IKA – 174 LABAS

Napaaga naman ang pamamahinga nina Lakay Awallan at Bag–aw sa tangkil habang tinamad na rin pumasok sa kagubatan ang mga kalalakihang Malauegs kahit may oras pa kaninang hapon kaya tahimik ang bagong komunidad maski maliwanag pa ang mga gasera sa loob ng mga kubol pagkat hindi lumabas para maglaro ang mga kabataang Malauegs upang samantalahin nila ang kabilugan ng buwan ngayong gabi.  Pero nagpahabol ng bilin si Lakay Awallan upang muling pag–usapan bukas ang tungkol sa cedula dahil walang malinaw na desisyon ang talakayan kanina pagkat gahol na sila ng oras kaya walang duda na gising pa ang mga kalalakihang Malauegs habang pinag–iisipan ang mabisang solusyon sa kanilang problema para magagawa pa rin nila ang bumaba sa bayan ng Alcala.  Seguro, sapat na ang magdamag para mapag–isipang mabuti kung talaga bang desidido na sila upang huwag nang kumuha ng cedula dahil hindi rason ang nakilala nila si Kumander Tallang kung wala naman sa mga kalalakihang Malauegs ang gustong sumanib sa kilusan kaya malayong magpaparamdam ng tulong ang kanyang grupo sa panahon ng kanilang kagipitan.  Kung kuruin nang maigi ang pangyayari ay hindi kabutihan para sa tribung Malauegs nang makilala nila ang mga nagsusulong sa himagsikan kung iugnay rito ang cedula pagkat matagal nang isyu ito na kailangan masolusyunan agad upang hindi mangyayari ang kanilang pinangangambahan dahil hindi basta magpapasindak sa kilusan ang tropa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Bagaman, may punto rin si Kumander Tallang dahil totoo na naging pangarap din ng bawat katutubo ng Sierra Madre ang muling matamasa ang kalayaan na inagaw sa kanila ng mga banyaga kaya nararapat lamang magkaisa ang lahat sa pagtataguyod sa kilusan ngunit magagawa rin ba niya ang magtalaga ng mga kapanalig sa bawat komunidad upang sila ang magtatanggol kung darating ang araw na salakayin ng mga soldados ang kanilang tribu pagkat kailangan nagsisimula sa kanilang grupo ang pakipagtulungan kung nais nilang magtagumpay ang adhikain.  Yamang iisa ang kanilang mithiin sa pagharap sa problema na idinulot ng mga banyaga sa kanilang bayan ay walang duda na napapanahon ang ganitong pagkikilos upang hindi na maragdagan pa ang mga kaluluwa na humihiyaw sa kabundukan ng Sierra Madre pagkat hindi napagkalooban ng katarungan ang kanilang pagkamatay makalipas ang mahigit sa dalawampung taon.  Marahil, mabibigyan na rin ng katarungan sa kasalukuyang panahon ang mga nangasawi sa lumang komunidad dahil may sumisigaw na sa kabundukan ng Sierra Madre ng pag–aalsa ngayong nasisipat na ang pagkakataon para isakatuparan ito pagkat lumilikha ng sugat sa mga puso ang harap–harapang pagyuyurak ng mga banyaga sa mga katutubong ng Sierra Madre.  Mabuti na lamang ginising ni Bag–aw si Lakay Awallan upang ihatid sa kanyang silid pagkat nakatulugan na yata niya ang pagmumuni–muni dahil kanina pa pumikit ang kanyang mga mata maski puwedeng ipagpalagay na maaaring nagdarasal lamang siya ngunit hindi naman kumikibot ang kanyang mga labi para paniwalaan ang palagay na ito.  At humiga na rin sa sariling papag si Bag–aw pagkat kanina pa nagparamdam sa kanya ang antok ngunit kailangan gumising pa rin siya nang maaga bukas maski hindi niya binalak ang mangangaso dahil totoo naman na wala pang napagkasunduan tungkol sa cedula kaya muling nagtakda ng pulong si Lakay Awallan para maipapahayag na rin ang kanyang desisyon.  Kinabukasan. maagang nagising ang mga kalalakihang Malauegs upang ihanda ang kanilang mga sarili sa gaganaping pag–uusap kaugnay sa cedula sa halip na pumasok sa kagubatan dahil naging palagay ang kanilang mga kalooban nang malaman nila mula sa mga kababaihang Malauegs na marami pang nakaimbak na ulam samantalang ngayong araw lamang naman hindi sila mangangaso.

            Walang duda na napapanahon ang layunin ng grupo ni Kumander Tallang pagkat nabubuhay sa kasalukuyang panahon ang mga katutubong ng Sierra Madre habang napapasailalim sa kapangyarihan ng mga banyaga ang bayan ng Alcala kaya nararapat lamang na maging masigasig sila sa pagsusulong ng himagsikan dahil mahalagang maipamana sa susunod na henerasyon ang kalayaan kahit magbibilang pa ng maraming dekada bago matamo ang katuparan ng kanilang adhikain ngunit ang katotohanan na sila ang nagpanimula ay tiyak na magiging kapuri–puri.  Maging si Lakay Awallan ay nagagalak nang makilala niya si Kumander Tallang ngunit pinaninindigan pa rin niya ang katahimikan kaysa sa hayaang sumanib sa kilusan ang mga kalalakihang Malauegs dahil ito ang kanilang nagisnan sapul nang isinilang sila sa kabundukan ng Sierra Madre hanggang noong mga panahon na hindi pa nagtalaga ng Punong Sugo ang bawat tribu kaya madalas ang bangayan dahil sa hangganan ng teritoryo.  Hanggang sa mismong lumang komunidad na nila ang sinilaban ng mga soldados at kinamkam ang kanilang malawak na lupain ngunit hindi sila umusal ng paghihiganti kahit maramni ang nangasawi kabilang na ang kanyang nag–iisang anak na si Alawihaw dahil kapayapaan ang hinahanap ng kanilang mga puso’t damdamin kaya minabuti nila ang lumikas sa pusod ng kagubatan.  Upang hindi lumubha pa ang kanilang tinamong katalunan maski nasambit niya na isang himala nang makaligtas sila mula sa naglalagablab na impiyerno dahil nag–iwan naman ito ng kahindik–hindik na alaala hanggang sa maraming taon din ang itinagal bago natanggap nila ang pangyayari kaya mabuti na ang mamuhay sa kapayapaan kahit saglit lamang ay ipagpapasalamat pa rin niya.  Pikit man ang mga mata ni Lakay Awallan ay hindi pa rin matiyak ni Bag–aw kung tulog siya dahil umupo agad siya sa silyon matapos ang pananghalian kaya naipagpalagay niya na maaaring napuyat kagabi ang kanyang apong pagkat lumipat sa kanilang kubol ang magkapatid na amang Tagatoy at amang Luyong upang ipresenta ang kanilang ginawang plano na magtatalaga ng tatlong kalalakihang Malauegs para sabayan sa paglalako ng mga gulay ang mga kababaihang Malauegs.  Paharap sa labas ang upo ni Lakay Awallan sa silyon para hindi nadidisturbo ng sinag ng araw ang kanyang pamamahinga dahil ngayon niya nararamdaman ang puyat nang tumagal hanggang hating–gabi ang pakipag–usap niya kina amang Tagatoy at amang Luyong pagkat nagkaroon ng maraming pagbabago ang plano upang maiiwasan ang reklamo tungkol sa relyibo.  Humiga na rin sa papag si Bag–aw matapos ang pananghalian ngunit hindi siya naidlip pagkat nagtatalo ang isip niya kung dapat bang sumaglit siya sa kagubatan para mangangaso kaya maya’t maya ang biling niya hanggang sa bumangon na lamang siya nang sumakit ang kanyang likod saka umupo sa gilid habang tinatanaw ang labas dahil pinanghihinayangan niya ang oras na walang ginagawa.  Pilit inaalam ang tugon sa tanong ng kanyang sarili kung puwede pa bang pumasok sa kagubatan para mangangaso ngunit itinigil niya ang paglalakad nang mapansin si Lakay Awallan na mahimbing pa rin ang tulog sa silyon kaya napatingin na lamang siya sa kusina nang marinig ang ingay ng mga kababaihang Malauegs na inihahanda na naman ang kanilang hapunan.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *