Pero hindi naman nakaligtaan ni inang Naga ang pasalubungan ng kakanin si Bag–aw maski hindi niya ipinagbilin ito dahil noong maliit pa lamang siya ay inaabangan na niya ang kanyang pagdating mula sa bayan ng Alcala pagkat lagi nang inaasahan sa isip ng bata ang pangako kahit minsan lamang inusal ito kaya hindi puwedeng ipagwalang–bahala upang hindi niya tataglayin hanggang sa paglaki ang pagtatampo. Aywan kung masaya si Bag–aw sa kanyang buhay ngayon pagkat siya na lamang sa kanilang magkakaedad ang wala pang pamilya kahit totoong pabor ito kay Lakay Awallan dahil talagang kailangan din niya ang kasama lalo’t humihina na ang kanyang katawan sanhi ng katandaan ngunit mali naman yata ang maging bulandal siya para damayan lamang ang matanda na posibleng iiwan din naman siya nito pagdating ng araw. Talagang walang dapat ikaiinggit si Bag–aw dahil taliwas sa totoong nangyayari ay hindi niya nararamdaman ang magandang ehemplo sa buhay may–asawa ni Alba pagkat pinatutunayan mismo sa kanyang hitsura ang kawalan nang pag–asa dulot ng mga problema na bumabagabag sa kanyang kalooban sa halip na maligaya sana siya sa piling ng kanyang pamilya.
Napatunayan pa ni Bag–aw na hindi pala dapat apurahin ang sarili sa pagkakaroon ng asawa para sumabay lamang sa kanyang mga kaedad dahil hindi naman pala totoo ang kasabihan na sa pag–aasawa nahahanap ang katahimikan sa buhay kaya sadyang mahirap panghahawakan ang ganitong katuwiran kung pag–ibig lamang ang naging tulay upang makilalala nila ang isa’t isa. Mangyari, mawawalan din ng kabuluhan ang buhay kung pabigat lamang sa kanyang kalooban ang babaeng pinakasalan niya dahil mistulang nasadlak na siya sa impiyerno sanhi ng pagmamadali niya kahit walang pagsang–ayon ang kanyang isip pagkat naging bulag ang kanyang mga mata nang magdesisyon ang kanyang puso kaya ang sumpaang magsasama habambuhay ay madalas humahantong sa hiwalayan ngunit bawal naman sa tribung Malauegs ang diborsiyo. Tuloy, ganito ang naging buhay ngayon ni Alba habang binabalikat niya ang mabigat na responsibilidad pagkat walang naaaninag na liwanag gayong siya pa mandin ang naturingang haligi ng pamilya dahil walang sindi ang ilaw ng kanilang tahanan ngunit nagagawa pa rin ikubli sa mga ngiti ang kanyang mabigat na suliranin para sa kapakanan ng kanyang mga anak. Kabutihan naman kay Alba pagkat hindi siya naringgan ng daing nina amang Luyong at inang Naga maski hindi na nagkaroon ng kapayapaan ang kanyang buhay buhat nang mag–asawa siya hanggang ngayong may mga anak na siya dahil tinutulan din noon ng kanyang mga magulang ang maagang pag–aasawa niya kaya sinisikap na lamang paninindigan ang reposibilidad niya. Sanhi ng pagiging selosa ni Sahing ay lalong naligalig ang pagsasama nila ni Alba pagkat madalas humahantong sa away nilang mag–asawa ang kanyang paninibugho ngunit hindi tinangkang panghimasukan nina amang Luyong at inang Naga ang kanilang problema kaya maraming gabi na napupuyat si Alba ngunit tinitiis na lamang niya maski naging tampulan siya ng biro ng mga mistad niya. Samantala, gabi–gabing mahimbing ang tulog ni Bag–aw dahil pagod siya sa maghapong pangangaso ngunit nararapat lamang ang huwag munang bigyan niya ng pansin ang pag–aasawa upang walang dapat alalahanin dahil walang duda na magdudulot lamang ng bagabag sa kanyang puso kung may pamilya na siya ngayong nahaharap sa problema ang kanilang tribu. Tulad ng naging damdamin noon ni amang Alawihaw sakaling iuutos uli ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang pagsalakay sa bagong komunidad dahil sinuway nila ang ordinansa tungkol sa cedula kaya tiyak na kailanganin na naman nilang lahat ang panibagong sakripisyo kapag muling nawalan ng sariling komunidad ang kanilang tribu at ito ang pinangangambahan ni Lakay Awallan. Subalit hindi naman nangangahulugan na talagang hindi na mag–aasawa si Bag–aw pagkat si Lakay Awallan lamang ang nagsasabi na bata pa siya sa edad na dalawampu’t tatlong taon kaya malakas pa siya kaysa damulag kung tuusin ngunit maaaring hindi pa lamang kumikislot ang kanyang sandata dahil mas natuon sa talas ng tunod ang kanyang isip. Baka hindi pa niya natatagpuan ang itinadhana ng kapalaran upang magpatibok sa kanyang puso dahil mga hayop naman ang kanyang hinahanap habang nangangaso siya sa kagubatan sa halip na katutubong dilag para masubok ang pagiging perito niya sa pagtudla imbes na paniniwalaan ang mga paalaala ni Lakay Awallan pagkat ayaw lamang nito ang maiwang mag–isa sa kubol kung may asawa na siya. Katunayan, may sariling papag na si Bag–aw mula nang masunat siya para iwas disturbo sa mahimbing na tulog ni Lakay Awallan dahil malakas ang hilik niya ngunit ang totoong dahilan kung bakit ayaw tumabi ng binata ay lingguhan kung maligo si Lakay Awallan pagkat hindi kayang tiisin ng katawan nito ang lamig ng tubig lalo na kung makulimlim ang panahon. Subalit matiyagang nag–iigib ng tubig si Bag–aw kung gustong maligo ni Lakay Awallan pagkat hindi puwedeng maglakad papunta sa ilog ang matanda nang walang umaalalay sa kanya ngunit may ginawang banyo naman upang doon na lamang siya maliligo kahit nag–iisa matapos magpaaraw sandali para pawiin ang ginaw habang inihahanda naman ng mga nakatalaga sa kusina ang mainit na salabat.
“Mistad . . . galing ako sa kubol ninyo! Kasi . . . akala ko naroroon ka! Nagpapahinga!” Hindi tiyak kung narinig ni Bag–aw ang bati ni Alba na humahangos pa nang dumating sa gulod dahil natuon sa kalawakan ang kanyang mga mata kaya basta sumulyap lamang siya imbes na pansinin ang mistad niya na sadyang umupo pa sa kanyang tabi habang patingin–tingin sa paligid upang alamin na rin kung ano ang kanyang tinatanaw. Hanggang sa napatingin na rin sa kalawakan si Alba para sundan ang tinatanaw ni Bag–aw maski hindi pa rin bumabaling sa kanya pagkat posibleng nalibang ang paningin nito dahil kasalukuyang naghahamok sa ere ang dalawang agila gayong karaniwan na lamang ang ganitong tanawin ngunit hindi pa rin nila naiiwasang panoorin ito upang pagmasdan ang gilas ng bawat ibon. Kapagdaka, sabay–sabay bumulusok para kumuha ng buwelo ang dalawang higanteng ibon saka sinibasib nila ang isa’t isa habang sunud–sunod ang hataw ng kanilang mga paa matapos ang kanilang mabilis na pagpaimbulog hanggang sa nagsalpukan ang kanilang mga pakpak upang ipamalas ang kani–kanyang tapang kaya dali–daling yumuko si Bag–aw sa pagnanais hanapin sa ibaba ang sanhi kung bakit ganoon na lamang katindi ang paghahamok ng dalawang agila.
ITUTULOY
No responses yet