para masunod ang kapritso ni Alcalde ay tila wala pa rin napuna ang Gobernador ng Cagayan kahit maraming beses nang binasa niya ang mga ito habang hindi naman sumagi sa utak ni Alcalde ang tanong kung paano reresolbahin ang isyu kapag natuklasan ng mga negosyante na huwad pala ang dokumentong hawak nila kung kailan nabayaran na nila ang mga ito.  Basta napuspos ng kagalakan ang kalooban ni Alcalde kahit kape kaninang madaling–araw at isang kopita ng alak sa palacio del gobernador ang laman lamang ng kanyang tiyan ngunit walang duda na malaking halaga ang magiging katumbas naman ng kanyang paghihirap dahil mananatiling pagmamay–ari pa rin ng mga negosyante ang mga lupaing nabili nila sakaling mangyari man ang dapat pangangambahan pagkat may maglalakas–loob pa kaya upang kuwestiyunin ang transaksiyon na pinasok ng pamahalaang Kastila ng Alcala.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *