IKA – 162 LABAS

Sakaling mga soldados ang sinasabing grupo ng mga kalalakihan ay dapat paghandaan na ng mga kalalakihang Malauegs ang pagdating nila dahil tiyak na may pakay sila at walang duda na may kaugnay ito sa cedula pagkat wala namang ibang sadya upang gambalain nang ganito kaaga ang kanilang pananahimik ngunit nagtatalo pa rin ang kalooban ni Lakay Awallan.  Hanggang sa dali–daling umusal ng maikling dasal ang isip ni Lakay Awallan upang hingin ang patnubay ni Bathala ngayong nahaharap sila sa panibagong problema pagkat sa mga kubol lamang puwedeng magtago ang kanilang mga pamilya maski hindi ligtas ngunit wala namang ibang masusulingan kahit hindi sila mga soldados kung masama naman ang layunin sa kanila ng mga kalalakihan.  Muling naisaloob ni Lakay Awallan na sana mali lamang ang kanyang naging palagay dahil talagang mapipilitang harapin ng mga kalalakihang Malauegs ang mga kalaban maski hindi dapat mangyayari ito upang hindi mapapahamak ang kanilang mga pamilya pagkat tumatagos sa mga kubol ang mga bala na ibinubuga ng mga fusil base na rin sa naging karanasan niya.  Waring umaayon naman ang paniniwala ni Bag–aw na posibleng tropa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang tinutukoy na grupo ng mga kalalakihan dahil naging basehan niya ang dalawang soldados na dumating sa kanilang bagong komunidad noong nakaraang linggo para abisuhan tungkol sa cedula ang kanilang tribu maski mahirap ayunan ang kanyang katuwiran pagkat hindi sila basta magsasagawa ng operasyon sa araw upang hindi ito makokompromiso.  Tuloy, muling nagtanong ang sarili ni Bag–aw dahil talagang hindi madalumat ng kanyang isip ang sagot kung paano natuklasan ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang bagong komunidad kaya ipinadala nito ang dalawang soldados pagkat mababaw na katuwiran ang katutubong binyagan na ginamit nilang giya kung matagal na siyang naninirahan sa bayan ng Alcala.  Samakatuwid, dapat lamang ikabahala nila ang pangyayari pagkat lumalabas na matagal nang alam ni Alferez na may mga katutubong Malauegs ang nakaligtas pala mula sa lumang komunidad kaya muling napabuntung–hininga si Lakay Awallan matapos maisip na maaaring dumating na ang kanyang pinangangambahan nang tandisang sinuway nila ang kautusan ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Pagkatapos, panakaw na dumako kina amang Tagatoy at amang Luyong ang kanyang tingin na waring naninisi pagkat sila mismo ang naging pasimuno kaya tinutulan ng lahat ang pagkakaroon ng cedula samantalang mas kailanganin ito ng kanilang mga pamilya dahil sila ang madalas bumababa sa bayan ng Alcala ngunit ipinairal pa rin ang kanilang galit sa gobyerno imbes bigyan ng pagpapahalaga ang  kanilang kaligtasan.  Itinigil muna ng mga kababaihang Malauegs ang paglalako ng mga gulay sa bayan ng Alcala dahil na rin sa utos ni Lajkay Awallan habang umiiral pa ang batas tungkol sa cedula pagkat naging katuwiran niya na mainam pa ang magtipid sila sa pagkain kaysa isugal ang kanilang buhay upang maiiwasan ang sisihan kung may napahamak sa kanila sanhi ng maling desisyon.  Aniya, pakiramdaman muna nila ang sitwasyon sa bayan ng Alcala bago ituloy ang paglalako ng mga gulay dahil totoong magiging katawa–tawa naman kung sila pa ang natatakot tumapak sa sariling bayan kaysa mga banyaga ngunit hindi rin naman puwedeng pikit–matang lulusong sila sa kabayanan kung kapahamakan naman ang naghihintay sa kanila roon.

            “Hindi po ako segurado . . . Apong Awallan!  Kasi . . .  hindi po sila nakauniporme!”  Sapat sa tinuran ng tanod ay napahinagpis ang mga katutubong Malauegs ngunit nagugulumihanan pa rin si Lakay Awallan habang tinatanong ang sarili kung sino ang grupo ng mga kalalakihan at kung ano ang kanilang sadya pagkat hindi naman pala mga soldados ang dumarating lalo’t wala rin naman silang hinihintay na bisita mula sa ibang tribu dahil masyadong liblib ang kinaroroonan ng bagong komunidad nila.  Gayunpaman, napatingala pa rin si Lakay Awallan para mag–alay ng pasasalamat pagkat wala naman palang dapat ipangamba ang kanilang mga kalooban ngayong kumpirmado na hindi mga soldados ang natatanaw ng mga tanod maski palaisipan pa rin ang tunay na pakay ng grupo ng mga kalalakihan dahil unang pagkakataon ito nang may naligaw sa kanilang teritoryo.  Muling napanatag ang mga damdamin ng mga katutubong Malauegs dahil hindi na pala kailangan ang maghanap sila ng pagtataguan maski hindi pa nila tiyak kung ano ang totoong pagkatao ng mga kalalakihang ito ngunit naseseguro nila na hindi paghahasik ng kaguluhan ang kanilang sadya sa bagong komunidad pagkat wala namang dahilan upang gawin ito.  Tuloy, naituwid ang mga maling haka–haka ng mga kalalakihang Malauegs at ang naging palagay ni Bag–aw pagkat talagang malayo rin ang posibilidad kung magsagawa ng agarang pagsalakay sa bagong komunidad ang mga soldados kahit may dahilan para mangyayari ito ngunit tiyak na hindi pa ngayon upang iutos ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang marahas na hakbang laban sa kanila.  Minsan, limang kalalakihan ang lumapit sa grupo ni amang Tagatoy at kay amang Luyong sa magkahiwalay na pagkakataon habang nangangaso sila upang ipaalam sa kanila ang tungkol sa balak ng grupo na magtatag ng himagsikan ngunit nasa antas ng pangangalap ng kasapi pa lamang sila kaya parehong hindi nagbitaw ng pangako ang magkapatid pagkat kailangan maisangguni muna nila ito kay Lakay Awallkan na kaagad tumutol nang makarating sa kanya ang balita.dahil nais niyang ilayo sa kaguluhan ang kanilang tribu para hindi na mauulit ang madugong pangyayari na naganap sa lumang komunidad.  Bagaman, naging usap–usapan pa rin ng mga katutubo ng Sierra Madre ang tungkol sa pag–aalsa ngunit wala namang naglakas–loob upang pamunuan ang mga nagsusulong nito nang maisip nila na hindi sapat ang mga busog at tunod pagkat armado ng mga fusil ang kanilang mga kalaban hanggang sa kusa nang naparam ang sigla sa adhikaing ito kaya nagtatanong ngayon ang mga sarili ng mga kalalakihang Malauegs kung tama ba ang isipin nila na posibleng natuloy rin ang pagkatatag ng kilusan.  Kung natuloy din pala ang pagkatatag ng himagsikan ay posible na may kaugnayan dito ang grupo ng mga kalalakihan ngunit ano ang pakay nila upang dumayo pa sila sa bagong komunidad gayong tinututulan na noon pa man ni Lakay Awallan ang mapabilang sa pangkat nila ang mga kalalakihang Malauegs dahil lalong masasangkot sa kaguluhan ang tribung Malauegs kapag nalaman ito ng pamahalaang Kastila ng Alcala.

            “Puwes!  Tayo nang alamin . . . para makilala natin . . . ang grupo ng mga kalalakihan!”  Kunsabagay, talagang madaling makilala ang mga soldados dahil sa kanilang mga uniporme ngunit puwede namang magkunwari sila upang itago ang kanilang tunay na pagkakilanlan para iwas–hinala pagkat tiyak pinag–aralan na rin nila ang paraan kung paano sosorpresahin ang mga katutubong Malauegs hanggang sa malalantad ang kanilang mga totoong hitsura habang isinasagawa ang kanilang operasyon.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *