Walang duda na ito rin ang sanhi kung bakit sinisikap ilayo ni Lakay Awallan mula sa kaguluhan ang tribung Malauegs pagkat tiyak nag–iwan ito ng mahalagang aral sa kanya upang maging maingat sa pagpapalabas ng desisyon para hindi na mauulit ang nakaraan dahil totoo naman na nagpapalit lamang ng anyo ang katusuhan ng pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit nanatili pa rin sa katauhan nito ang mapanlimbong na hangarin. Imbes na sundin ni Lawug ang payo ni Bag–aw ay pumasok pa siya sa tangkil upang magmano dahil sa paniniwala na kakampihan siya ni Lakay Awallan ngunit ngumiti lamang ang matanda matapos ipatong sa kanyang ulo ang kamay niya ngunit hindi na siya bumalik sa labas para pakinggan ang paliwanag niya.
“Lawug! Hindi nagbibigay sa atin . . . ng lubos na karapatan! Ang . . . pagiging binyagan! Magandang halimbawa . . . . si Kumander Tallang! Bakit nagpapakita siya . . . ng diskuntento? Kung talagang nakabuti sa kanya . . . ang pagiging binyagan?! Ha?! Bakit naisip niya . . . ang mag–alsa laban sa gobyerno?! Gayong kapanalig na siya . . . ng mga banyaga! Sa . . . pananampalataya?!” Bagaman, pawang haka–haka lamang ang naging palagay ng mga kalalakihang Malauegs na dating katutubong binyagan si Kumander Tallang ngunit pinanindigan pa rin nila ito kahit walang kumpirmasyon mula sa kanya pagkat mga kristiyano lamang ang nagpauso ng kuwintas na may krus bilang pagtalima sa utos ng mga prayle na dapat laging isinusuot ito kahit saan sila pumupunta upang iadya sila mula sa mga masasamang espiritu. Katunayan, walang binanggit si Kumander Tallang tungkol sa kanyang tunay na pagktao habang nag–uusap sila ni Lakay Awallan dahil mas binigyan niya ng halaga ang panghihikayat sa mga kalalakihang Malauegs upang sumanib sa kilusan na isinusulong ng kanyang grupo ngunit madali nang unawain ang rason pagkat hindi puwedeng ibahagi ang lahat nang pangyayari sa buhay niya kung maging kasiraan naman ito sa kanyang pamilya. Subalit naseseguro ni Lakay Awallan na isang matinding dahilan ang nagtulak kay Kumander Tallang upang pamunuan niya ang himagsikan dahil batid naman niya na masyadong delikado ang kanyang naging desisyon pagkat hindi maipapangako ang tagumpay sa kanilang layunin kung sa umpisa pa lamang ay dehado na sila lalo’t armado ng mga fusil ang puwersa ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Gayunpaman, hindi importante kung anuman ang kanyang dahilan basta sa tingin ng mga katutubong Malauegs ay siya pa rin ang malinaw na katibayan upang maniwala sila na walang garantiya para mababago ang kanilang buhay kung magpabinyag silang lahat pagkat hindi rin maiiwasan ang pagkakaroon ng pagkiling para sa mga banyaga kaysa paboran silang mga katutubong binyagan. Sapagkat sadyang mahirap pasubalian ang katuwiran na hindi maisipan ni Kumander Tallang ang tumiwalag sa pananampalataya upang mag–alsa kung talagang totoo ang mga pangaral ng mga prayle ngunit kabutihan naman ang hatid nito sa mga katutubong Malauegs pagkat nabigyan pa sila ng babala nang malantad sa kanila ang katotohanan tungkol sa pananampalataya na muntik nang ikasira nilang lahat. Aywan kung nararapat bang kondenahin nila ang mga dating katutubong Malauegs na ngayo’y mga katutubong binyagan na pagkat kailangan makilala pa nila si Kumander Tallang upang malaman nila na panlilinlang lamang pala ang mga pangaral ng mga prayle na kaligtasan ng kaluluwa ang pagyakap sa tunay na pananampalataya kahit katanungan pa rin hanggang ngayon kung pinagpala rin ba ang mga kristiyano na gumagawa ng masama dahil sa kahirapan. Si Lawug na kabilang sa mga sumalubong noon sa grupo ni Kumander Tallang ay napaisip na lamang matapos aminin na talagang natuon sa kabutihan ang kanyang pansin sa halip na inalam din niya ang kabilang panig pagkat nagkukubli lamang pala roon ang maraming katotohanan na hindi niya natuklasan kahit paulit–ulit ang pagpupunta niya sa bayan ng Alcala hanggang sa naging kaibigan pa niya ang mga guwardiya sibil. Hanggang sa natanong niya ang sarili kung ano nga ba ang naging problema ni Kumander Tallang upang itatag niya ang himagsikan dahil kabalintunaan ito sa mga katutubong binyagan na nakilala niya sa bayan ng Alcala maski totoong nagtitiis pa rin sila sa kahirapan ngunit hindi naman nila naisip ang magrebelde pagkat hindi rin ito ang solusyon kung talagang nais nilang baguhin ang kasalukuyang sitwasyon.
“Salamat . . . Apong! Tunay na nalinawan po . . . ang aking pag–iisip! Pasensiya na po . . .!” Pagkatapos, napakamot sa ulo si Lawug nang mapagtanto ang pagkakamali niya pagkat hindi pala puwedeng ihalintulad sa mga katutubong binyagan sa bayan ng Alcala ang kaso ni Kumander Tallang lalo’t hindi pa nila batid ang tunay na dahilan kung bakit tumiwalag siya sa pananampalataya basta haka–haka ang naging basehan lamang nila dahil mga kristiyano lamang ang nagsusuot ng kuwintas na may krus. Hanggang sa natanong niya ang sarili kung ilang taon din kaya ang itinagal ni Kumander Tallang sa pananampalataya kahit duda siya na bumalik na rin ang kanyang pananalig kay Bathala pagkat suot pa niya ang kuwintas na may krus sa halip na isinauli ito sa mga prayle kung talagang tinalikdan na niya ang pagiging katutubong bintagan. Tuloy, muling nagtanong ang kanyang sarili kung bakit galit si Kumander Tallang sa pamahalaang Kastila ng Alcala kung sa mga prayle lamang nagkaroon siya ng problema kaya hindi pa rin nito tuluyang tinalikdan ang pananampalataya hanggang sa napatingin siya kay Bag–aw ngunit hindi niya balak ipasa sa kanya ang katanungan. Nang lumabas sa tangkil si Lawug ay seryoso naman ang mukha ni Bag–aw habang tinatantiya niya ang panahon dahil nagparamdam na sa kanya ang malamig na dapyo ng hangin ngunit abala pa rin sa paghahanda ng kanilang hapunan ang mga kababaihang Malauegs nang dumako sa kusina ang mga mata niya kahit may mangilan–ngilan na ang dumulog sa hapag. Sumunod sa labas si Lawug pagkat si Bag–aw ang talagang sadya niya para tiyakin ang tungkol sa kanilang lakad mamayang gabi ngunit hindi naman nabanggit kung anong oras ang alis nila dahil ang totoo’y napakiusapan lamang siya ni Alba na hindi puwedeng lumabas upang hindi magkakaroon ng digmaan sa kubol nilang mag–asawa. Subalit hindi pa man niya nausal ang tanong ay nagsalita na si Bag–aw dapwa halata sa kanyang boses ang pagkainis kaya napakamot na lamang siya sa ulo matapos mapaglilimi ang kanyang pagkakamali nang biglang sumabad siya sa usapan hanggang sa napalingon pa siya kay Lakay Awallan ngunit nagdarasal na yata ang Punong Sugo nila dahil pikit ang mga mata nito. Kaya naisip niya na maaaring may mga katanungan pa si Bag–aw ngunit hindi na lamang binanggit nito nang dumating siya hanggang sa humakbang papunta sa hapag ang kanyang paa maski hindi pa nagtatawag para sa hapunan nila ang mga kababaihang Malauegs upang doon na lamang niya hihintayin ang paglamig ng ulo ng kanyang mistad imbes na mangatuwiran pa siya. Pero napigilan ang pag–alis ni Lawug nang magsalita si Bag–aw upang kumpirmahin ang oras ng kanilang lakad mamayang gabi ngunit hindi pa rin naiwasan ng kanyang mga mata ang tumingin uli kay Lakay Awallan pagkat tiyak narinig niya ang paglilinaw ng kanyang mistad dahil animo namalik–mata siya nang biglang bumaling sa kanila ang paningin niya.
ITUTULOY
No responses yet