IKA – 218 LABAS

Maya–maya, natigil ang kanyang paglalakad nang magpahabol na naman ng biro si Lakay Awallan kaya huminto rin Bag–aw ngunit hindi lumingon pagkat gusto na rin yatang marating nito ang ilog kung maabutan pa nila si Annayatan dahil walang naririnig na halakhakan mula sa kanyang tinigilan upang isipin na kasalukuyang naglalaba ang mga kadalagahan.

            “Galingan mo . . . ang pamamansing ninyo! Ha?!  Bag–aw?!  Para masarap ang ulam natin . . .  mamayang tanghali!  Ha?!”  Basta tumango lamang si Bag–aw imbes na seryosohin ang kantiyaw ni Lakay Awallan pagkat nagsisimula nang manghaharaya sa kagandahan ni Annayatan ang kanyang isip kahit mamaya pa lamang sila magkikita ngunit nais nang tiyakin ng sarili niya na siya at ang dalagang napanaginipan niya kanina ay iisa lamang para matahimik na ang kanyang nababalisang kalooban.  Ngayon masusubukan ang kanyang kakayahan na naging masigasig sa panghihibo kaya hindi siya pinatulog kahit saglit man lamang para nakapagpahinga rin sana ang utak niya na dumaranas ng kapagalan sanhi ng magdamag na puyat upang hindi nila masasabi na hanggang sa paghawak ng busog at tunod lamang ang kanyang pagiging perito habang nangangaso.  Katunayan, kanina pa nagtatanong ang kanyang sarili lalo’t mamaya na rin magaganap ang pagkikita nila ni Annayatan kaya walang sapat na paghahanda upang may ideya na sana siya kung paano ba ang makipag–usap sa dalaga ang katulad niya na wala pang karanasan sa ganitong paghaharap ngunit pumiksi lamang siya sa halip na abalahin sa ganitong problema ang isip niya.  Hanggang sa naisaloob na lamang ni Bag–aw na kung nagawa ng iba ang manligaw ay walang dahilan upang hindi niya magagawa ito matapos maalaala ang bilin sa kanya ni Alba na mas nakatatakot ang mga mababangis na hayop sa kagubatan pagkat agresibo ang mga ito samantalang may urbanidad ang mga katutubong Malauegs maski sa kasuluk–sulukan pa ng mundo matatagpuan ang kanilang komnunidad.  Tuloy, hindi niya naiwasang sisihin si Lakay Awallan dahil sa kanyang biro na mistulang nahawaan na rin kay Sahing samantalang malinaw naman na maliligo lamang sa ilog ang totoong pakay nila ni Alba hanggang sa napakindat pa siya matapos amining natuto na rin magsinungaling ang sarili niya para matuloy lamang ang kanilang lakad kaya napatilhak siya.  Sana, hinintay siya ni Alba dahil mahalagang maituro sa kanya ang dapat gawin kapag magkaharap na sila ni Annayatan upang hindi siya mangangapa mamaya kung paano simulan ang pakipag–usap niya sa dalaga ngunit malayo ang tinigilan ng kanyang mistad habang sinusuyod ng mga mata nito ang ilog para tiyaking naroroon pa ang kanilang pakay.  Samantala, magpasensiya muna si Lakay Awallan kung naghinala man siya pagkat masyadong maaga pa upang malaman niya ang tungkol kay Annayatan dahil mamaya pa lamang magaganap ang pagtatagpo kaya hintayin na lamang niya kung kailan kailanganin nila ang kanyang babas para sa pamanhikan kung humantong sa ganitong kasunduan ang dalawang puso.  Napilitang humabol si Bag–aw dahil sa bilis lumakad ni Alba ngunit huminto rin naman siya upang hintayin ang kanyang pagsunod pagkat seguradong ikakatuwa nilang dalawa ang kanyang natuklasan ngayong tiyak na ang katuparan ng kanilang misyon matapos ang ginawang pagmamatyag niya kaya pala sinadya niya ang mauna para tiyaking taglay nila sa pag–uwi mamaya ang tagumpay.  Naririnig na ang ingay ng mga naliligo lalo na ang mga kabataang Malauegs kahit may kalayuan pa sila mula sa ilog ngunit naging kapuna–punan kay Alba ang kilos ni Bag–aw nang biglang lumikot ang kanyang mga mata na wari bang naghahanap ng masusulingan kaya dali–daling tinapik niya ang kanyang balikat upang pawiin ang pangamba dahil talagang hindi rin maialis sa kanya ang ganitong damdamin.  Kung gaano kasigla kanina si Bag–aw ay mistulang nalunod naman siya sa malamig na tubig dahil iglap bumagal ang kanyang paglalakad hanggang sa tuluyan nang huminto habang tinatanaw niya ang masayang tanawin sa ilog ngunit kaagad sinaklit ni Alba ang kanyang baywang pagkat hindi puwedeng magbago ang kanyang desisyon ngayong ilang hakbang na lamang ang layo nila mula sa pasigan.  Handa nang kaladkarin ni Alba si Bag–aw sakaling maisipan niya ang umatras lalo’t kabilang si Annayatan sa mga kadalagahan na abala sa paglalaba kaya wala nang dahilan upang magbago pa ang desisyon niya maski magpambuno pa silang dalawa hanggang sa dahan–dahang sinabayan niya ang paglalakad ng kanyang mistad papunta sa ilog matapos huminga nang malalim.

            Tunay na masigla ang tanawin sa ilog ngayong araw dahil nagkatipun–tipon ang mga kadalagahang Malauegs na masayang naglalaba kaya walang tigil din ang kanilang hagikhikan sanhi ng mga kuwento na sila lamang ang nakaaalam habang sumabay naman ang mga kalalakihang Malauegs upang magsagawa ng pandaw sa kanilang mga salakab na ilang linggo nang inilatag sa mga lungib para samantalahin ang araw ng pahinga nila sa pangangaso at ang mga kabataang Malauegs gayong halos araw–arawin na nila ang paligo.  Hindi man lamang nangaligkig sa malamig na tubig ang mga kabataang Malauegs gayong kanina pa sila nagtatampisaw maski namumula na ang kanilang mga mata ngunit hindi kabilang ang mga anak ni Alba pagkat naligo na sila kahapon at hindi sila mababantayan ng kanilang amang habang abala naman sa kusina ang kanilang inang kaya payapa ang kanilang kubol.  Pamamansing sa malalim na bahagi ng ilog ang pinagkaaabalahan naman ng mga walang salakab pagkat doon madalas nararamdaman ang kulisaw ng mga isda kaya madali na lamang sa kanila ang pamimingwit ngunit hindi ito ang sadya nina Bag–aw at Alba sa ilog kaya huwag umasa si Lakay Awallan na sariwang isda ang ulam nila mamayang tanghali.  Sana, mag–uuwi ng maraming huli  ang mga nangingisda lalo na ang mga may salakab pagkat madalas nangungubli sa mga lungib ang mga isda sa tuwing sumasapit ang gabi kaya tiyak inihaw na isda at tinolang isda sa tanglad ang ulam mamayang tanghali ng mga katutubong Malauegs ngunit mas malinamnam pa rin ang lasa ng tagumpay basta huwag lamang pumalya. Naipagpalagay naman nina Bag–aw at Alba na posibleng naging kaaliw–aliw ang kuwento ng mga kadalagahang Malauegs pagkat hindi mapatid–patid ang kanilang hagikhikan kaya napapangiti na rin silang dalawa habang tinutungo  ang ilog sa mabagal na paglalakad dahil hindi dapat tumawag ng pansin ang kanilang pagdating upang hindi magambala ang huntahan nila.  Sapagkat napapadalas ang kindat ni Alba ay hindi rin napigilan ni Bag–aw ang tumawa dahil mistulang may parte sa kanyang katawan ang nakikiliti ngunit lalo lamang nagaganyak ang kanyang sarili kaya bumibilis na rin ang kanyang mga hakbang sa kagustuhang makaharap na ang dalagang nagdulot ng ligalig sa kanyang puso maski hindi pa sila nagkakilala.  Muling huminto si Alba upang tiyakin na kasama si Annayatan sa kumpol ng mga kadalagahang Malauegs dahil mabuti na ang segurado para pawiin ang kanyang pagdududa maski natanaw na niya sa unang tingin kanina ang dalaga pagkat nakataya sa misyong ito ang magiging kapalaran ni Bag–aw sa pag–ibig kaya paulit–ulit na tinatanaw niya ang grupo nila.  Gumaan ang kanyang pakiramdam matapos makumpirma na hindi pa pala huli ang kanilang pagdating dahil kasalukuyan pa lamang naglalaba ang mga kadalagahang Malauegs kaya lumapit siya kay Bag–aw upang payuhang ihanda ang sarili niya para hindi kabahan maski napapaligiran ng mga kaibigan si Annayatan pagkat malapit nang magaganap ang minimithing paghaharap nila.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *