Nararapat lamang isaalang–alang din ang maraming posibilidad dahil hindi basta maililihim sa kaalaman ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang tungkol sa manghihimagsik na gumagala sa kabundukan ng Sierra Madre upang manghihikayat ng suporta kaya lalong malalagay sa gipit na sitwasyon ang tribung Malauegs kapag natuklasan nito na sumanib sa kilusan ang mga kalalakihang Malauegs. Dapat pa bang ipaalaala sa mga katutubong Malauegs ang ginawang pagtutol nila upang magkaroon ng cedula kaya tiyak na magbibigay ito ng masamang impresyon ng pamahalaang Kastila ng Alcala para isipin na sadyang linabag nila ang ordinansa dahil may grupo na ang handang ipagtanggol sila laban sa mga soldados ngunit magpapasindak naman kaya sa kilusan ang tropa ni Alferez. Pero nnaroroon pa rin sa isip ni Bag–aw ang pagdududa maski malaman pa ng pamahalaang Kastila ng Alcala na walang kalalakihang Malauegs ang kasapi sa himagsikan dahil sapat na ang pagtutol nila sa cedula upang parusahan pa rin sila pagkat halos ganitong pangyayari nagsimula ang problema noon ng mga katutubong Malauegs sa lumang komunidad. Napailing na lamang siya nang matigatig ang kanyang kalooban pagkat mistulang wala na silang masusulingan dahil pareho lamang ang magiging kahahantungan ng kanilang kapalaran kung wariing mabuti ang sitwasyon hanggang sa naisaloob niya na mabuti pa pala kung tuluyan nang naparam sa kalupaan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs kaysa umabot pa sila sa kasalukuyang panahon na batbat ng maraming suliranin. Aywan kung dapat bang magtampo kay Bathala ang kanyang puso pagkat naging ulilang lubos siya nang hinayaan nitong patayin ng mga soldados ang kanyang mga magulang habang ipinagtatanggol ang lumang komunidad ngunit nagkibit–balikat na lamang siya nang maalaala ang payo ni Lakay Awallan na laging may dahilan ang bawat pangyayari sa buhay ng tao. Lalong napaisip si Bag–aw dahil tiyak na maaapektuhan din ang kanilang pamumuhay kapag natigil ang paglalako ng mga gulay pagkat masusuong sa kapahamakan ang mga kababaihang Malauegs kung paigtingin pa ng mga soldados ang pagsasagawa ng operasyon upang tugisin ang mga nagsusulong ng kilusan kahit kabutihan ang dulot nito para tumigil na rin ang mga madalas bumababa sa bayan ng Alcala. Ano nga kaya ang magiging desisyon naman ni Lakay Awallan sakaling iutos pa rin sa mga soldados ang paglusob sa bagong komunidad maski salungat ito sa kanyang paniniwala upang wala nang katutubong Malauegs ang mahikayat sumanib sa kilusan dahil kailangan maneguro rin ang pamahalaang Kastila ng Alcala para hindi mangyayari sa bayan ng Alcala ang nagaganap ngayon sa ibang lalawigan. Napabuntung–hininga na lamang si Bag–aw nang maisip na talaga palang wala nang mapagpipilian ang kanilang tribu maski hindi mapapabilang sa grupo ni Kumander Tallang ang mga kalalakihang Malauegs dahil ayaw ni Lakay Awallan na mauulit ang sinapit noon ng lumang komunidad pagkat magsasanhi lamang ito ng marahas na hakbang mula sa pamahalaang Kastila ng Alcala. Baka mapapasang–ayon pa si Lakay Awallan kung kanugnog lamang ng bagong komunidad ang kuta nina Kumander Tallang pagkat magiging madali na ang humingi ng saklolo sa kanila ngunit hindi pa narating ng kahit sino sa mga katutubong Malauegs ang sinasabing hibaybay na malapit sa lindero ng Gattaran at Lallo dahil hindi puwedeng pasukin ang naturang teritoryo kung hindi rin lamang siya kabilang sa tribu na sumasakop dito. Segurado, kulang ang dalawang araw sa paghahanap pa lamang sa kuta ng grupo ni Kumander Tallang na magdudulot naman ng matinding desbentaha para sa kanila kung dumating ang araw na kailangang–kailangan na nila ang suporta kaya wala na rin kabuluhan ang kilusan kung nakubkob na ng mga soldados ang kanilang bagong komunidad at nagbibilang na sila ng mga bangkay. Siyempre, ayaw rin naman ng mga katutubong Malauegs na tuluyan nang maglalaho sa kabundukan ng Sierra Madre ang kanilang tribu kung sa pangalawang pagkakataon ay wala nang nakaligtas sa kanila pagkat lalong masakit kung wala na rin mananangis sa kanilang pagpanaw, kung hindi na magagawaran ng ritwal ang kanilang mga bangkay at kung wala na rin maglalahad ng mga kuwento tungkol sa kanilang pagpupunyagi upang mapapanatili lamang ang kanilang puwang sa mundo na sadyang inilaan ni Bathala para sa kanilang lahi. Napuspos ng lumbay ang damdamin ni Bag–aw pagkat mistulang kakambal na sa buhay nila ang kabiguan kaya sadyang masakit isipin na sa mga panahon pa mandin kung kailan kailangan nila ang pagpapala ay tila hindi naririnig ni Bathala ang mga dasal ni Lakay Awallan gayong ginagawa niya ito ng dalawang beses sa maghapon upang patunayan ang kanilang katapatan sa kanya. “At . . . Bag–aw! Maaatim mo ba na iwan ako . . . ha?!” Hayun! Sapagkat ayaw rin ni Lakay Awallan na mapakinggan ng sinuman ang kanilang pag–uusap ay pabulong ang kanyang pagkakabigkas ngunit walang duda na narinig pa rin ito ni Bag–aw pagkat kumunot ang noo niya habang hinuhulo ang tanong lalo’t wala sa hinuha niya ang ganitong reaksiyon ng matanda na itinuring pa mandin niya na pangalawang amang hanggang sa natahimik siya. Pakiwari ni Bag–aw ay sumambulat ang mundo nang marinig ang tanong pagkat talagang ikinagulantang ng kaluluwa niya maski inaasahan na niya ang pagtutol ni Lakay Awallan ngunit hindi sa ganitong paalaala kaya ayaw niya na may nakikinig sa kanilang pag–uusap upang hindi siya magiging kahiya–hiya sa paningin ng mga katutubong Malauegs dahil tiyak na maiisip lamang nila ang maling palagay. Nanlaki ang kanyang mga mata nang maramdaman niya ang pang–uusig sa tanong hanggang sa bumulong ang kanyang sarili kung talaga bang handa na rin siya para sumama sa kilusan kahit maiiwan si Lakay Awallan na isinakripisyo ang buong buhay sa pagpapalaki sa kanya dahil gusto lamang niya na mabigyan ng katuparan ang kanyang paghihiganti. Muling nagtatanong ang kanyang sarili kung paano na lamang si Lakay Awallan habang wala siya sa mga panahon na kailanganin niya ang tulong pagkat higit na nangangailangan ng atensiyon ang kalagayan niya maski hindi pa dumaranas ng anumang karamdaman ang katawan niya ngunit unti–unti namang nanghihina sanhi ng katandaan kaya maaatim pa rin ba ng kanyang konsensiya upang iwan ang matanda. Noon, idinaraan lamang niya sa yakap ang paghingi ng kapatawaran kay Lakay Awallan basta nagkamali siya ngunit may humahadlang na sa kanyang kagustuhan upang gawin ito ngayon dahil hindi na siya bata para maglambing pa sa matanda kaya umaasa na lamang siya na sana mauunawaan ng kanyang apong kung bakit hinangad niya ang mapabilang sa grupo ni Kumander Tallang. Marahil, pahiwatig na rin sa posibleng mangyayari sa kanya ang mga salita ni Lakay Awallan kapag iginiit pa rin niya ang sumapi sa kilusan para mapapadali lamang ang pagsasakatuparan ng kanyang paghihiganti dahil walang nakatatalos kung ano ang naghihintay sa kanya sa mga darating na araw maliban sa umasa na umayon sana sa kagustuhan niya ang kapalaran.
ITUTULOY
No responses yet