IKA – 172 LABAS

Sapagkat ang mga kalalakihang Malauegs na inaasahang magbibigay ng proteksiyon sa kanila ay nadestino pala sa malayong pook upang isagawa ang misyon nila habang linulusob naman ng mga soldados ang kanilang bagong komunidad kaya napailing na lamang siya dahil hindi dapat mangyayari ito sa kanila na minsan nang dumanas ng pagkaduhagi.  Puwes, nararapat lamang mapakinggan muna niya ang opinyon ng mga kalalakihang Malauegs lalo na ang mga pamilyado upang magiging malinaw sa kanya ang mga posisyon ng bawat isa kapag ninais pa rin nila ang mapabilang sa kilusan dahil imposible nang matutupad pa ang mga pangako na babalik pa rin sila kung sumidhi na ang kanilang pananalig sa pakikibaka.  Magiging katanggap–tanggap pa ang paniniwala na mapapabayaan lamang ng mga kalalakihang Malauegs ang kanilang mga pamilya pagkat maglalakad pa sila nang ilang araw pabalik para tuparin ang pangako na darating sila sa mga panahon na kailangan ang kanilang tulong upang sa pagdating nila ay magsusunog lamang pala sila ng mga bangkay.  Napasulyap na lamang kay Bag–aw ang Punong Sugo ngunit hindi niya tinangka ang magtanong pagkat ayaw rin namang pangungunahan niya ang kanyang desisyon lalo’t hindi naman nababanggit sa kanilang madalas na pag–uusap noon ang tungkol sa mga grupo ng kalalakihan na nanghikayat sa mga kalalakihang Malauegs upang sumapi sa kilusan maski alam niya na hindi na lingid sa kanya ang bagay na ito.  Baka sa pananahimik ni Bag–aw ay binabalangkas na ng kanyang utak ang paghihiganti para samantalahin ang pagkakataon makaraan ang mahigit sa dalawampung taon na paghihintay pagkat kailangang maipagkaloob sa kanyang mga magulang ang hustisya dahil sino pa ba ang puwedeng magsakatuparan nito kung patay na rin siya.  Marahil, natatandaan pa rin ni Lakay Awallan ang kanyang naging bilin sa sanggol habang sinusunog noon ang bangkay ni Alawihaw na dapat ipagpatuloy ng anak ang iniwang laban ng amang niya kaya matagal nang may basbas ang balak na paghihiganti sakaling tuparin ito ni Bag–aw kung hindi nagbago ang kanyang katuwiran ngayong dumating na ang pagkakataon.  Basta naging dalangin na lamang ni Lakay Awallan na sana hindi siya nawawaglit sa puso’t isipan ni Bag–aw pagkat lalong mapapadali ang kanyang kamatayan kapag tinanggap niya ang alok ni Kumander Tallang dahil tangan niya ang huling hibla ng kanyang hininga maski ninais na rin humimlay ng kanyang katawang–lupa upang sundan si Alawihaw sa kinaroroonan nito.  Hindi na nabati ni Lakay Awallan si Bag–aw dahil sumabay naman ang pagtatanong ni amang Tagatoy maski hindi mawari kung nais lamang ipahiwatig ang kanyang kagustuhang sumapi sa kilusan gayong siya rin naman ang magdesisyon para sa sarili kaya walang dahilan upang mag–aalala siya maliban sa cedula pagkat isa rin ito sa mga problema na dapat talakayin nila.

            “Apong Awallan . . . mawalang galang na lang po!  Kinokonsidera po ba ninyo . . . ang kahilingan . . . ni Kumander Tallang?!  Ha?!”  Talagang hindi napigilan ni amang Tagatoy ang magtanong kahit kapangahasan upang alamin niya ang posisyon ni Lakay Awallan ngunit hindi naman namamalas sa kanyang mukha ang galak kung balak din niya ang sumapi sa kilusan dahil kailangan isangguni pa rin kay inang Danglay ang kanyang desisyon pagkat nararapat lamang pahalagahan niya ang magkaroon ng pangalawang buhay nang makaligtas siya sa lumang komunidad.  Marahil, maaaring naligalig lamang ang kanyang kalooban dahil batid naman nila na hindi puwedeng salungatin ng mga kalalakihang Malauegs si Lakay Awallan sakaling magpahayag siya ng suporta sa layunin ni Kumander Tallang kahit minsan nang tinanggihan niya ito ngunit posibleng nagbago na rin ang desisyon niya nang walang pagsaalang–alang sa kanilang mga saloobin.  Kunsabagay, kanina pa naisip ni Lakay Awallan ang magpatawag ng pulong dahil ito ang tamang hakbang sa ganitong sitwasyon para malaman ng mga kalalakihang Malauegs na hindi pa rin nagbabago ang kanyang desisyon maski mismong si Kumander Tallang ang kumimbinsi na sa kanya ngunit kailangan marinig din niya ang kanilang panig.  Sakaling may magpahayag ng kanyang kagustuhan para sumapi sa grupo ni Kumander Tallng ay kailangan suportado rin ito ng pulidong rason dahil hindi puwedeng ikatuwiran ang layunin ng kilusan kung nagkukubli naman sa kanyang utak ang hangaring magkaroon lamang siya ng pagkakataong humawak ng fusil pagkat tiyak na hindi igagawad sa kanya ang basbas ng Puong Sugo.  Seguro, napagtanto rin ng mga kalalakihang Malauegs ang maraming problema na lalong magpapaligalig sa kanilang mga damdamin kapag ninais nila ang sumanib sa kilusan dahil totoo naman na walang magtatanggol sa bagong komunidad kung iwan nila ito at tiyak na magdurusa sa hirap ang kanilang mga pamilya pagkat wala nang katuwang sa paghahahanapbuhay ang mga kababaihang Malauegs.  Bakit naisin pa nila ang lumayo samantalang magagampanan naman nila ang layunin ng grupo ni Kumander Tallang maski mananatili sila sa bagong komunidad pagkat ito ang dapat pag–uukulan ng seguridad upang mapaghandaan nila ang posibilidad ng mga kaganapan kaugnay sa nagbabantang panganib dahil hindi puwedeng ikatuwiran ang kapayapaang taglay ng kasalukuyan.  Maging si amang Tagatoy ay ayaw rin mapapalayo para sumapi lamang sa himagsikan pagkat mas kailanganin ng kanyang mga apo ang proteksiyon niya dahil mawawalan din ng saysay ang kanyang ipinaglaban kung buhay nila ang naging kapalit ng tagumpay kaya huwag sanang ikagagalit ni Kumander Tallang kung hindi niya mapaunlakan ang paanyaya nito.  Hindi sumabad si amang Luyong pagkat magsasalita lamang siya kung narinig na niya ang pahayag ni Lakay Awallan maski bakas sa kanyang mukha ang pagkabahala ngunit naniniwala pa rin siya na hindi basta ipapahamak ng kanilang Punong Sugo ang mga kalalakihang Malauegs dahil hindi niya narinig na tinatanggap nito ang kahilingan ni Kumander Tallang habang nag–uusap kanina ang dalawa.  Maaaring ganito rin ang katuwiran ni Bag–aw kaysa pangungunahan nila ang desisyon ni Lakay Awallan dahil malinaw naman sa naging tugon niya kay Kumander Tallang na ipauubaya niya sa mga kalalakihang Malauegs ang pagpapasya pagkat mga sarili nila ang sangkot sa usaping ito kaya hanggang sa pagbibigay lamang ng paalaala ang puwedeng gawin niya.  Aminado sina amang Tagatoy at amang Luyong na talagang maselan ang isyu pagkat hindi lamang buhay ng mga kalalakihang Malauegs ang pinag–uusapan dito kung naisin nila ang sumanib sa kilusan dahil malalagay rin sa panganib ang kanilang mga pamilya habang si Lakay Awallan ang kasama lamang nila sa bagong komunidad kapag pinayagan din nito si Bag–aw.  Kunsabagay, seguradong hindi rin maaatim ni Bag–aw ang mapalayo kung ang kanyang pagiging binata ang magiging rason lamang upang igawad sa kanya ang basbas ni Lakay Awallan pagkat walang duda na mapapadali naman ang pagpanaw niya kung hindi na niya kayang labanan ang kapanglawan sa pag–iisa sanhi ng labis na pangungulila at pag–aalala.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *