IKA – 121 LABAS

Kunsabagay, laging priyoridad ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte ang pagpapalaganap sa pananampalataya dahil tungkulin niya bilang pangkalahatang pinuno ng simbahang katolika sa probinsiya ng Cagayan ang ilapit sa mga katutubong erehe ang relihiyon upang hindi na sila tumatawid pa sa mga ilog kung masama ang panahon pagkat malapit lamang sa kanilang komunidad ang kapilya ni Señor San Jose.  Pero mahihikayat pa kaya ng sinumang maitatalagang prayle sa itatayong kapilya ni Señor San Jose kung pagbatayan ang naranasang kasiwalan ng mga katutubo ng Sierra Madre mula sa pamahalaang Kastila ng Alcala upang yakapin pa rin nila ang pananampalataya maski taliwas ito sa kanilang paniniwala lalo’t natanim na sa kanilang mga puso ang matinding galit sa mga soldados dahil sa sinapit nila?  Hindi kaya magsasanhi lamang ito ng maraming katanungan mula mga katutubo ng Sierra Madre kung bakit pinapatay sila ng mga soldados nang walang kaawa–awa at inagawan pa ng mga lupain kung talagang kapayapaan ang layunin sa pananampalataya na nais palaganapin ng mga banyaga sa kanilang pook gamit ang mga fusil sa halip na rosaryo?  Ano ba ang mayroon sa Diyos ng mga banyaga kung uhaw naman sila sa dugo upang talikuran ng mga katutubo ng Sierra Madre ang kanilang pananalig kay Bathala gayong siya ang nagmulat sa kanila tungkol sa kahalagahan ng buhay, kapayapaan at pagmamahalan kaya sila’y namumuhay nang malugod sa kabundukan ng Sierra Madre na kabalintunaan sa ginagawa ng pamahalaang Kastila ng Alcala?  Baka magbibilang muna ng maraming taon hanggang sa nangamatay nang lahat ang mga katutubong Malauegs na dumanas sa malagim na karanasan bago mahikayat magpabinyag ang mga bagong henerasyon pagkat hatakin man ng maraming taon palayo sa kasalukuyan ang kuwento ng katotohanan ay tiyak na magbabalik ito sa alaala ng mga lahing may pagpapahalaga sa kanilang simulain.  Malinaw sa pasubaling ito na hindi pa rin nagbibigay ng garantiya ang pagpapatayo ng kapilya ni Señor San Jose dahil hindi puwedeng ikatuwiran na wala nang magpaalaala sa mga bagong henerasyon tungkol sa sinapit ng kanilang mga ninuno sa kamay ng mga banyaga sa halip magiging dahilan lamang ito upang muling maglalagablab sa kanilang mga puso ang paghihimagsik para ipagpatuloy ang iniwang laban ng nakaraan kapag natunghayan nila ang madugong kasaysayan ng tribung Malauegs na tanging alaala ng mga nagsakripisyo ng kanilang buhay.  Sapagkat hindi nagwawakas sa kapanahunan ng kanilang kamusmusan ang alaala ng mga nakagigimbal na pangyayari kung bakit maagang nasadlak sa libingan ang kanilang mga magulang dahil tiyak na maririnig nila hanggang sa kanilang pagtanda ang pananaghoy ng mga kaluluwa na humihingi ng katarungan na hindi puwedeng ipagwalang–bahala sukdang mauulit ang pakikibaka sa kanilang panahon.

            ¡Por que! Tu plan es bueno . . . querido Obispo! ¡Puwes . . . continuare mi plan! ¡Comprar terrenos en las llanuras de la Sierra Madre! ¡Para mi . . . hermosa esposa!”  Lumalabas na nahikayat lamang ituloy ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado ang balak niya nang malaman ang plano ng Obispo ng Cagayan tungkol sa pagpapatayo ng kapilya ni Señor San Jose sa kapatagan ng Sierra Madre maski ikinamangha ng lahat ang kanyang binanggit na dahilan pagkat tiyak na magiging malungkot ang buhay ng kanyang hermosa esposa habang nag–iisa sa liblib na pook samantalang napapaligiran siya ng maraming dama sa kanilang tribu.  Kung natuwa ang Gobernador ng Batanes maski magiging dahilan pa ito upang magkalayo silang mag–asawa ay naging palaisipan naman sa mga panauhin ang kanyang katuwiran pagkat wala pang naitatayo na destacamento de tropas sa kapatagan ng Sierra Madre para mabigyan sana ng proteksiyon ng mga soldados ang kanyang hermosa esposa kahit nag–iisa lamang siya.  Habang mabilis namang nagsalimbayan sa mga utak ng mga damas malvadas ang maraming palagay nang maipagpauna nila ang totoong dahilan kung bakit mas gusto pa ng Gobernador ng Batanes ang iwan sa kapatagan ng Sierra Madre ang babaeng katutubo sabay kadkad ng pamaypay upang hindi maririnig ang mga parali na binibigkas ng kanilang mga bibig na nagmamantika.  Higit ang pagtataka ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno nang mapagkukuro niya na maaaring hindi pa natatagalan ang pagsasama nina Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado at Prinsesa Imurung dahil mag–isang dumating sa kanyang kaarawan nang nagdaang taon ang opisyal kaya naging katanungan ng kanyang sarili kung bakit sa kapatagan ng Sierra Madre pa gustong bumili nito ng lupain gayong puwede naman sa bayan ng Tuguegarao.  Bagaman, pabor kay Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kung ituloy pa rin ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado ang kanyang balak ay hindi pa rin niya naiwasan ang limiin nang mabuti ang kanyang katuwiran dahil lubhang malayo sa bayan ng Alcala ang probinsiya ng Batanes kung saan siya nakadestino ngayon upang naisin niya ang bumili ng lupain sa kapatagan ng Sierra Madre maski nangangahulugan ito ng masidhing pagsasakripisyo sa kanilang dalawa.  Baka naging katanggap–tanggap pa sa kanya kung sa bayan ng Aparri na lamang magpatayo ng bahay ang Gobernador ng Batanes pagkat magiging madali na lamang para sa kanya ang dalawin si Prinsesa Imurung kahit walang escolta militar kung balikan naman siya sa maghapon kapag nagkaroon ng problema ang kanyang hermosa esposa kaya kumunot ang noo niya.  Baka hindi pa siya magdududa kung sa kabayanan ng Alcala basta huwag lamang sa kapatagan ng Sierra Madre magtatayo ng bahay ang Gobernador ng Batanes kung maiwan din lamang doon nang mag–isa si Prinses Imurung pagkat posibleng pag–interesan ng mga katutubong erehe ang kanyang mga alahas kapag nalaman nila na opisyal pala ng militar ang kanyang esposo.  Aywan kung alam na ni Prinsesa Imurung ang plano para sa kanya ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado dahil talagang hindi rin mahiwatigan ng mga damas malvadas ang tugon sa kanilang mga tanong habang sinisikap nilang tantuin ang reaksiyon ng babaeng katutubo pagkat hindi pa rin siya tumitingin sa kanila sapul nang sinimulan ang komida.  Pero lingid sa mga damas malvadas ay pasimpleng kinurot ni Prinsesa Imurung ang baywang ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado ngunit hindi lamang matiyak kung paramdam ‘yon ng kanyang pagtutol pagkat malinaw naman ang dahilan para bigkasin pa niya ito saka nagpasunod ng matamis na ngiti na naging sanhi naman upang kumisap nang paulit–ulit ang mga mata nila.  Kung sibilisado na ang bayan ng Basco ay hindi pa ligtas para pamahayan ng mga banyaga ang liblib na kapatagan ng Sierra Madre ngunit maaaring napag–usapan na nina Prinsesa Imurung at Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado ang tungkol sa planong ito pagkat hindi man lamang humingi ng paglilinaw ang babaeng katutubo samantalang nagkasalu–salungat na ang opinyon ng lahat dahil sila pa ang nababahala sa kanyang kaligtasan.  Basta napasulyap lamang si Prinsesa Imurung kay Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado habang nananatiling palaisipan naman sa mga panauhin ang totoong layunin upang naisin ng mag–asawa ang bumili ng lupain sa kapatagan ng Sierra Madre kahit problema ang seguridad pagkat mababaw na katuwiran kung idahilan lamang nila ang balak ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte para magpatayo ng kapilya ni Señor San Jose.  Tuloy, muling kumibot ang mga labi ng mga damas malvadas pagkat umaasa rin naman sila ng sorpresa mula sa kani–kanilang esposo ngunit sa kasamaang–palad ay walang punong–bayan ang nagpahayag ng interes upang magkaroon din ng lupain sa kapatagan ng Sierra Madre maliban sa ilang opisyal ng militar noong inaalok pa lamang ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang mga huwad na titulo kaya wala silang mahihintay hanggang sa matapos mamaya ang okasyon.  Bagaman, masakit ang malaman na talagang natatangi si Prinsesa Imurung kaysa kanila ay nararapat magpasalamat pa rin sila pagkat nagawa nila ang dumalo sa kaarawan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno samantalang matindi ang pagdurugo ng puso ni Señora Mayora dahil ngayong taon lamang hindi siya napasali sa baile na ginaganap sa tuwing pista sa bayan ng Tuguegarao.  Aywan kung bakit naging malamig na kay Señora Mayora si Alcalde gayong hindi naman naapektuhan ng kanyang edad na animnapu’t lima ang kanyang pagkababae na pinapatunayan naman kung galit siya pagkat boses lamang niya ang naririnig sa residencia ejecutiva at lalong huwag niyang pagseselosan ang kura paroko ng Alcala dahil pulpito ang kayang akyatin lamang nito ngunit hindi ang punong kamatis.  Huh?!  ¡Si! Para que no sea un problema para el . . . la adoracion! ¡Cuando alli habia . . . una capilla! ¡No preguntaste . . . querido Obispo! ¡Mi marido es religioso . . . si! ¡La Princesa Imurung tiene la costumbre . . . de escuchar la misa . . . todos los dias! ¡Si!”  Marahil, sadyang masayahin lamang si Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado pagkat pangiti–ngiti pa siya habang ipinapaliwanag ang kanyang katuwiran kaya maaaring nagkamali naman ng intindi ang lahat upang isipin na isang matinding kadahilanan ang nagtulak sa kanya upang naisin pa rin niya ang magpatayo ng bahay sa kapatagan ng Sierra Madre nang walang pagsaalang–alang sa kaligtasan ng kanyang hermosa esposa.  Kung salungat sa reaksiyon ng mga damas malvadas ang naging paniniwala ng lahat ay puwedeng ipagpalagay na magaling magtago ng problema si Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado pagkat wala rin naman silang maimumungkahing solusyon sakaling aminin niya ang totoong sanhi kung bakit gusto pa rin niya ang magkaroon ng bahay sa liblib na pook ng Sierra Madre.  Bagaman, napag–usapan na nina Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno at Alcalde ang tungkol sa seguridad sa mga lupain na ipinagbibili ng pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit bahagi lamang sa maraming plano ang paglalagay ng destacamento de tropas upang pawiin ang pangamba ng mga negosyante kaya depende pa rin ito kung maisubasta ngayong araw ang dalawampung huwad na titulo para matuloy ang balak kaugnay rito kung talagang kailangan na.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *