Pagkatapos, nagpasunod ng panakaw na sulyap si Alba habang ikinukubli sa dalawang kamay ang mukha niya upang malasin nang maigi kung tama ang basa niya sa mukha ni Lakay Awallan para hindi siya kutusan ni Bathala dahil gusto nang akayin niya ang matanda papunta sa silid nito pagkat naghihntay pa ang pangalawang misyon. Hindi na niya ikinagulat nang muling ipinagdiinan ni Lakay Awallan ang katuwiran na halos kabisado na nang lahat kaya napatingin siya kay Bag–aw upang alamin naman ang kanyang reaksiyon ngunit nakatingala sa langit ang mistad niya habang tinatantiya kung sumapit na ang hating–gabi pagkat ramdam na rin nila ang lamig dala ng ulop. Kung alam lamang ni Lakay Awallan na siya lamang ang naniniwala sa kanyang katuwiran habang natatawa naman ang mga katutubong Malauegs pagkat seryosong katanungan nila kung paano nagagawa ng isang bata ang mangangaso kahit nag–iisa lamang siya at sa edad na dalawampu’t tatlong taon ay kahangalan upang isipin na bata pa siya para mag–asawa.
“Alba! Bata pa si Bag–aw . . . para isipin na niya . . . ang pag–aasawa!” Muling narinig nina Bag–aw at Alba ang walang kakupas–kupas na katuwiran ni Lakay Awallan ngunit patuloy pa rin pinanghahawakan maski maliwanag naman na nagkukubli lamang sa likod ng katotohan ang kanyang damdaming takot maiiwan kapag nag–asawa na ang kanyang apo kaya mahirap ayunan ang kanyang paniniwala maliban sa igalang ang kanyang pagiging Punong Sugo. Bagaman, hindi ganoon kadali upang pikit–matang tanggapin ang nagaganap na pagbabago ngunit sadyang dumarating ang panahon upang mamulat sa katotohanan si Lakay Awallan na isa nang ganap na lalaki at may sariling pangarap sa buhay ang batang inaruga niya sa loob nang mahigit dalawampung taon kaya kailangan mabigyang katuparan ang hangaring magkaroon ng sariling pamilya pagkat sa pag–aasawa lamang matatagpuan ang kaligayahan na kanyang namang tataglayin habang nabubuhay sa mga pangako na laging nagpaalaala sa kanya. Lalo na sa kalagayan ni Bag–aw dahil lumaki siya na hindi naranasan ang pagmamahal ng isang inang ay talagang magiging bahagi sa kanyang mga pangarap ang babaeng magpapatibok sa kanyang puso kaya tama ang ginawa ni Alba pagkat hindi matatagpuan sa kagubatan ang mapapangasawa niya kahit totoong maraming diwata ngunit may sariling mundo naman sila. Kung may nagbago man kina Lakay Awallan at Bag–aw sa loob nang mahigit sa dalawampung taon ay ang kanilang pisikal na kaanyuan dahil magkatabi man silang natutulog noon ay may kani–kanya nang papag ngayon pagkat binata na ang kanyang apo kaya sisihin niya ang matulin na paglipas ng panahon kung bakit naging mabilis din ang pangyayari nang hindi niya namamalayan. Huwag nang bakasin sa gunita ang mga alaala na lalong nagpapahirap sa damdamin maski totoo na sa tuwing bumabangon si Lakay Awallan sa madaling–araw ay agad inaalam ng kanyang mga mata kung gising na rin si Bag–aw na malapit sa bintana ang papag para madaling marinig ang tilaok ng mga labuyo na naging orasan niya upang pumasok sa kagubatan. Sikaping iwaksi sa isip ang alaala kung ito rin lamang ang nagiging dahilan ng matinding pangangamba maski totoo na madalas sumasabay sa kanyang pagbangon si Bag–aw upang ihanda ang mga gamit niya sa pangangaso habang pagpapakulo ng salabat dahil kailangan maiinitan muna ang sikmura niya bago pumasok sa kagubatan maski hindi pa nag–aalmusal. Huwag ikalulungkot ni Lakay Awallan ang mga pangyayari na hindi pa nagaganap kung ito rin lamang ang magdudulot ng hapis sa kanyang kalooban sa halip tanggapin ang posibilidad na mapipilitang bumukod si Bag–aw kapag may asawa na siya maski hindi madaling iwaglit sa isip ang mhigit dalawampung taon na magkasama silang namumuhay sa isang kubol pagkat ito ang katotohanan na hindi puwedeng hadlangan nang ninuman. Lawakan ang pang–unawa para madaling intindihin sakaling maaapektuhan ang kanilang relasyon na pinagtagni pa mandin ng mahigit sa dalawampung taon kung darating ang panahon na magiging bihira na lamang magkaroon ng pagkakataon ang kanilang pag–uusap pagkat tiyak na mas paglalaanan ni Bag–aw ng maraming panahon ang kanyang asawa dahil ito ang kailangan sa masayang pamilya upang magiging makulay ang bawat araw ng kanilang pagsasama. Siyempre, magiging limitado na lamang sa pamilya at pangangaso ang buhay ni Bag–aw ay lalong wala nang panahon upang dumulog pa siya sa hapag pagkat kailangang pag–ibayuhin pa ang kanyang kasipagan kaya asahan na ni Lakay Awallan ang matinding kalungkutan sa pag–iisa dahil seguradong muling mararamdaman niya ang naranasang lumbay noong nag–asawa si Alawihaw. Mga kadahilanan na matinding nang–uupat sa isip ni Lakay Awallan kaya mahigpit na tinututulan niya ang pag–aasawa ni Bag–aw sa halip na bigyan ng kalayaan ang binata pagkat panahon na rin upang magkaroon siya ng sariling pamilya dahil hindi talos ng ninuman ang kanyang magiging kapalaran pagkat hindi rin naman ipinapagako ng bawat araw ang magandang umaga.
“Ehemmm!!! Opo . . . Apong! Alam ko po ‘yon . . . Opo! Alam ko po! He!!!He!!!He!!!” Hayaan nang magdesisyon si Bag–aw para sa kanyang sarili pagkat hindi siya isang laruan na may tali habang hila–hila ng bata kahit hindi siya nangangatuwiran ngunit tiyak na tagos sa kanyang puso ang nararamdaman ng isang ibon na kaytagal ikinulong sa hawla dahil sa takot na lumipad ito upang hanapin sa kalawakan ang inaasam na kalayaan na sadyang ipinagkait sa kanya sa mahabang panahon. Seguro, hindi naman manhid si Bag–aw para hindi niya mararamdaman ang umibig pagkat normal naman ang kanyang pagkatao ngunit malaking katanungan kung kailan ito habang nalilibang pa siya sa pangangaso kaya talagang kailangan makilala niya ang dilag na nakatagpo ni Alba sa ilog upang mabaling sa panliligaw ang kanyag pansin kaysa papaniwalaan niya ang mapanlinlang na katuwiran. Marahil, sadyang humibok sa puso.
ITUTULOY
No responses yet