Dahil posibleng babalik sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ang grupo ni Alferez ngayong natuklasan na ng pamahalaang Kastila ng Alcala na walang titulo ang kanilang mga lupain ay kailangan paghandaan kahit hindi nila alam kung kailan ito upang hindi sila masosorpresa. Kunsabagay, talagang mahirap hanapan ng solusyon ang problema tungkol sa titulo dahil hindi rin alam ni Lakay Lumbang kung paano ba magkaroon nito ang mga katutubong Malauegs ng Calantac upang huwag lamang tuluyang kumpiskahin ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang mga lupain. Hanggang sa umiral sa loob ng sagradong kubol ang katahimikan dahil wala na rin nagtanong mula sa mga kalalakihang Malauegs ng Calantac habang hinihintay na lamang nila ang muling pagsasalita si Lakay Lumbang kahit payo man lamang niya ang marinig nila.
“Kung kayo . . . ang tanungin ko?! Ano . . . ang naisip ninyong hakbang . . . tungkol sa problemang ito?! Ha?!” Dahil sa simpleng pagtatalakay lamang upang alamin ang puno’t dulo ng mga idinudulog na problema ay nagkakaroon na ng ideya tungkol dito ang Punong Sugo sa tribung Malauegs ng Calantac sa tulong ng mga kalalakihang Malauegs ng Calantac pagkat nasa kanila ang solusyon kaya kampante sila. Ito ang dahilan kung bakit nagiging madali lamang para sa Punong Sugo sa tribung Malauegs ng Calantac ang paggawad ng desisyon lalo’t marami ang nagpaparating ng mga suhestiyon na pinag–aralan namang mabuti ng mga kalalakihang Malauegs ng Calantac upang magiging katanggap–tanggap. Samantalang ang solusyon ng kanilang problema na may kaugnayan sa titulo ay hawak naman ng pamahalaang Kastila ng Alcala na seguradong hindi mag–aaksaya ng panahon upang tulungan sila dahil kailangan pairalin ang batas para sa sariling interes. Kahit bumungad ngayong umaga sa mga katutubong Malauegs ng Calantac ang mabigat na problema ay nagawa pa rin ni Lakay Lumbang ang ngumiti nang masilayan niya ang mga katutubong binyagan ng kanilang komunidad dahil kabilang pala sila sa mga naghihintay sa kanya imbes na dumalo sa misa. Hindi balakid para sa mga katutubong binyagan ng Calantac ang pagdalo sa mga pagpupulong na ipinapatawag ng Punong Sugo ng tribung Malauegs ng Calantac dahil hindi katuwiran ang pananampalataya upang isantabi na rin ang kanilang mga karapatan pagkat mali ang ganitong katuwiran. Sapagkat hindi maaaring ipagbawal ng relihiyon ang kanilang paninindigan lalo’t tungkulin din nila ang magpahayag ng kani–kanilang saloobin dahil pare–pareho naman sila na apektado sa problema tungkol sa titulo. Kung tungkol din lamang sa pamumuhay ang isyu ay mangyaring desisyon pa rin ni Lakay Lumbang ang kanilang sinusunod pagkat siya ang nagisnan nilang Punong Sugo na laging pinapakinggan at iginagalang ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ang mga salita nito. Hindi kisap–matang nabubura ng agua–bendita ang paggalang nila sa kanya dahil hindi rin naman iglap nalalagtas sa kanilang mga kaisipan ang mga kaugaliang namulatan nila sa komunidad ng Calantac kung saan sila isinilang hanggang ngayon. Anuman ang natutunan nila mula sa mga pangaral ng kura paroko ng Alcala ay hindi nangangahulugan na nagpasakop na sila sa mga banyaga pagkat malinaw ang kanilang paninindigan basta may kaugnayan sa pagmamay–ari sa mga lupain ang usapin.
“Mawalang galang na lamang po . . . Apong Lumbang! Yamang . . . tinatanong po ninyo kami! Puwes! Iminumungkahi ko po . . . huwag po natin sundin . . . ang pamahalaan! Opo!” Marahil, matinding galit ang sanhi kaya ganito ang naging mungkahi ng katutubong binyagan ng Calantac ngunit hindi mawari kung katanggap–tanggp ito basta napatingin na lamang ang lahat kay Lakay Lumbang na maaaring ikinamangha rin ang kanyang narinig. Puspos man ng mga pangaral mula sa mga prayle ang kanyang puso kung ramdam naman niya ang kaapihan ay talagang mangingibaw ang kanyang totoong saloobin kahit kasalanan sa pananampalataya ang kahulugan nito. Galing kay Lakay Lumbang ay nabaling ang tingin ng mga kalalakihang Malauegs ng Calantac sa katutubong binyagan ng Calantac dahil hindi nila inaasahan ang tila naghahamon na mungkahi mula sa kanya kahit may katuwiran pa siya ngunit peligroso naman kung ayunan pagkat pamahalaang Kastila ng Alcala ang magiging kalaban nila. Baka lalong lumubha lamang ang kanilang problema kung magpamalas sila ng karahasan kahit nakahihigit ang kanilang karapatan sa mga lupain ngunit wala naman silang lakas para tutulan ang kapangyarihan ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Hindi maaaring sabihin na mangmang ang lahat nang mga katutubong Malauegs sa komunidad ng Calantac upang ikatuwiran na hindi nila naintindihan ang kahalagahan ng titulo para paniwalaan lamang ang kanilang kasinungalingan gayong may mga katutubong binyagan ng Calantac ang marunong ng wikang Español. At mismong si Alferez ang nagpaalaala na kailangan magkaroon sila ng titulo upang may katibayan ang pagmamay–ari nila sa mga lupain pagkat hindi kinikilala ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang simpleng pamana kahit gaano pa ito katagal. Malaking pagkakamali kung hindi nila bigyan ng solusyon ang problema tungkol sa titulo pagkat walang nakatatalos sa totoong binabalak ng pamahalaang Kastila ng Alcala kaya dapat magpasalamat pa sila kay Alferez pagkat nagkaroon sila ng babala. Sa halip na sagutin ni Lakay Lumbang ang tanong ay hinayaan niya na magsalita rin ang ibang kalalakihang Malauegs ng Calantac dahil makabubuti kung pakinggan muna niya ang kani–kanilang suhestiyon upang dito niya ibabase ang magiging solusyon sa problema nila.
“Ano?! Pero . . . ! Baka . . . lusubin naman tayo ng mga guwardiya sibil! Kung . . . labagin natin ang batas! Tama po ba ako . . . Apong Lumbang?!” Hindi karuwagan ang mag–isip ng kaligtasan kung kapahamakan naman ang dulot ng sobrang katapangan dahil mawawalan ng halaga ang ipinaglalaban ng mga katutubong Malauegs ng Calantac kung patay na silang lahat dahil hinayaan nilang umiral ang silakbo ng kanilang mga damdamin. Kung hindi itinanghal na bayani ang mga nagbuwis ng buhay dahil sa pagtatanggol ng kanilang mga karapatan ay lalong wala naman gustong mabubuhay sa nakaraan upang laging gunitain ang mga patay pagkat mas mahalaga ang kasalukuyan. Kaya hindi puwedeng isantabi ang magiging hakbang ng pamahalaang Kastila ng Alcala laban sa mga katutubong Malauegs ng Calantac kung pakinggan nila ang suhestiyon mula sa damdamin na tigmak ng galit maliban kung nahukay na ang paglilibingan ng kanilang mga sarili. Upang ipabatid sa kanila na walang sinuman ang maaaring sumuway sa batas pagkat nilikha ito ng pamahalaang Kastila ng Alcala para magsilbing gabay sa kanila kahit gaano pa katagal ang paninirahan nila sa bayan ng Alcala dahil kailangan maipatupad ang pagbabago. Kunsabagay, hindi pa naman tuluyang naglaho ang pag–asa ng mga katutubong Malauegs ng Calantac basta magkaisa lamang sila dahil ito ang kailangan ngayong nahaharap sila sa matinding problema pagkat silang lahat naman ang hinahanapan ng titulo. Ngayon ang pagkakataon upang gamitin ng mga katutubong binyagan ng Calantac ang kanilang natutunan sa wikang Español dahil hindi naman seguro magiging kalabisan kung magbakasakali silang lumapit sa kura paroko ng Alcala sa halip na dumeretso sila ng agrimensor na medyo malabo. Seguro, hindi naman sila tatanggihan ng kura paroko ng Alcala kapag nalaman nito ang tungkol sa kanilang problema upang samahan sila sa opisina ng agrimensor dahil nagpaparamdam din naman kahit madalang lamang ang himala ng dasal.
“Tiyak ‘yon! At . . . wala tayong laban sa kanila! Nakita naman natin . . . kanina! Lahat nang guwardiya sibil . . . armado sila ng fusil!” Bagaman, nagpapahayag ng katapangan ang pag–amin ng katotohanan ay pinapatunayan din naman nito ang katapatan kaysa magkunwari sila para buwagin ang moog upang isipin na malakas sila kahit kabaliwan. Mandin, maiiwasan ng mga mandirigmang Malauegs ng Calantac ang kapahamakan pagkat may hangganan din ang kanilang kakayahan kahit gaano pa sila kagaling at katapang sa pakikipaglaban dahil nakasisindak ang putok ng fusil sa gitna ng pusikit na karimlan. Katunayan, hindi maaaring sabayan nila ang mga guwardiya sibil dahil sumailalim sila ng mahigit limang taon na entrenamiento militar upang sanayin sa pakipagdigma kahit pagroronda ang naging tungkulin nila sa bayan ng Alcala pagkat ipinaubaya na sa mga soladados ang pagsasagawa ng operasyon. Dapat isaalang–alang nila sa pagbuo ng desisyon ang kanilang mga pamilya pagkat sila ang higit na maaapektuhan kung tuluyan nang mawala ang komunidad ng Calantac pagkat humantong sa matinding kabiguan ang kanilang naging solusyon sa problema. Walang duda na maglalaho ang komunidad ng Calantac kung mauwi sa kaguluhan ang problema tungkol sa titulo pagkat pinairal nila ang kapusukan kahit alam nila na dehado ang kanilang mga tunod at busog laban sa mga fusil ng mga kalaban. Imbes na maging mahinahon sana upang hindi sila magbibilang ng mga patay na seguradong iiyakan nila ng dugo habang inaawitan ng buong kapanglawan ang mga bangkay na sumisigaw ng pagsisisi dahil sa kanilang pagkakamali. Tutal, hindi naman nagtakda si Alferez kung hanggang kailan dapat magkaroon ng titulo ang kanilang mga lupain ay may panahon pa upang bigyan ng kalutasan ang kanilang problema basta sabayan nila sa pagdarasal si Lakay Lumbang.
“Ganito ang naisip kong solusyon . . . makinig kayo!” Aywan kung ngayon lamang naisip ni Lakay Lumbang ang solusyon sa kanilang problema matapos niyang mapakinggan ang mga pahayag ng mga kalalakihang Malauegs ng Calantac ngunit mas pinaniwalaan nila ang sariling palagay na kanina pa may nabuong desisyon ang kanilang Punong Sugo. Yaong tayo ni Lakay Lumbang ay nagpalakad–lakad muna siya habang pinag–iisipan nang maigi ang kanyang desisyon upang magiging malinaw ang punto na ibig niyang iparating sa mga kalalakihang Malauegs ng Calantac na muling natahimik nang marinig ang kanyang boses. Kahit kabisado niya ang pag–uugali ng bawat isa sa mga kalalakihang Malauegs ng Calantac ay kailangan maging maingat pa rin siya sa pagpapahayag ng desisyon pagkat maselan ang problema na tinatalakay nila kaya dapat may kasunod na paliwanag. Kailangan magagawa niyang depensahan ang kanyang desisyon pagkat tiyak na magtatanong silang lahat dahil hindi simpleng problema ang hinahanapan nila ng solusyon upang magiging madali lamang para sa kanila ang pagsang-ayon. Dati–rati, sa kanila nanggagaling ang maraming suhestiyon sa tuwing nagkakaroon ng problema ang komunidad ng Calantac habang nakikinig lamang siya hanggang sa ipapahayag niya ang desisyon mula sa naging mungkahi nila sa kanya. Kung hindi man nagdulot ng bagabag sa kanila ang mga problema na idinudulog sa Punong Sugo ng tribung Malauegs ng Calantac pagkat may kaugnayan sa pamilya ang karamihan nito kaya madali nang nabigyan ng kalutasan dahil payo lamang niya ang kinailangan. Kabalintunaan ang kanilang problema ngayon dahil totoo naman na walang hawak na titulo ang sinuman sa kanila pagkat kanina lamang nalaman nila ang kahalagahan nito makalipas ang libong taon na paninirahan ng kanilang mga ninuno sa komunidad ng Calantac. Kaya hindi dapat magiging kuwestiyonable ang desisyon ni Lakay Lumbang upang hindi ito sasalubungin ng maraming pagtatanong mula sa mga kalalakihang Malauegs ng Calantac pagkat mahalaga ang magkaroon ng tiyak na proteksiyon ang kanilang kinabukasan. Bagaman, hindi pa nangyayari kahit kailan na may humamon sa kanyang desisyon mula sa mga kalalakihang Malauegs ng Calantac pagkat may pitagan naman sila sa kanya ngunit hindi puwedeng ihalintulad sa mga nagdaang araw ang sitwasyon ngayon. Dahil mabuti na ang maneguro siya pagkat binubuo ng dalawang grupo ang mga katutubong Malauegs sa komunidad ng Calantac – ang mga katutubong erehe at ang mga katutubong binyagan kahit hindi nabahiran ng hili ang kanilang samahan ngunit naroroon ang posibilidad na magbabago ito pagdating ng araw. Kung hindi mabigyan ng solusyon ang kanilang problema pagkat magkakaroon ng kani–kanyang palagay ang mga katutubong erehe at mga katutubong binyagan na posibleng magsanhi ng pagkawatak–watak ng tribung Maluegs kung hindi na nila maipagkaloob sa Punong Sugo ang paggalang.
Kung ramdam ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ang balais sa buong magdamag sanhi ng titulo na hindi nagpatulog nang mahimbing sa kanila ay may dahilan kaya maaga rin silang bumangon upang muling pag–usapan ang kanilang problema. Samantalang hindi naman matiyak kung sa mga katutubong Malauegs ng Calantac lamang ipinatupad ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang pagkakaroon ng titulo sa kanilang mga lupain dahil nasasakop din ng munisipalidad ng Alcala ang komunidad ng mga katutubong Malauegs sa kabundukan ng Sierra Madre kahit wala pang banyaga ang nakararating doon. Kaypala, hindi naging mahirap para sa pamahalaang Kastila ng Alcala upang ipatupad sa mga katutubong Malauegs ng Calantac ang batas tungkol sa titulo pagkat madali na lamang sa mga guwardiya sibil ang dumayo roon sakaling magpamalas sila ng pagtutol dahil kanaik ng bayan ng Alcala ang komunidad ng Calantac. Subalit malaki ang posibilidad na maaapektuhan din ang mga lupain ng mga katutubong Malauegs sa patnubay ni Lakay Awallan maski matatagpuan sa kabundukan ng Sierra Madre ang kanilang komunidad dahil madali na lamang silang tuntunin sa pamamagitang ng mapa pagkat nasasakop naman ito sa munisipalidad ng Alcala. Katanggap–tanggap pang sabihin na maaaaring nagsisimula pa lamang sa komunidad ng Calantac ang mapag–imbot na layunin ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat nakapagtataka kung bakit pinag–interesan nito ang mga lupain ng mga katutubong Malauegs ng Calantac na dati nang walang titulo nang ipamana sa kanila. Mahirap pasinungalingan ang katotohanan na kinasangkapan lamang ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang titulo upang mapapabilis ang pagsasakatuparan sa plano na ang totoong intensiyon ay kamkamin ang mga lupain na pagmamay–ari ng mga katutubong Malauegs ng Calantac. Magiging madali na lamang upang linlangin ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang mga katutubong Malauegs ng Calantac sa pamamagitan ng pagpapatupad ng batas nang matuklasan nito na hindi pala titulado ang mga lupain na inaangkin nila kahit libong taon nang naninirahan sila roon. Ngunit isang malaking pagkakamali kung sa palagay ng pamahalaang Kastila ng Alcala ay basta na lamang lilisanin ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ang kanilang mga lupain pagkat malayong mangyayari ito kahit wala silang maipapakitang katibayan ng pagmamay–ari. Segurado, mapipilitan sila upang mag–alsa kahit delikado dahil sasagupain nila ang puwersa ng mga guwardiya sibil at mga soldados ngunit sa damdaming naaapi ay mabuti pa ang mamamatay habang lumalaban kaysa buhay sila na niyuyurakan. Sana, sumagi sa pamahalaang Kastila ng Alcala ang ganitong katuwiran upang huwag nang ituloy nito ang masamang balak sa malawak na lupain ng mga katutubong Malauegs ng Calantac dahil tiyak na hindi sila magdadalawang–isip lumaban kahit armado lamang sila ng mga busog at tunod. Pero payapa naman ang mga tribung Itawis sa bayan ng Lal–lo, tribung Ibanag sa bayan ng Gattaran at tribung Ibatan sa bayan ng Calamaniugan at Aparri dahil matagal nang naitalaga ang kani–kanilang Alcalde kaya maaaring nabigyan na ng solusyon ang problema nila tungkol sa titulo na taliwas sa magiging kapalaran ng mga katutubong Malauegs ng Calantac sa hinaharap.
Kahit imposible para sa mga katutubong Malauegs ng Calantac ang magtagumpay sakaling humantong sa madugong labanan ang problema sa titulo ngunit tiyak na wala silang pagsisisihan dahil ginawa lamang nila ang nararapat imbes na isinuko ang kanilang karapatan dahil sa takot. Dapat marinig ang kanilang sigaw para malaman ng pamahalaang Kastila ng Alcala na hindi nila basta isusuko ang pagmamay–ari sa kanilang mga lupain maski magbuwis pa sila ng buhay basta maipamalas lamang ang kanilang pagtutol laban sa mapaniil na batas nito. Maihalintulad sa isang nanahimik na bulkan ang sitwasyon sa komunidad ng Calantac ngunti ngayon pa lamang natuklasan kaya dalangin ang huwag sanang sumambulat ito pagkat lalong lulubha ang kaguluhan kapag nagkaroon ng himagsikan sa bayan ng Alcala. Tiyak mananaghoy ang mga biyuda, marami ang magiging ulila, wala nang magnanais pang mabuhay kung laging nagpaalaala ang lagim ng digmaan dahil wala na rin naghihintay na bukas kung maging bagamundo sa sariling bayan. Ngunit sa mga nagsusulong ng kalayaan ay nagiging katanggap–tanggap ang pagsasakripisyo sukdang dumanak ang dugo pagkat sa ganitong kaparaanan lamang nakakamit ang tagumpay ng kanilang ipinaglalaban. Dahil hindi para sa sariling kapakinabangan ang kanilang ipinaglaban kaya walang kailangan kung magbuwis sila ng buhay basta kalayaan ang maging pamana nila sa susunod na salinlahi upang hindi sila magiging alipin habambuhay. Sapagkat masakit na makita ang sarili habang inaalipin ng mga banyaga sa sarili pa mandin niyang bayan dahil hanggang sa kanyang panahon ay ipinagkait pa rin ang kalayaan na hindi ipinaglaban ng kanyang mga angkan. Ano pa ang kabuluhan ng buhay kung wala namang sariling dangal na maipagmamalaki ang mga susunod na henerasyon dahil hindi pa rin napapatid ang tanikala ng pagiging alipin ng nakaraan hanggang sa kanilang panahon? Walang katutubong Malauegs ng Calantac ang pumunta sa munisipyo ng Alcala kahit ang mga katutubong binyagan ng Calantac na tanging inaasahan ngunit minabuti pa nila ang makipagkita sa kura paroko ng Alcala upang iparating ang kanilang problema dahil palagay ang kanilang mga kalooban kung siya ang kaharap nila. Hindi na sila nagsayang ng panahon upang magtanong sa agrimensor dahil naipagpauna nila na wala rin siyang maitutulong sa kanila pagkat karaniwang empleyado lamang siya sa munisipyo ng Alcala kaya nagbakasakali na lamang sila sa kura paroko ng Alcala.
“¡Expedito Monsanto! ¡Sige midiendo las tierras de Calantac! ¡Hazlo el proximo domingo!” Pagkaraan ang dalawang araw mula nang malaman ni Alcalde na hindi pa titulado ang mga lupain ng mga katutubong Malauegs sa komunidad ng Calantac ay ipinatawag niya ang agrimensor para sa panibagong kautusan dahil hindi pa pala tapos ang pagsusukat nito. Nauna na si Alferez na agad tumuloy sa opisina ni Alcalde noong araw rin nang manggaling siya sa komunidad ng Calantac para magsumite ng ulat kaya sampung bote ng alak ang nailabas mula sa estante dahil napasarap ang kanilang kuwentuhan. Katunayan, labis na ikinatuwa ni Alcalde nang makumpirma ang kanyang sapantaha na hindi pa titulado ang mga lupain ng mga katutubong Malauegs ng Calantac pagkat hindi para sa kabutihan nila ang layunin ng utos niya kay Alferez upang kausapin sila. Puspos ng kaimbihan ang kanyang mga mata habang ninanamnam ng lalamunan niya ang pahang ng alak lalo’t isang gabi rin nagkaroon ng patlang ang hora feliz nila ni Alferez upang hindi mabubulilyaso ang kanyang plano. Habang sunud–sunod ang pagtungga niya ng alak ay laging said naman ang kopita sa tuwing inilalapag niya ito sa mesa sanhi ng kanyang sobrang kagalakan pagkat magandang senyales nang hindi magsimula sa kabiguan ang plano niya. Sinasabayan naman ni Alferez ang bawat tungga ni Alcalde sa kopita nito para samantalahin ang pagkakataon nang malaman niya na maraming alak ang nakaimbak pa sa estante na taliwas sa kanyang hinala. Palibhasa, naging kasiya–siya para sa kanilang dalawa ang usapan ay lalong sumasarap ang bawat lagok nila ng alak kaya tumagal hanggang madaling–araw ang kanilang hora feliz pagkat nasundan pa ang sana’y pansampung bote. Kaya hindi kataka–taka kung ngayon pa lamang dumating sa opisina ni Alcalde si Alferez dahil tiyak naghihilik pa siya maski inihudyat na sa kampana ng munisipyo ng Alcala ang alas–nueve ng umaga kung hindi pa siya ipinatawag. Paboritong sandali ni Alferez ang ipinapatawag siya ni Alcalde dahil laging humahantong sa inuman ang kanilang pag–uusap pagkat sadyang kaligayahan na niya ang nadadaluyan ng alak ang kanyang lalamunan. Posibleng mangyayari rin ngayon ang magdamagang inuman dahil naging normal na lamang ito para sa kanilang dalawa pagkat hindi pa naman nakababahala ang sitwasyon sa bayan ng Alcala kahit maugong ang himagsikan sa karatig–lalawigan. Pero nagtatanong pa rin ang kanyang sarili kung bakit ipinatawag siya ni Alcalde gayong nagbigay na siya ng informe militar na may kaugnayan sa mga lupain ng mga katutubong Maalauegs ng Calantac noong araw rin nang dumating siya pagkat ito ang hinihintay niya. “¡Entonces! ¡Titule las tierras alli inmediatamente! ¿Eh? ¡Asi puedo firmar! ¡El nombre del gobierno Español de Alcala deberia estar escrito en los titulos! ¡Porque el estado claramente es dueño de las tierras de Calantac! ¿Lo entiendes? ¿Eh?” Talaga palang wala nang pag–asa upang mabigyan pa ng kalutasan ang problema ng mga katutubong Malauegs ng Calantac tungkol sa titulo maski hiningi na nila ang tulong ng kura paroko ng Alcala para mamagitan siya sa pagbabakasakali na pakinggan pa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang pakiusap. Sapagkat mismong pamahalaang Kastila ng Alcala ang gumawa na ng hakbang imbes na tinulungan sana sila nito upang magkaroon ng titulo ang kanilang mga lupain dahil hindi naman lingid sa mundo ang kawalan nila ng kaalaman tungkol sa ganitong kalakaran na ipinapairal sa maunlad na bansa. Ano pa ba ang dapat asahan ng pamahalaang Kastila ng Alcala mula sa kanila matapos ang libong taon na namuhay sila sa madilim na sulok ng mundo bago dumating ang mga banyaga upang ipatupad ang pagbabago maski taliwas ito sa kaugalian nila? Bagkus, naging madali na lamang sa pamahalaang Kastila ng Alcala ang pagbalangkas ng legal na kaparaanan para pumanig ang batas upang may basehan ang balak na pagkamkam sa mga lupain na walang titulo sa malawak na kapatagan ng Sierra Madre kung saan matatagpuan ang komunidad ng mga katutubong Malauegs ng Calantac. Palibhasa, hawak ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kapangyarihan na hindi kayang daluhungin ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ay naging madali na lamang manipulahin ang kanilang kamangmangan para sa katuparan ng masamang plano dahil nakamamatay ang bala kaysa lason ng tunod. Sapagkat hindi na pala puwedeng pigilan ang mapanlinlang na plano ng pamahalaang Kastila ng Alcala nang lingid sa mga katutubong Malauegs ng Calantac na halos ayaw nang matulog dahil sa pag–iisip ng paraan kung paano magkakaroon ng titulo ang kanilang mga lupain sa komunidad ng Calantac. Idinulog pa mandin nila sa kura paroko ng Alcala ang problema kaya pumayag siya upang samahan sila sa opisina ng agrimensor para magkaroon ng titulo ang kanilang mga lupain nang magiging legal ang pagmamay–ari nila rito. Ngunit imposible na palang igagalang pa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang mga karapatan sa mga lupain na inaangkin nila pagkat malaon na palang nagkanlong sa utak ang maitim na balak na seguradong ipagluluksa nilang lahat. Idalangin na lamang ni Lakay Lumbang kay Bathala na sana hindi maiisip ng mga kalalakihang Malauegs ng Calantac ang kumapit sa patalim upang hindi dumanak ang dugo sa komunidad ng Calantac kapag tuluyan nang naglaho ang kanilang mga lupain dahil hindi na pala mapipigilan pa ito. Tiyak na pikit–matang susunggaban nila ang natitirang solusyon upang ipaglaban ang kanilang pagmamay–ari sa mga lupainkahit kamatayan pa ang magiging hantungan ng kanilang desisyon pagkat hindi nararamdaman ng pusong naghihimagsik ang takot.
ITUTULOY
No responses yet