IKA – 140 LABAS

At nalaman na rin sana nila ang balak ni Lakay Awallan na magpatawag ng pulong bukas nang umaga upang may naisip na silang mungkahi kaugnay sa cedula bago matulog mamaya dahil mahalagang marinig ang kanilang opinyon lalo na ang tungkol sa bayad pagkat ito ang problema na seguradong marami ang magpamalas ng iba’t ibang reaksiyon.  Akala naman ni Lakay Awallan ay sasalubungin ni Bag–aw sina amang Luyong at amang Tagatoy habang naglalakad sila galing sa kusina papunta sa kanilang mga kubol para sila na lamang ang magparating ng abiso upang impormahan ang lahat tungkol sa gaganaping pulong bukas nang umaga ngunit magpapahangin lang pala ang kanyang sadya kaya lumabas siya sa tangkil.  Sapagkat gusto lamang palang aninagin ni Bag–aw ang kabundukan ng Sierra Madre sa tanglaw ng buwan at sa kutitap ng mga bituin upang ilihis muna sa problema ang kanilang isip para magkaroon naman ng kapanatagan ang kanilang mga damdamnin kahit ngayong gabi man lamang ngunit hindi pa rin lubos maramdaman ang katahimikan habang nagpapahinga ang lahat dahil sa huni ng mga kerwe.  “Hanggang kailan po kaya makikinabang sa biyaya ng kagubatan . . . ang ating tribu?  Ha?!  Apong?!”  Katunayan, naroroon man sa kagubatan si Bag–aw ay talagang itinitigil muna niya ang pangangaso kahit sandali basta napansin niya na malapit nang sumapit ang dapit–hapon pagkat gustung–gustong malasin niya ang kabundukan ng Sierra Madre sa tuwing pasibsib na sa kanluran ang araw dahil may nararamdaman siya maski mahirap ipaliwanag.  Lalo’t naging liwasan na niya ang kabundukan ng Sierra Madre buhat nang matutunan niya ang pangangaso samantalang hustong sumambulat ang bukang–liwayway noong isinilang siya matapos ang magdamag na pagdadag–is ng kanyang inang Dayandang sa tulong ng komadrona kaya magkasalungat man ang sitwasyon ngunit naging bahagi naman ito sa kanyang buhay.  Habang laging sinasabi ng kanyang mga mistad na mas masaya ang bayan ng Alcala kaya may mga sandaling napapaisip siya sabay pagtatanong sa sarili kung may kulang pa ba sa kanyang buhay upang naisin din niya ang mamasyal sa kabayanan samantalang mas ligtas siya rito kung ikumpara sa pook na mistulang pinamumugaran ng mga salot maski naglipana rin sa kagubatan ang panganib ngunit may mga biyayay naman na hindi natatagpuan sa bayan ng Alcala.  Maya–maya, dahan–dahang humahaway sa kabundukan ng Sierra Madre ang makapal na ulop sabay sa pagpaparamdam ng halayhay sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ngunit nanatili pa rin sa tangkil sina Lakay Awallan at Bag–aw pagkat nawaglit na yata sa kanila ang kumain ng hapunan at ang magdasal sa gabi dahil bihira lamang ang magkaroon sila ng ganitong pagkakataon na dapat lamang samantalahin sanhi ng kani–kanyang responsibilidad sa buhay.  Kunsabagay, hindi na naging kataka–taka kung ganito ang naging damdamain ni Bag–aw dahil hindi pa niya narating ang bayan ng Alcala kaya mas maganda pa rin sa kanyang paningin ang kabundukan ng Sierra Madre kahit totoong malayo ito sa kabihasnan ngunit nagkalat naman sa mga lansangan ang mga guwardiya sibil na mas mapanganib pa kaysa mga mababangis na hayop sa kagubatan.  Mula sa bintana ng tangkil basta maaliwalas ang panahon ay kitang–kita ang tagaytay ng Sierra Madre na madalas malasin ni Lakay Awallan habang hinihintay niya ang pagdating ni Bag–aw galing sa pangangaso dahil naging kaakit–akit sa kanyang paningin ang tanawin nito kahit noong musmos pa lamang siya hanggang ngayong siya na ang Punong Sugo ng tribung Malauegs.  Batid niya na wala pa sa kalahati ng malawak na hangganan ng Sierra Madre ang nararating ng tao dahil naging mangangaso rin naman siya noon bago naitalaga bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs pagkat ito ang buhay ng mga kalalakihang katutubo na hindi puwedeng ipagbawal sa kanila kahit gaano kadelikado pa ang kagubatan ngunit dito naman dumedepende ang kanilang kabuhayan.  Maya–maya, napansin ni Bag–aw na may nagluluto pa pala sa kusina kaya nasambit niya na maaaring pinapakuluan ng mga kababaihang Malauegs ang magiging ulam nila bukas ng umaga para malambot nang kainin sa almusal ang karne ngunit tiyak na hindi ang libay na dala niya hanggang sa may dumating sa tangkil dala ang dalawang lumbo ng salabat.  Dahil kailangan pang pakuluan nang magdamag ang karne ng libay kung hindi naisip ng mga kababaihang Malauegs ang magpindang para ilako sa bayan ng Alcala pagkat marami ang naghahanap nito kaya hindi nagtatagal sa pamilihan kahit mahal ang presyo kung may okasyon ang mga banyaga ngunit bihira lamang makahuli nito ang mga mangangaso dahil sadyang maiilap ang mga usa.  Segurado, karne ng papaw dahil hindi na kailangan ang magdamag na pagpapakulo nito at dinuguan mula sa pagil ang ulam nila sa almusal pagkat gusutung–gusto ito ng mga anak nila ngunit mas masarap namnamin ang sabaw kung may maraming sahog na gulay para magiging masigla ang kanilang partisipasyon sa talakayan bukas nang umaga tungkol sa cedula.  Saka pa lamang naramdaman ni Bag–aw ang gutom nang may nalanghap siya mula sa kusina dahil nagpahabol pa pala ng inihaw ang mga kababaihang Malauegs ngunit hindi niya binalak ang humingi pagkat alam naman niya na ilalaan ‘yon para dagdag na ulam bukas nang umaga basta dali–daling pumasok siya sa tangkil nang maalaala naman ang hapunan na kanina pa naghihintay.  Sapagkat hindi niya ugali ang magbaon ng pagkain dahil nagkakasya na lamang siya sa mga prutas habang nangangaso sa kagubatan kahit ang grupo nina amang Tagatoy at amang Luyong ay ganito rin ang naging katuwiran para hindi na maaabala pa ang mga nakatalaga sa kusina lalo’t seguradong isasabay na rin nila ang paghahanda mamaya sa pananghalian upang hindi gagahulin ng oras.

            “Bakit ganyan . . . ang tanong mo?!  Ha?!  Bag–aw?”  Habang sumusubo ng pagkain si Bag–aw ay hiningi naman ni Lakay Awallan ang paglilinaw nang mapagtanto niya na masyadong malalim ang kahulugan sa kanyang tinuran pagkat naniniwala siya na sadyang inilaan ni Bathala ang kagubatan para ito ang pagkukunan ng kabuhayan ng mga katutubo ng Sierra Madre upang hindi nila mararanasan ang gutom basta magiging masipag lamang sila.  Pagkatapos, kinuha niya ang lumbo para mainitan ng salabat ang kanyang sikmura pagkat nagsisimula nang magparamdam ang lamig sa gabi ngunit sabaw ng pinakuluang papaw ang laman pala nito kaya lalong bumilis ang higop niya maski umuusok pa ito habang natutuwa dahil taliwas naman ang ginagawan ni Bag–aw nang ilahok nito sa malamig na pagkain ang sabaw.  Napilitang sumabay kay Bag–aw si Lakay Awallan nang maramdaman na rin niya ang gutom dahil maagang inihain kanina ang kanilang pananghalian pagkat naghahanda naman ang grupo ng mga kababaihang Malauegs na nakatakdang bumaba sa bayan ng Alcala mamayang gabi upang maglako ng mga gulay habang hinihintay nila ang pagdating ng tatlong kalalakihang Malauegs mula sa pangangaso para sabayan sila.  Mainit na sabaw ang hinihintay lamang pala ni Lakay Awallan upang maramdaman din niya ang gutom pagkat ngayon lamang sumigla ang gana niya sa pagkain hanggang sa pinawisan pa siya maski matindi na ang lamig dahil nagsimula nang kumapal sa paligid ang ulop kaya seguradong mapapasarap ang kanyang tulog kung hindi sumumpong ang kanyang hika.  Palibhasa, ubos na ang mga prutas na pinitas ni Bag–aw sa kagubatan para sa kanyang paggising mula sa maikling siyesta sa tanghali ay may makain siya pagkat madalas gabi na ang hapunan nila dahil hinihintay pa ng mga kababaihang Malauegs ang pagdating ng mga mangangaso upang sabay–sabay ang paghahain ng pagkain kaya masaya ang tanawin maski pagod sila sa maghapon.  Kunsabagay, isinabay na ni Bag–aw ang pamimitas kanina ng mga prutas habang hinihintay ang kanyang suwerte upang hindi sayang ang maghapong pangangaso niya dahil talagang mapipilitang umuwi siya kahit walang huli ngunit naawa rin yata sa kanya ang mga diwata sa kagubatan kaya hindi na masama maski isang libay lamang ang kanyang nadale kaysa umuwi siya na walang sumbabay.  Sapagkat batid naman niya na madalas hindi na kumakain ng almusal si Lakay Awallan dahil kuntento na sa mainit na salabat ang kanyang apong hanggang sumapit ang pananghalian ngunit tama lamang ang ginawang pamimitas niya ng prutas pagkat magpapatawag pala ng pulong ang Punong Sugo kaya hindi puwedeng pumasok siya sa kagubatan bukas maliban na lamang kung matapos nang maaga ang pag–uusap ay sisikapin pa rin niya ang sumaglit.  Pagkatapos maghugas ng mga kamay ni Bag–aw ay kinuha ang kanyang talanga at busog na basta na lamang inilapag niya sa papag upang ibalik ang mga ito sa dating pinaglalagyan para madali na lamang hanapin kung kailanganin niya ngunit hindi bukas dahil tiyak na hindi rin siya papayagan ni Lakay Awallan saka bumalik siya sa tangkil pagkat hinihintay ni Lakay Awallan ang kanyang tugon.  Sapagkat kailangan dumalo siya sa gaganaping pulong bukas para maipahayag ang kanyang saloobin lalo’t nagparamdam na siya ng pagtutol maski taliwas ito sa naging katuwiran ng Punong Sugo na umaayon sa pagkakaroon nilang lahat ng cedula para hindi na mauulit ang nakaraan dahil posibleng ito naman ang magiging sanhi upang guluhin uli sila ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Talagang naroroon ang malaking posibilidad upang mangyayari ang kinakatakutan ni Lakay Awallan dahil maliwanag ang mensahe na ipinarating sa kanila ng pamahalaang Kastila ng Alcala ngayong natunton na nito ang kanilang bagong komunidad pagkat walang liblib na pook ng Sierra Madre ang hindi kayang galugarin ng mga soldados.  Baka nagtatalo na sina Alcalde at Alferez ngayong nalaman nila na may mga nakaligtas pala noong sinalakay ng mga soldados ang lumang komunidad hanggang sa nagmistulag naglalagablab na impiyerno nang silaban nila ang mga kubol kaya naipagpalagay nila na imposible sa sinuman ang mabuhay pa kung maging ang himala ay hindi na siya kayang isalba.

            “Kasi . . . Apong!  Ikinababahala . . . ko po!  Ang mga nangyayari . . . sa ating paligid!  Huwag naman po sana . . . magkatotoo!  Ang . . . kinakatakutan ko!  Opo . . . Apong!  Baka . . . dumating po ang araw!  Tayo po naman . . . ang mawalan ng puwang sa Sierra Madre!  Paano na po . . . ang mga may pamilya?!  Tulad po nina . . . amang Luyong?!  At . . . amang Tagatoy?!”  Bakas sa mukha ni Bag–aw ang nararamdamang tigatig ng kanyang kalooban pagkat minsan nang dumanas ng salakhati ang kanilang tribu kahit wala pa siyang muwang noon ngunit muntik na rin mapahamak silang mag–apong kung humagibik din siya dahil sa takot ayon sa kuwento ni Lakay Awallan na laging nagpaalaala sa kanya kaya nabahala siya nang matanaw kanina ang dalawang soldados maski paalis na sila.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *