IKA – 156 LABAS

Walang duda na mas mapapalad pa ang mga nangasawi sa lumang komunidad dahil wala nang batas ang gumagambala sa pananahimik ng mga ito kaysa sa mga nangakaligtas pagkat nagpapatuloy pa rin ang pakipaghamok nila sa hamon ng buhay kahit kamatayan pa nang lahat ang kahahantungan nito basta maipaglalaban lamang ang kanilang mga karapatan na pilit sinisikil ng mga banyaga.  Walang malay pa noon si Bag–aw nang maganap ang nakapangingilabot na pangyayari sa kanilang lumang komunidad kaya isang himala nang makaligtas sila ni Lakay Awallan lalo’t tila tulog nga nang mga sandaling ‘yon si Bathala ayon sa mga kuwento pagkat hindi nito naririnig ang kanilang mga panambitan habang unti–unting tinutupok ng apoy ang sagradong kubol.  Muntik na rin mapasama silang mag–apong sa mga nakulong sa loob ng sagradong kubol kung nagpagapi sa takot si Lakay Awallan dahil lalong nabalam ang paglabas ng mga kababaihang Malauegs at ng lupon ng mga matatandang Malauegs nang sabay–sabay na tinangka nila ang lumabas sa masikip na pintuan pagkat gustong takasan nang lahat ang nagliliyab na apoy ngunit ang pagkakamaling iyon ang ikinasawi naman nila.  Subalit naniniwala pa rin siya na sadyang minarapat ni Bathala ang mabuhay sila ni Lakay Awallan upang mahintay pa nila ang kasalukuyang panahon dahil mawawalan naman ng Punong Sugo ang tribung Malauegs ng Sierra Madre gaya nang sinapit noon ng mga katutubong Malauegs ng Calantac nang mapasama sa mga nangasawi si Lakay Lumbang.  Kaya nagkahiwa–walay ang mga katutubong Malauegs ng Calantac hanggang sa wala nang naririnig tungkol sa kanila lalo’t mga banyaga ang namamahay na ngayon sa dating komunidad nila at ito ang hindi dapat mangyayari upang mananatili sa kabundukan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs pagkat ito ang bahagi ng mundo na sadyang inilaan ni Bathala para pamahayan nila.  Hanggang sa naging dalangin ni Bag–aw na sana hindi na mauulit pa ang pangyayaring iyon na muntik nang ikinasawi nilang lahat dahil maaaring nagising din si Bathala upang iligtas ang mga buhay kaya nahanap pa rin ni Lakay Awallan ang munting siwang para matakasan ang nagliliyab na sagradong kubol habang pangko siya nito ngunit marami naman ang nangamatay.  Marahil, naging andam ni Alba ang posibilidad upang mauulit ang kagimbal–gimbal na pangyayari dahil may isip na siya nang salakayin ng mga soldados ang lumang komunidad ngunit malaki ang pagkakaiba sa sitwasyon noon pagkat kaligtasan niya ang inaalagata ng kanyang mga magulang samantalang ngayo’y sariling pamilya ang iniisip niya kung paano sila ilalayo sa kapahamakan.  Maya–maya, inakbayan niya si Bag–aw gaya nang lagi niyang ginagawa noong mga bata pa lamang sila habang tinatanaw ang kapatagan ng Sierra Madre pagkat kuntento na sila sa maghapong paglalaro upang muling matutulog pagsapit ng gabi dahil hindi pa nila ramdam ang mga problema sa buhay basta may nailalatag na pagkain sa tuwing nagugutom sila.  “Mistad . . . hindi pa kayo isinilang ni Lawug!  Nakipaglaban na sa mga soldados . . . ang ating mga magulang!  Buhay nila . . . ang naging kapalit . . . sa problemang minana natin sa kasalukuyan!  Sana . . . mistad!  Hindi ito . . . ang magiging pamana ko . . . sa aking mga anak!  Oo . . . mistad!”  Sapagkat naranasan na ni Alba ang hirap, ang takot, ang panganib nang gulantangin sila ng nakatutulig na putukan dahil hating–gabi noon nang isinagawa ng mga soldados ang pangalawang operasyon sa kanilang lumang komunidad habang natutulog nang mahimbing sa loob ng kubol ang lahat kaya marami ang tinamaan agad pagkat hindi ito napaghandaan ng mga kalalakihang Malauegs nang masungkaran sila sa hindi inaasahang pangyayari.  Kabutihan, nagawa pang itakas silang mag–iina ng kanyang amang Luyong nang pinangahasan pa rin nila ang lumabas upang lumikas sa yungib pagkat doon lamang puwedeng magtago silang mag–anak maski delikado na ang sitwasyon nang mga sandaling ‘yon habang nagsasalimbayan sa kalawakan ang mga nagbabagang punglo dahil may kalayuan din mula sa sentro ng lumang komunidad ang kubol nila.  Subalit kailangan iligtas ni amang Luyong ang kanyang amang na miyembro ng lupon ng mga matatandang Malauegs dahil hindi na nasundo ni Alba ang matanda nang biglang nagkaroon ng balasaw sa lumang komunidad sanhi ng nakabibinging putukan ngunit si inang Naga ang kinilabutanl nang hindi na siya bumalik lalo’t dinig hanggang sa yungid ang dagubdob ng apoy nang sinilaban ng mga soldados ang sagradong kubol.  Taliwas sa naunang pananalakay ng mga soldados dahil nagawa pa ng mga katutubong Malauegs ang lumikas sa yungib sa utos na rin ni Lakay Awallan pagkat naganap ito sa araw kaya hindi masyadong nagdulot ng malaking pinsala sa kanilang lumang komunidad ang pangyayari ngunit nagluksa pa rin ang kanilang tribu nang masawi ang amang ni Bag–aw.  Kaya lalong tumindi ang takot ni Alba dahil tiyak na hindi niya mabibigyan ng priyoridad ang kaligtasan ng kanyang mga anak kung biglang lusubin sila ng mga soldados pagkat tungkulin naman niya ang ipagtanggol ang kanilang bagong komunidad upang hindi ito maaagaw ng puwersa ng pamahalaang Kastila ng Alcala hanggang sa napailing siya para iwaksi sa utak niya ang tanawin na lalong nagpapalayot lamang sa kanyang kalooban.  Mga malinaw na kadahilanan kung bakit iniiwasan niya ang magkuwento sa kanyang mga anak tungkol sa sinapit ng lumang komnunidad dahil parang kahapon lamang naganap ang mga pangyayaring ‘yon sa tuwing sumasagi ito sa isip niya kaya hindi kataka–taka kung kapakanan ng kanyang pamilya ang naalaala agad at laging priyoridad niya pagkat ganito pala ang damdamin ng isang lalaking pamilyado.  Masayahin ang totoong pagkatao ni Alba dahil mas gusto pa niya ang magpatawa kaya puspos ng sigla ang kanyang halakhak maski dapat pagdudahan pagkat maaaring pinipilit lamang itago ang kanyang totoong nararamdaman ngunit maikukubli ba sa pagkukunwari ang mabigat na problema kung mas matingkad pa sa ngiti ang namamanglaw na mukha.  Tuloy, hindi naging kabagut–bagot para kay Bag–aw ang bawat sandali kung sila ni Alba ang magkasama sa pangangaso lalo na kung natuon sa pagbubuntis ni Sahing ang kanilang kuwentuhan pagkat mistulang siya ang naglilihi dahil laging inaantok maski naging mahimbing ang tulog niya sa nagdaang gabi kung nakatulugan naman ng asawa niya ang maglambing sa kanya.  Bagaman, gustung–gusto ni Alba ang may kasabay siya sa pangangaso upang may gumigising sa kanya kapag sinusumpong ng antok pagkat seguradong siya naman ang lapain ng mga mababangis na hayop kung maiwan siya sa gubat ngunit madalang naman ang huli nilang dalawa dahil naaalerto agad sa kanyang malakas na hagalpak ang mga hayop maski malayo pa lamang sila.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *