IKA – 167 LABAS

“Naparito po kami . . . para hikayatin sana . . . ang inyong mga kalalakihan!  Upang . . . sumanib sa aming grupo!  Ito lamang . . . ang tanging paraan!  . . . upang muli pong makamtan natin!  Ang kalayaang ninakaw ng mga dayuhan. . . mula sa atin!”  Marahil, nagkaroon ng masamang karanasan ang pagiging katutubong binyagan ni Kumander Tallang pagkat ramdam sa kanyang pananalita ang matinding pagkasuklam sa pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit halos lahat naman ay naghihimagsik ang mga damdamin dahil pawang kasiphayuan ang idinulot lamang ng mga banyaga sa kanilang buhay sa halip na liwanag ng pag–asa mula sa bagong mundo ng mga sibilisado upang matanglawan sana ang kanilang mga kaisipan.  Ayaw isipin ni Lakay Awallan na may mga katutubo ng Sierra Madre ang nagkamali nang yakapin nila ang pananampalataya na ipinalaganap ng mga prayle maski naririto ngayon sa kanilang harapan ang isang kumander na dating katutubong binyagan ngunit pinamumunuan naman niya ang isang grupo na nagsusulong ng himagsikan gayong batid niya na labag ito sa batas.  Sikapin mang ilihim ni Kumander Tallang ang anumang kadahilanan kung bakit hayagang kinakalaban niya ang pamahalaang Kastila ng Alcala sa pamamagitan ng pagtatag ng sariling kilusan ay hindi na importante para kay Lakay Awallan pagkat maliwanag namang naihayag ang rebelasyon ng kanyang pagkakamali nang magpabinyag siya dahil hinayaang mabuyo sa mga pangaral ng mga prayle ang kanyang sarili.  Walang duda na siya ang nagdudumilat na pruweba na hindi pala lahat nang mga katutubong binyagan ay kinasiyahan ng magandang kapalaran nang yakapin nila ang pananampalataya kaya nais ituwid ang kanyang pagkakamali upang hindi siya kasusuklaman ng kanyang mga kapwa katutubo ng Sierra Madre na nanatili sa kanilang pananalig kay Bathala.  Segurado, lahat nang miyembro sa grupo ni Kumander Tallang ay nagkaroon din ng hindi matingkalang karanasan pagkat hindi nila nanaisin ang maging disidente kung walang matinding pinagmulan ang kanilang dahilan maski nangangailangan ng sakripisyo ang desisyon lalo’t buhay ang puhunan para matamo ang tagumpay sa pakikibaka.  Bukod pa ang epekto nito sa kanilang mga pamilya ngunit dapat pa rin ipagpasalamat kahit magiging limitado lamang ang kanilang panahon upang makapiling sila pagkat hindi puwedeng ipangako ang kanilang pagbabalik habang napapalaban ang kanilang grupo dahil nakahaway na rin sa hukay ang isang paa nila kaya tunay na himala ang kahulugan ng kaligtasan mula sa maigting na sagupaan.  Kunsabagay, hindi rin puwedeng sisihin ang mga katutubong binyagan kung naniwala agad sila sa mga pangaral ng mga prayle na mas sinungaling pa kaysa mga bulaang propeta pagkat lahat naman ay naghahangad ng maalwan na pamumuhay lalo’t matagal nalunoy sa kahirapan ang kanilang buhay hanggang sa dumating ang pagkakataong ito kaya minarapat nilang samantalahin.  Tiyak na ginagamit ngayon ni Kumander Tallang bilang propaganda laban sa pamahalaang Kastila ng Alcala ang mga naging karanasan niya upang manghikayat ng maraming simpatiya lalo’t napapanahon ang isyu para imulat sa katotohanan ang mga katutubo ng Sierra Madre kaya kailangan suportado ng lahat ang kanyang adhikain pagkat hindi ito magtatagumpay kung mag–isa lamang siya ang sumisigaw ng  kalayaan.  Tuloy, nawika ni Lakay Awallan na mas mapapalad pala silang mga hindi nagpabinyag pagkat walang natuklasan na anumang kasamaan ang kanilang mga mata upang pagsisisihan din nila kung naging mga katutubong binyagan sila pagkat seguradong hindi na rin nila nanaisin pa ang bumalik sa dating buhay maski magdusa pa sila dahil sa kahihiyan kung nagkamali rin sila.  Siyempre, walang matinong tao ang basta na lamang ayawan niya ang kaginhawaan sa buhay kapag natikman niya ito kahit minsan lamang dahil lalong tumitindi ang kanyang hangarin habang umaasa na magtuluy–tuloy sana ang nagaganap na pagbabago sa kanyang sarili pagkat magiging karima–rimarim na para balikan pa ang kanyang nagisnang kahirapan kahit anong ganda pa ang kabundukan ng Sierra Madre.  Kaya tama ang naging palagay ni Lakay Awallan na hindi maglalaon ay mapipilitan din tanggapin ng mga bagong henerasyon ang nagaganap na pagbabago dahil tiyak na kasamang maililibing sa limot ang mga kasaysayan na isinulat sa dugo at luha ng mga mandirigmang Malauegs kapag pumanaw na rin siya pagkat wala nang magpaalaala sa kanila tungkol sa lumang komunidad kung saan sumibol ang buhay ng tribung Malauegs sa kabundukan ng Sierra Madre.  Sandaling natigil ang pagsasalita ni Kumander Tallang nang mapagtanto na kailangan makilala muna niya ang Punong Sugo ng tribung Malauegs upang ihingi ng paumanhin ang kanilang kapangahasan dahil labag sa panuntunan ng mga katutubo ng Sierra Madre nang walang paabisong dumating sila sa kanilang bagong komunidad ngunit dalangin naman niya na sana naging maunawaan din ang kanilang mga puso kung nagkamali man sila.  Namalas niya sa mga mukha ng mga kalalakihang Malauegs ang kasayahan dahil sa kanilang pagdating lalo’t nalaman din nila na natuloy pala ang kilusan maski binabalak pa lamang ito noon ngunit naglakbay pa ang kanyang mga mata hanggang sa napansin niya si Lakay Awallan pagkat siya lamang ang pinakamatanda sa mga nangakatayo sa tabi ng bakod.  Dahan–dahang tumapat siya sa kinatatayuan ni Lakay Awallan nang matiyak ang kanyang kutob kaya animo silang dalawa na ang nag–uusap habang ipinagpatuloy niya ang pagpapaliwanag para malinawan ang mga kalalakihang Malauegs kung bakit itinatag niya ang himagsikan gayong katutubong binyagan naman siya ngunit may mga bagay na hindi puwedeng ipagtapat kahit ito ang nagtulak upang maging disidente siya.  “Pero . . . !  Magtatagumpay po lamang . . . ang aming ipinaglalaban!  Kung . . . magkaisa po tayong lahat . . . tayong mga katutubo ng Sierra Madre!  Alam ko po . . . !  Araw–gabi . . . sakbibi po natin ang linggatong . . . dahil wala po tayong lakas na . . . puwedeng gamitin!  Upang labanan . . . ang paniniil ng mga dayuhan!  Puwes!  Panahon na po . . . upang tumayo tayo . . . upang lumaban tayo!  Kung ayaw po natin na magpapatuloy . . . ang ginagawang pang–aalipin sa atin . . . ng mga dayuhan!”  Kung tahimik lamang ang mga kalalakihang Malauegs habang pinapakinggan nila ang pagsasalita ni Kumander Tallang ay taliwas naman ang naging saloobin ni Lakay Awallan nang mapansin niya ang kanyang pagiging mapusok ngunit hindi niya tinangkang sansalain ang kanyang mga katuwiran dahil sadyang nagbabago ang pag–uugali, pananalita at paniniwala ng isang tao kapag nasangkot sa kasumpa–sumpang pangyayari ang sarili nito.  Seguro, hindi na lingid sa mga kapanalig niya ang kanyang totoong pinagdaraanan noong hindi pa siya tumiwalag sa pananampalataya pagkat tungkulin niya ang maging tapat sa kanila para magiging lubos ang kanilang tiwala sa kanyang pamumuno dahil nararapat lamang iisa ang damdamin ng grupo habang isinusulong ang kanilang layunin upang magtagumpay ang pakikibaka.  Basta nabahala ang kalooban ni Lakay Awallan matapos mapakinggan ang naghahamong pahayag ni Kumander Tallang pagkat hindi kailanman sumagi sa kanya ang marahas na hakbang maski ikinasawi pa ni Alawihaw ang pagtatanggol sa kanilang lumang komunidad dahil narahuyo sila sa kapayapaan kaya hindi naging ugali ng kanilang tribu ang magpanimula ng kaguluhan para makaganti lamang.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *