IKA – 203 LABAS

Baka nais lamang tiyakin ni Lakay Awallan na nagkasundo na sina Bag–aw at Alba para panatag naman ang kanyang kalooban habang natutulog pagkat hindi rin naman siya mapapalagay kung iwan sila na hindi pa nagkaayos dahil labag sa utos ni Bathala kung sila–sila rin ang nagbabangayan kaya laging ipinagdidiinan niya ang pagmamahalan sa isa’t isa upang magiging mariwasa ang kanilang pamumuhay.  Naging katuwiran niya na dapat hindi nagtatanim ng galit ang sinuman laban sa kanyang kapwa pagkat sinisira lamang niya ang pagkakaisa ng mga katutubong Malauegs na hindi pa nagkaroon ng kaunting lamat kahit sa panahon ng kanilang mga ninuno at unti–unting pinapatay nito ang sarili sanhi ng matinding galimlim kaya hirap maramdaman ng puso ang kapayapaan.  Kaya may dahilan kung bakit sa isang dulang inilalatag ang kanilang mga pagkain para mararamdaman nila ang pagkakaisa upang lalong humigpit ang tanikala na bumibigkis sa kanila pagkat mahalaga ang pagdadamayan dahil sila ang moog ng tribung Malauegs na hindi dapat matitibag sa tuwing dumarating ang pagsubok sa kanilang buhay basta huwag lamang bumitaw sa pananalig nila kay Bathala.

.

            “O . . . sige!  Basta . . . ayusin ninyo ‘yan!  Ha?!  Magkapatid pa mandin . . . ang turingan ninyo sa isa’t isa!  Pagkatapos . . . masisira lamang ‘yan!  Nang dahil . . . sa walang kuwentang biruan!  Hmmm!!!”  Pagkatapos, tumayo na si Lakay Awallan sa tulong ng kanyang tungkod upang ipahinga ang kanyang katawan na hindi naidlip kaninang hapon kaya tiyak na paglapat pa lamang ng kanyang likod sa papag ay maghihilik na siya kaya dali–daling lumapit si Alba para alalayan siya na hindi naman tumanggi nang ihatid hanggang sa silid ngunit nag–iwan ng makahulugang tingin.  Nang makita ni Bag–aw ang paglapit ni Alba kay Lakay Awallan ay nagpaubaya na lamang siya imbes na nakipag–unahan para magpahinga na rin sana dahil hindi pa yata siya inaantok kaya kusang nagpaiwan ngunit minabuti niya ang pumasok sa tangkil nang maramdaman ang lamig ng hating–gabi habang hinihintay ang kanyang mistad na pinigilan pa yata ng apong niya.  Napangiti si Bag–aw nang maisip na mainam nang nalaman ni Lakay Awallan ang naging problema nila ni Alba pagkat tunay na mabigat sa damdamin kung may itinatagong lihim hanggang sa natawa siya habang binabalikan sa alaala ang ginagawang pagkukunwari niya maski dilat ang mga matang ayaw pa antukin para iwasan lamang ang mistad niya.  Seguro, puwede nang sumabay sa kanya sa pangangaso si Alba ngayong nalabot na sa mga dibdib nila ang tinik para muling sumigla ang kanilang mundo na minsan din nangulila sa kanilang mga halakhak nang pansamantalang napigtas ang karugtong ng kuwento ng mga karanasan na binanghay ng kanilang musmos na kaalaman kaya taglay hanggang sa kanilang paglaki.  Tunay na hindi nila ramdam ang kapaguran sa maghapong pangangaso kaya nagagawa pa nila ang magkuwentuhan habang nagpapaantok sa tangkil pagkat saglit mang hindi sila nagkikita ay kaagad hinahanap ang isa’t isa upang tiyakin na ligtas sila habang ginagalugad ang mapanganib na kagubatan hanggang sa nalimutan na nila ang umuwi sa komunidad kung hindi pa nagpaalaala ang takip–silim.l  Nang magtaka si Bag–aw pagkat hindi pa rin bumabalik sa tangkil si Alba ngunit naririnig niya ang malakas na usapan nila ni Lakay Awallan hanggang sa biglang napangiti siya nang magpaalaala ang naging reaksiyon kanina ng matanda dahil lihis pala sa pag–aakala niya ang kahulugan ng binyag na tinutukoy ng kanyang mistad hanggang sa tumaas ang boses niya.  Pailing–iling na lamang siya pagkat hindi puwedeng itanggi ni Lakay Awallan na sa kanyang edad na dalawampu’t tatlong taon ay hindi na siya bata pa kaya nagtataka siya kung bakit patuloy na pinanghahawakan niya ang katuwiran na posibleng ikasasama lamang niya dahil naniniwala ang mga katutubong Malauegs na nanggagaling sa bulong ni Bathala ang bawat salitang iniuusal niya.  Tuloy, hindi niya napigilan ang mapatawa pagkat bata pa pala siya sa lagay na ‘yon samantalang lahat nang mga kaedad niya ay nagbibilang na ng mga anak dahil taun–taon din naman ang pagbubuntis ng mga asawa nila kaya puwede na rin siya mag–asawa sa gulang na dalawampu’t tsatlong taon ngunit naunawaan din naman niya ang damdamin ni Lakay Awallan.  Totoong mahirap iwaksi ang mahigit sa dalawampung taon na magkasama sila sa isang kubol ngunit maaaring may plano na rin si Bag–aw para hindi sila tuluyang magkalayo kapag nagkaroon na siya ng sariling pamilya dahil lagi namang may puwang sa kanyang mga pangarap ang matanda pagkat hindi puwedeng itatwa ang katotohanan na hindi niya mararating ang kasalukuyang panahon kung walang Punong Sugo ang nag–aruga  sa kanya lalo’t ulilang lubos siya.

            “Pangako . . . Apong!  Hindi na po mauulit ‘yon . . .  opo!”  Muling nangako si Alba para mapanatag lamang ang kalooban ni Lakay Awallan habang inihahanda ang sarili upang magiging mahimbing ang tulog niya sa magdamag kaya hindi lumabas agad ang mistad ni Bag–aw pagkat kailangan maipamalas ang taus–pusong pag–ako ng kanyang pagkakamali na muntik nang gumising sa buong komunidad dahil sa lakas ng boses niya.  Kunsabagay, sa madaling–araw pa naman muling magdarasal si Lakay Awallan kaya sikapin na lamang niya na magiging mahimbing sa magdamag ang tulog niya para mabawi ang kanyang puyat dahil ito ang kailangan sa maselang katawan sanhi ng katandaan ngunit hindi pa siya iniwan ni Alba habang hinihintay ang pagpikit ng kanyang mga mata na kanina pa ginagahis ng antok.  Sanhi ng kalikutan ng mga mata ni Alba ay natuklasan niya na maski pala sa pagtulog ay katabi pa rin ni Lakay Awallan ang tungkod na mas matanda pa sa kanyang amang Luyong dahil ito ang nagsisilbing gabay sa tuwing bumabangon siya sa madaling–araw hanggang sa naalaala niya ang planong susunggaban ito kapag nagalit sa kanya ang matanda ngunit hindi nangyari nang tumakbo palabas sa tangkil ang kanyang mga paa.  Talagang tiniyak muna ni Alba na mahimbing nang natutulog si Lakay Awallan sa halip na magmamadaling lumabas sa silid para hindi niya maririnig ang usapan nila ni Bag–aw dahil malinaw naman ang pruweba na imposibleng magkakaroon ng asawa si Bag–aw kung patuloy nilang paniniwalaan ang katuwiran niya hanggang sa tumandang binata ang kanyang mistad.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *