“Sa tawid ng ilog lang . . . mistad! Hindi kalayuan . . . mula rito! Walang duda matutuwa . . . si Annayatan! Kapag . . . nakilala ka niya! Oo! Tiyak ‘yon!” Mahirap mang paniwalaan ngunit talaga yatang pinagsikapang gawin ni Alba ang arira pagkat alam na niya maging ang tinitirhan ni Annayatan gayong imposibleng gawin ito kahit gaano pa ang pagnanais ng sinumang binatang Malauegs lalo’t sa ilog lamang sila nagkakilala kaya naroroon ang matinding pangangamba na maaaring masamain lamang ang kanyang mabuting layunin. Lalong hindi katanggap–tanggap na nagkaroon pa siya ng pagkakataon upang ihatid si Annayatan hanggang sa tinitirhan nito para magiging madali na lamang sa kanya ang bumalik doon kasama si Bag–aw pagkat tiyak na hindi magpapaiwan sa ilog ang kanyang mga anak at imposibleng isinama niya ang mga bata dahil siya na rin ang may sabi na sumbongero ang kanyang panganay. Aywan basta hindi puwedeng iwan sa ilog ang mga bata pagkat walang puwedeng tumulong kung may nangyaring masama sa kanila dahil sila–sila lamang ang naroroon kaya palaisipan kung anong diskarte ang kanyang ginamit para mangalap ng mga impormasyon na may kaugnayan sa buhay–buhay ni Annayatan upang mapunan lamang ang malaking atraso niya kay Bag–aw. Sadyang ginawa ito ni Alba upang tuluyan nang mapawi ang pagtatampo ni Bag–aw na naging problema naman niya nang tumagal ito nang isang linggo kaya hindi na sila sabay sa pangangaso mula noon ngunit naging epektibo naman ang kanyang naisip na paraan pagkat nagkabati rin sila sa harap pa mismo ni Lakay Awallan samantalang pilit pa mandin inililihim nila ito sa kanya dahil sa takot. Katunayan, pagkatapos ang pananghalian kanina ay palihim na bumalik sa ilog si Alba upang tuntunin ang tinitirhan ng dalagang nakilala niya hanggang sa nabanggit ng kanyang napagtanungan na malapit na mula sa kanyang huling tinigilan ang hinahanap niya kaya naipagpalagay niya na si Annayatan ang babaeng natatanaw niya habang nagsasampay ng labada dahil siya lang naman ang naglaba kanina. Nang mapasulyap siya sa tangkil sanhi ng hagahas na umagaw sa kanyang pagsasalita pagkat sumagi sa kanya si Lakay Awallan na maaaring gising na para sa madaling–araw na panalangin kaya kinabahan siya hanggang sa napalingon na rin siya sa kusina upang alamin kung nagdatingan na ang mga nakatalaga ngunit tahimik pa roon dahil talagang sumisigid sa kalamnan ang lamig ng ulop. Napatingin din si Bag–aw sa kanilang kubol ngunit sasak lang yata ang kanilang narinig dahil madilim pa sa silid ni Lakay Awallan upang isipin nilang gising na siya maski magdamag na maliwanag ang gasera sa tangkil kaya dahan–dahang lumakad pabalik ang kanyang mga paa para patayin ang ilaw pagkat seguradong ito naman ang pansinin ng matanda. Kunsabagay, hating–gabi na nang matulog si Lakay Awallan kaya hindi kataka–taka kung napasarap din ang tulog nito na ikinatuwa naman ni Alba dahil may panahon pa upang mapahinuhod niya si Bag–aw lalo’t nagpamalas na siya ng kaunting interes pagkat maaaring tinatanong din ang kanyang sarili kung bakit naging bawal sa kanya ang pag–aasawa samantalang nasa hustong gulang na siya. Samantalang umaasa naman si Alba na sana matutuloy ang balak niya mamayang umaga para makilala nina Bag–aw at Annayatan ang isa’t isa habang malaya pa ang kanilang mga puso dahil kailangan samantalahin ang pagkakataon lalo’t nahaharap sa matinding problema ang tribung Malauegs kaugnay sa mga ordinansa ng pamahalaang Kastila kaya hindi nila piho ang magiging kinabukasan ng kanilang buhay. Kabilang pa mandin si Bag–aw sa mga mandirigmang Malauegs na posibleng sumapi sa grupo ni Kumander Tallang kung hindi na maiwasan ang lumulubhang sitwasyon para may katuwang sila sa pagtatanggol ng bagong komunidad maski matulad pa sa sinapit ni amang Alawihaw ang kanyang kapalaran dahil ito ang tungkulin na hindi puwedenhg talikuran niya. Baka hanggang sa labas ng paraiso nang walang sukdulang kapayapaan ang marating lamang niya dahil naniniwala ang mga katutubong Malauegs na hindi pinapasok sa loob ang mga bulandal at soltera pagkat hindi nila nasunod ang utos ni Bathala na magparami ng lahi habang nabubuhay pa sila sa mundo kaya walang pag–asa upang makapiling ang kanyang mga magulang. “Gusto mo . . . mistad?! Dadalawin natin siya . . . bukas nang gabi! Para . . . makilala mo siya! Ano?!” Marahil, pinag–iisipan din ni Bag–aw ang magiging epekto sa buhay niya ang mungkahi ni Alba imbes na tahasang tanggihan ito pagkat talagang hindi pa niya nasubukan ang manligaw dahil ipinagbawal sa kanya ang lumabas ng kubol nang gabi maski makipagkuwentuhan ang sadya lamang niya kaya nabuhos sa pangangaso ang kanyang sarili para huwag lamang malabag ang bilin ni Lakay Awallan. Sapagkat laging pagod mula sa maghapong pangangaso ang kanyang katawan ay maaga rin ang tulog niya sa gabi maliban na lamang kung napapasarap ang kuwentuhan nilang mag–apong habang nagpapaantok sa tangkil ngunit bihira lamang mangyari ito lalo na noong nagtatampo siya kay Alba para iwasan lamang ang kanyang mistad dahil hindi ito alam ni Lakay Awallan.
ITUTULOY
No responses yet