IKA – 137 LABAS

            “Talaga bang kailangan po natin . . . ang cedula!  Ha?  Apong?!”  Ipinahiwatig sa tanong ni Bag–aw ang kanyang pagtutol kaugnay sa ipinalabas na kautusan ng pamahalaang Kastila ng Alcala gaya nang naging reaksiyon noon ng kanyang amang Alawihaw kaugnay sa buwis at amilyaramyento ngunit may magagawa ba ang mga katutubong Malauegs kung posibleng ikapahamak lamang nilang lahat ang tahasang pagsuway nito dahil tiyak na mahaharap sila sa matinding parusa na minsan nang nangyari sa kanilang tribu.  Bagaman, hindi ito nakaligtas sa matalas na pakiramdam ni Lakay Awallan ay minabuti niya ang magsawalang–kibo na lamang imbes na alamin kung bakit iisa lamang ang huli ngayong naraw ni Bag–aw dahil nakabuti rin naman ang kanyang maagang pagpahinga mula sa pangangaso pagkat naisatinig ang kanyang totoong saloobin na may kinalaman sa dalawang soldados at ang giya nila.  Segurado, mahaharap sa maraming katanungan si Lakay Awallan kung hindi natanaw mismo ni Bag–aw ang dalawang soldados pagkat hindi ganoon kadali upang mapapaniwala siya ngunit hindi naman humahantong sa pangangaral sa kanya ang kagustuhang malurok niya ang isyu dahil nagpapalitan lamang sila ng kuru–kuro kaya hindi na rin niya ipinagpipilitan ang sariling katuwiran para hindi humaba ang kanilang diskusyon.  Aminado si Lakay Awallan na malaki ang pagkakaiba ni Bag–aw sa kanyang amang Alawihaw pagkat madaling malalaman kung ano ang kanyang iniisip dahil laging nagtatanong hanggang hindi siya kuntento sa sagot kaya naisaloob niya na maaaring isang dahilan din kung bakit mas gusto pa ng apo niya ang mangangaso para iwasan ang pang–aalimura mula sa mga kasalamuha.  Sapagkat naging ugali rin niya ang basta na lamang tumatalikod kung hindi niya nagustuhan ang mga sinasabi ng mga kausap niya dahil epekto yata ito sa pagiging ulilang lubos niya kaya hinahayaan na lamang ni Lakay Awallan ang mabaling sa mangangaso ang hilig niya maski nangangamba siya sa kanyang kaligtasan habang nag–iisa sa kagubatan.  Kabalintunaan ang kanyang amang Alawihaw dahil mahirap arukin ang damdamin niya pagkat hindi siya agresibo sa pagtatanong upang iparinig sana kung ano ang nasa kalooban niya kahit noong nagpatawag ng pulong si Lakay Awallan gayong tatlong beses ginanap ito ngunit ipinaubaya na lamang niya sa lupon ng mga matatandang Malauegs ang desisyon.  Kaya namatay si amang Alawihaw na simple lamang ang iniwang bilin para sa kanyang mag–ina ngunit hindi ito nalilimutan ni Lakay Awallan habang nakikita niya si Bag–aw pagkat siya ang sanhi kung bakit nakayanan pa rin niya ang magsakripisyo upang alagaan siya nang mahigit sa dalawampu’t limang taon kahit unti–unti nang iginugupo ng katandaan ang sarili niya.  Tiyak na magpapatawag ng pulong si Lakay Awallan upang ipaalam sa mga kalalakihang Malauegs ang tungkol sa cedula kahit kasama niyang humarap sa dalawang soldados ang mga kababaihang Malauegs ngunit mainam pa rin kung sa kanya manggaling ang balita para marinig din niya ang kanilang mga sariling opinyon bago siya gumawa ng desisyon.  Kaya hindi niya ikinagulat ang naging reaksiyon ni Bag–aw dahil tiyak na ganito rin ang mamalas niya mula sa mga kalalakihang Malauegs ngunit importante ang magpalitan sila ng kuru–kuro para mapag–aaralan nila nang maigi ang kautusan ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil mahalaga pa rin na mapakinggan ang kanilang panig upang hindi na mauulit ang nakaraan.  Tutal, magiging madali na lamang para sa kanya ang pagpapahayag ng kapasyahan kapag may mapagkasunduan na sila sa loob ng isang araw na pag–uusap dahil dalawang bagay lamang ang pagpipilian nila upang hindi na humaba pa ang diskusyon kaysa noon na kailangan isangguni pa niya sa lupon ng mga matatandang Malauegs ang kanyang magiging desisyon.  Para hindi na mauulit ang pangyayaring naganap sa lumang komunidad dahil mismong miyembro ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang hindi nagkasundo noon samantalang simple lamang ang tanong ngayon kung – sinasang–ayunan ba nila ang magkaroon ng cedula o tinututulan nila ito kaya puwede nang magpahayag ng desisiyon ang Punong Sugo pagkatapos mamaya ng kanilang pag–uusap.

            “Marahil . . . mainam na rin!  Kung magkaroon ng cedula . . . ang bawat isa sa atin!  Nang matigil na . . . ang paninita ng mga guwardiya sibil!  Sa. . . mga bumababa sa bayan!  Kasi . . . ito raw ang hinahanap sa kanila . . . ng mga guwardiya sibil!”  Walang duda na nagsilbing aral kay Lakay Awallan ang tandisang pagsuway noon ng mga katutubong Malauegs nang binalewala nila ang pagbabayad sa buwis at amilyaramyento maski nakasaad sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang mga magiging kaparusahan sa sinumang lumalabag nito dahil ipinaglaban pa rin ang kanilang karapatan sa halip na tinanggap ang kautusan para naiwasan sana ang malagim na pangyayari.  Ngayon, nakita niya ang kabutihan sa pagkakaroon ng cedula ng mga katutubong Maluegs bilang proteksiyon dahil ayaw pa rin nila magpasawata maski ipinagbabawal na niya ang bumaba sa bayan ng Alcala ngunit hindi naman mapiho kung payag ba silang lahat dahil sa tanong pa lamang ni Bag–aw ay halos alam na niya ang magiging reaksiyon ng karamihan.  Lalong hindi rin puwedeng pangungunahan ang desisyon ng mga naglalako ng mga gulay sa bayan ng Alcala pagkat sila ang higit nangangailangan nito para hindi sila mahaharap sa malaking problema kapag sinita ng mga guwardiya sibil dahil walang naipakitang cedula ang grupo nila gayong ipinaalam na sa kanila ang kahalagahan ng pagkakaroon nito.  Segurado, ayaw nang mararanasan uli ng kahit sino sa mga katutubong Malauegs ang pangyayari na minsan nang nagdulot ng matinding pagdurusa sa kanila pagkat sadyang masakit sa damdamin ang nabubuhay sa mapait na alaala lalo’t hindi na kayang ibalik sa gunita ang buhay ng kanilang mga minamahal kahit araw–arawin pa ang pananangis nila para kahabagan lamang ni Bathala.  Sana, hindi na mauulit ang kanilang pagkakamali noon lalo’t mahal ang naging kabayaran nito dahil sa madugong ganti ng pamahalaang Kastila ng Alcala kaya gumuho ang kanilang buhay hanggang sa muntik nang maglaho ang kanilang tribu kung hindi pa nagising si Bathala ngunit marami pa rin ang nakaligtas sa kumpas ng kanyang mga kamay na naging sanggalang nila sa rapido ng mga bala.  Katunayan, matagal din nagparamdam sa gunita ni Lakay Awallan ang pangyayari lalo na noong maliit pa lamang si Bag–aw habang labis ang paninisi niya sa sarili dahil sa pagkamatay nina Alawihaw at Dayandang pagkat pinakinggan pa rin niya ang lupon ng mga matatandang Malauegs imbes nagpalabas na lamang sana siya ng desisyon maski ikasasama pa ng loob nila.  Marahil, ito ang maliwanag na katuwiran kung bakit hindi na niya itinatag uli ang lupon ng mga matatandang Malauegs bukod sa nag–iisang matanda siya sa kanilang tribu ay ayaw rin niya na mauulit pa ang pangyayari dahil talagang nagdulot ng matinding epekto sa kanya ang magkasunod na pagkamatay ng mag–asawang Alawihaw at Dayandang gayong naiwasan sana ito kung pinakinggan lamang niya ang isinisigaw noon ng mga kalalakihang Malauegs.  Kahit ligtas na sa bagong komunidad ang mga katutubong Malauegs ay hindi pa rin naging mahimbing ang tulog ni Lakay Awallan pagkat maraming gabi na laging dumadalaw sa kanyang alaala ang mag–asawang Alawihaw at Dayandang lalo na sa tuwing nag–aalumihit si Bag–aw dahil waring namamalayan din nito ang kanilang pagpaparamdam.  Kaya naipangako niya sa sarili ang magiging maingat na siya para maiiwasan ang paninisi lalo’t nanggagaling na lamang sa kanya ang lahat nang desisyon ay madali na lamang upang ibunton sa kanya ang pagkakamali kung humantong ito sa kanilang kapahamakan dahil wala nang kinikilalang Punong Sugo ang galit kung umabot na ito sa sukdulan.  Bagaman, walang lantarang nagparinig ng ganitong pahayag noong kasagsagan ang kanilang pagdadalamhati matapos ang ginawang panununog ng mga soldados sa kanilang lumang kounidad ngunit hindi naman mahirap intindihin ang kanilang mga tingin kaya ayaw na niyang mauulit ang pangyayari habang magagagawa pang iwasan ito.  Kahit dagdag na pahirap sa panig ng mga katutubong Malauegs ang pagtalima sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala kung ito naman ang paraan upang hindi na sila muling magkabisala para wala silang pagsisihan balang araw dahil tiyak na lalong delikado kung maulit ang minsan na nilang naranasan maliban na lamang kung sa kanila na mismo manggaling ang pagtutol.  “Para mapalagay naman . . . ang kanilang mga kalooban!  Habang . . . naroroon sila sa bayan!  Kasi . . . hindi rin maiiwasan!  Oo!  Dahil kailangan pa rin nila . . . ang bumaba sa bayan!  Oo . . . Bag–aw!  Sapagkat . . . alam mo naman!  Sa mga tindahan lamang nabibili . . . ang karamihan sa mga probisyon natin!”  May punto rin si Lakay Awallan pagkat kabutihan naman para sa kanilang lahat ang pagkakaroon ng cedula dahil walang duda na lalong maghihigpit sa lahat nang mga katutubo ng Sierra Madre ang mga guwardiya sibil upang tiyakin na tama ang kanilang pinaghihinalaan lalo’t madalas naglalako ng mga gulay sa bayan ng Alcala ang mga kababaihang Malauegs kahit hindi araw ng palengke ay ito ang magiging proteksiyon nila.  Gusto rin niyang tiyakin ang kapakanan ng mga katutubong Malauegs dahil pinapangahasan pa rin nila ang bumaba sa bayan ng Alcala kahit walang pahintulot mula sa kanya samantalang maliwanag naman ang kanyang bilin na mga kababaihang Malauegs ang pinapayagan lamang niya pagkat kailangan nila ang maglako ng mga gulay para matustusan ang kanilang mga pangangailangan.  Nais niyang ilayo mula sa kapahamakan ang mga katutubong Malauegs upang hindi na mauulit pa ang nakaraan pagkat obligasyon niya bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs ang akayin sila tungo sa ligtas na landas para wala silang pagsisihan balang araw dahil tiyak hindi na nila kakayanin sakaling maganap ang pangalawang dagok sa kanilang buhay.  Kadalasan, humahantong lamang sa kapahamakan ang pagkakamali dahil hindi malinaw ang naging desisyon sanhi ng sobrang kapusukan kung punung–puno ng galit ang mga damdamin kaya ito ang iniiwasan ni Lakay Awallan upang hindi na mauulit ang ganitong kaganapan dahil matindi ang iniwang leksiyon nito sa kanilang buhay lalo na sa kanya.  Tango ang naging tugon na lamang ni Bag–aw ngunit hindi tiyak kung sang–ayon siya matapos marinig ang mga paliwanag ni Lakay Awallan basta natahimik siya dahil maaaring pinag–aaralan din niya ang dulot na kabutihan kung kumuha ng cedula silang lahat pagkat wala namang masama kung sumunod sila sa batas kaysa ikatuwiran ang mga kaugalian kung hindi na rin kailangang paiiralin pa ito sa panahon ngayon na unti –unti nang binabago ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang buhay ng mga mamamayan ng Alcala.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *