Nakababatang kapatid ni Alba si Lawug na sinasabing kakambal ni Bag–aw dahil sabay inaalagaan ni inang Naga noong maliliit pa lamang sila mula nang itinayo sa pusod ng kagubatan ang kanilang bagong komunidad pagkat may mga pagkakataon na talagang sumusuko na rin ang katawan ni Lakay Awallan sanhi ng gabi–gabing puyat maski naging katuwang nito ang binatilyo pa lamang na si Assassi. Anak na rin ang naging turing nina inang Naga at amang Luyong kay Bag–aw dahil dalawang tagsibol lamang ang tanda ni Lawug sa kanya ngunit bihira magsama sa pangangaso ang dalawa pagkat si Alba ang laging sumasabay sa kanya noong hindi pa siya nagkaroon ng simaron na asawa kaya naging madalang na ang kanilang kuwentuhan habang napapadalas naman ang away ng mag–asawa. Mangyari, laging isinasama ni inang Naga si Lawug maski malaking kaabalahan para sa kanya ang may kasabay na bata sa paglalako ng mga gulay pagkat hindi pa siya puwedeng iwan nang mag–isa sa kubol sa tuwing nangangaso si amang Luyong dahil kasama naman nito si Alba kaysa bantayan ang kanyang kapatid habang maghapon na parehong wala ang mga magulang nila. Subalit si Bag–aw naman ang madalas sinasabayan ni Alba nang matutunan nito ang pangangaso dahil masaya kung silang dalawa sa halip na ang grupo ng kanyang amang Luyong pagkat naging kainip–inip lamang sa kanya ang kuwentuhan ng mga matatanda lalot binatilyo pa lamang siya noon ay talagang hindi niya maunawaan maliban sa tumawa na rin sa tuwing naghahalakhakan sila. Kung marami nang alam na wikang Español si Lawug kahit duda sila kung tama ang kanyang natutunan mula sa pakipag–usap sa mga guwardiya sibil ay nahumaling naman sa pangangaso si Alba kaysa bumaba sa bayan ng Alcala kung hindi rin lamang importante ang sadya niya roon pagkat nagbabalik lumang sa alaala niya ang lumang komunidad sa tuwing nakakakita siya ng mga fusil.
“Mabibigyan pa tayo ng pagkakataon . . . upang makapag–aral! Oo . . . mistad! Malaking . . . bagay ‘yon! Hmmm! Para hindi na tayo inaalipusta . . . ng mga banyaga! Tama po ba ako . . . Apong Awallan?!” Ipinagpatuloy ni Lawug ang kanyang pagsasalita sa halip na sagutin ang tanong ni Bag–aw habang patangu–tango lamang si Lakay Awallan kaysa sawatain siya pagkat maaaring tanggap niya ang kanyang naging katuwiran hanggang sa nasambit niya na talagang malaking impluwensiya ang madalas na pakipaghuntahan sa mga banyaga dahil madaling napapaniwala ang mga mata na sabik sa panlabas na kabutihan imbes na tuklasin ang nagkukubling kasamaan. Marahil, nakintal sa isip niya ang paniniwala na makabubuti kung magpabinyag na rin silang lahat nang mamalas niya ang malaking kaibahan sa pamumuhay ng mga naninirahan sa kabayanan nang maikumpara niya ito sa naging buhay ng mga katutubo ng Sierra Madre sanhi ng madalas na pagpupunta niya sa bayan ng Alcala dahil totoo namang nagtitiis sila sa kahirapan bukod pa ang kalungkutan na laging kaulayaw nila buhat nang isinilang sila ngunit salungat naman dito ang naging damdamin ni Lakay Awallan nang maalaala nito ang sinapit ng lumang komunidad nila. Kunsabagay, may katuturan din naman ang katuwiran ni Lawug upang tanggapin na lamang ng mga katutubong Malauegs ang nagaganap na pagbabago sa pamamagitan ng pagpapabinyag para sila na lamang ang kusang magbukas ng pintuan ng pagkakaisa maski naging salipanya ang trato sa kanila ng mga banyaga basta magkaroon lamang ng kapayapaan ang kanilang buhay upang hindi sila nababalisa. Subalit matagal na sanang nangyari ito kung nagpamalas lamang ng sinseridad ang pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit naging kapani–paniwala pang isipin na imposible upang sumunod sa mga sariling patakaran ng mga katutubo ng Sierra Madre ang mga banyaga dahil batid ng mga ito na malayo sa katotohanan ang anumang pinanaligan nila lalo’t pinapatunayan mismo ng kanilang kamangmangan na wala silang maipagmamalaki pagkat naging malaking kakulangan naman nila ang pagsusulat at pagbabasa upang mauunawaan sila. Baka sa paningin pa ng mga banyaga ay isang katawa–tawang kultura ang nagisnan ng mga katutubo ng Sierra Madre kaya nangangailangan ito ng pagtutuwid upang mamumulat sila sa totoong pananampalataya sa pamamagitan ng pagbibinyag dahil ito ang katanggap–tanggap na paraan para gisingin ang kanilang mga kamalayan kaugnay sa katotohanan na isang likhang–isip lamang ang Bathala na kanilang sinasamba mula pa sa panahon ng kanilang mga ninuno. Segurado, magbibigay pa sa kanila ng maraming kapakinabangan ang pakipagkasundo sa pamahalaang Kastila ng Alcala kung sila mismo ang kusang tumalima sa pagbabago dahil maiiwasan na ang magkasalungat na paniniwala lalo na ang pakipagtalastasan gamit ang salita ng mga banyaga upang magamas ang sagwil na humahadlang sa pagkakaunawaan ngunit payag naman kaya ang kabilang lahi kung laging iniisip ng mga ito ang nilalaman ng napalathalang aklat tungkol sa pagkatao ng mga Pilipino. Handa bang bumaba ang mga banyaga mula sa kanilang pedestal para sabayan nila ang paglalakad ng mga katutubo ng Sierra Madre sa lupa dahil walang garantiyahan upang agarang maghihilom ang mga sugat na iniwan ng nakaraan lalo’t maraming buhay ang naglaho kaya hindi pa rin makatuwiran ang pakipagkasundo sa kanila dahil tiyak na maghihiyaw sa pagtutol ang mga kaluluwa na hindi nabigyan ng katarungan. Bagkus, magiging mitsa lamang ng higit pang kaguluhan ang pagkakasundo sa halip na magkakaroon ng kapayapaan kung parami nang marami naman ang natutuklasan ng mga katutubo ng Sierra Madre upang muling magbabalik sa kanilang mga alaala ang lumipas ay seguradong daranasin din nila ang naging kapalaran ni Kumander Tallang hanggang sa mapipilitan na lamang sila para sumapi sa kilusan maski iniiwasan ng kanilang Punong Sugo ang balasaw. Gaano man kamangmang ang mga katutubo ng Sierra Madre ay tiyak na hindi pa rin nila hahangarin ang mga kapakinabangan na maaaring tatamasahin nila mula sa pagbabago kung buhay naman nila ang magiging kapalit nito lalo’t mahirap limutin kahit minsan lamang nangyari ang ginawang panununog ng mga soldados sa kanilang lumang komunidad dahil mistulang bumabangon mula sa hukay ang nakaraan sa tuwing nararamdaman nila ang matinding kapighatian. Hindi saklit ng mga araw na nakatakdang darating sa bagong komunidad ang posibilidad upang magkasundo pa ang magkaibang lahi kung ramdam ng isa ang pang–aalipusta sa halip na iginagalang ang kanyang pagkatao kahit ano pa ang naging anyo niya pagkat hindi naman kagustuhan niya ang isinilang sa bansang nalimutan na yatang lingunin ng kanilang Diyos dahil hindi siya ang sinasamba nito.
ITUTULOY
No responses yet