IKA – 219 LABAS

Palibhasa, marami ang sumabay ngayon sa paglalaba kay Annayatan ay hindi siya madaling malasin dahil pumuwesto pala siya sa gitna ng grupo ngunit naniningkad naman ang kanyang kasuutan kaya hindi siya nakaalpas sa mga mata ni Alba na matalas pa sa matang–lawin maski hindi nasinagan nito ang pagiging selosa ng kanyang asawa pagkat naging bulag ang kanyang puso.  Kulay balat ng hayop ang sarong ni Annayatan ngunit naging madali lamang kay Alba ang mahanap siya maski hindi ito ang kanyang suot kahapon dahil naging basehan naman nito ang kanyang kay kutis na bihira sa mga kadalagahang Malauegs sanhi upang lalong naging kaakit–akit ang kanyang kagandahan kaya walang duda na mabibighani agad ang puso ni Bag–aw.  Nang bigla na naman yatang tumighoy ang pananabik ni Bag–aw ngayong natatanaw na niya si Annayatan samantalang ilang hakbang na lamang ay magaganap na ang kanilang unang pagtatagpo ngunit hindi ito pinansin ni Alba pagkat hindi na rin puwedeng umatras ang kanyang mistad maliban sa harapin ang unang laban sa buhay nito kahit walang busog at tunod.

            “Halika . . . mistad!  Hayun . . . si Annayatan!  Mistad!  Hayun . . . ‘yong kulay balat ang damit!  Oo . . . siya ‘yon!  Mistad!  Aba!  Marami pala ang sumabay sa kanya . . . ngayon!”  Pagkatapos, kumindat si Alba kaya lalong tumindi ang pananabik ni Bag–aw maski hindi pa tuluyang naparam ang pagpaparamdam ng ulik–ulik sa damdamin niya ngunit sinisikap namang pasiglahin ang saril niya sa pamamagitan ng paggigili sa kanyang mga palad dahil mistulang hinaplit siya ng malamig na hangin samantalang maalinsangan ang panahon maslki wala sa isip niya ang umatras pagkat hawak nang mahigpit nito ang kanyang braso.  Habang tiwala na itinuturo naman ni Alba ang walang kamalay–malay na si Annayatan upang patunayan kay Bag–aw na seguradong magkakaroon ng katuparan ang kanilang plano ngunit walang nasabi ang binata kundi ang tumango at tanawin ang dalaga na abala sa paglalaba maski hindi pa malinaw sa paningin niya para kumpirmahin ang kanyang hinala tungkol sa panaginip.  Hanggang sa napangiti nang wala sa loob si Bag–aw habang tinatanaw si Annayatan upang tiyakin na hindi nagkamali si Alba sa paglalarawan kaugnay sa kagandahan nito kahit kahapon lamang sila nagkakilala saka nagpasunod ng marahang tango ngunit hindi mapiho kung pagsang–ayon ang kahulugan nito pagkat lumingon siya na waring kumukuha ng tiyempo.  Aywan kung napansin ito ni si Alba pagkat mistulang siya pa ang sabik para muling makausap si Annayatan kaya yaong bitaw niya sa braso ni Bag–aw ay bumilis ang kanyang lakad hanggang sa naiwan nang hindi namalayan ang kanyang mistad ngunit hindi ito sinamantala ng binata sa halip dahan–dahang humakbang ang mga paa nito upang sundan siya.  Subalit dahan–dahan man ang paglalakad ni Bag–aw ay inabutan pa rin niya si Alba pagkat kusang huminto nang mapansin na wala siya sa likuran nito at muling itinuro ang grupo  ng mga kadalagahan kaya halos malinaw na sa kanyang tingin si Annayatan mula sa kanilang tinigilan ngunit hindi niya masabi kung maganda dahil nakayuko ang dalaga habang naglalaba.  Aywan kung bakit muling napatango si Bag–aw basta matapos igumok sandali ang kanyang leeg ay naging kapansin–pansin ang kanyang liksi kaya hindi na kailangan hatakin pa ni Alba ang kamay niya dahil tila nanghahalina sa kanya ang saluysoy ng tubig upang lumusong na siya lalo na nang mabaling ang kanyang mga mata sa mga paslit na tuwang–tuwa habang nagtatampisaw.  Kunsabagay, ngayon pa ba uurong ang nagising nang buntot ni Bag–aw matapos ang matagal na pananahimik nito sa loob kanyang bahag pagkat binalewala lamang niya ang mahalagang tungkulin nito dahil subsob sa pangangaso ang sarili hanggang ngayong dalawampu’t tatlong taon gulang na siya samantalang may hangganan naman ang pagsasama nila ni Lakay Awallan kaya tiyak na magiging malungkot ang kanyang buhay kapag nag–iisa na lamang siya.  Huh?!  Marahil, napagtanto rin ni Bag–aw na kailangan samantalahin niya ang pagkakataon dahil walang kaseguruhan na mauulit pa ito sa darating na mga araw pagkat normal lamang sakaling humantong sa kabiguan ang kanyang kapalaran ngunit hindi ito magiging dahilan upang umayaw siya kung puwede namang makipagsapalaran uli ngayong nasubukan na niya.  Mahalagang maiba naman ang kuwento sakaling matutuloy ang pagtatagpo nina Bag–aw at Annayatan para may binabakas ang kanyang alaala habang namamahinga sa tangkil mamayang paghimlay ng araw ngunit maging maingat lamang siya pagkat hindi pa panahon upang malaman ni Lakay Awallan ang kanyang gagawing pakipagsapalaran sa larangan ng pag–ibig hanggang wala pang katiyakan ang lahat.  Madali na lamang balangkasin ang susunod na hakbang kapag nagkakilala na sina Bag–aw at Annayatan hanggang sa pumayag ang dalaga upang dalawin niya sa gabi maski hindi na banggitin ang sadya pagkat tiyak batid na rin nito dahil hindi nagtatapos sa pagtatagpo kung parehong ninanais ng dalawang puso ang makapiling habambuhay ang isa’t isa kaya kailangan may ginagawang aksiyon.  Hanggang sa narating ng dalawa ang ilog ngunit malayo sa mga kadalagahang Malauegs ang kanilang puwesto para hindi nila magagambala ang kanilang masayang kuwentuhan kaya sinadya nila ang lumusong sa pinapaliguan ng mga paslit upang makiramdam muna kung natandaan pa ba ni Annayatan si Alba kapag napatingin siya sa kinaroroonan nila dahil kahapon lamang sila nagkakilala.  Mabuti na  rin ang  maneguro sila  dahil tiyak na ikagagalit lamang ng mga kadalagahang Malauegs ang kanilang kapangahasan sanhi ng biglang paglapit nila kaya tama lamang ang umiwas muna sila para magiging maayos ang paligo nila lalo na si Bag–aw upang mahilod nang maigi ang kasingit–singitang bahagi ng kanyang katawan kung totoong lingguhan lamang ang paligo siya.  Saka na lamang lumapit si Alba kung tapos na sa paglalaba ang mga kadalagahan dahil siya ang kilala ni Annayatan kaya hingin muna niya ang pahintulot ng dalaga upang ipakilala naman niya si Bag–aw at kung kinailangan ipakilala rin ang sarili niya pagkat walang kaseguruhan ang minsang pagkikita nila para ipagpalagay  na natatandaan pa rin siya nito.

            Sapagkat sinasabayan pa ng kuwentuhan ang kaabalahan sa paglalaba ay talagang hindi napansin ng mga kadalagahang Malauegs ang pagdating nina Alba at Bag–aw na panay naman ang siglaw sa kanila habang dahan–dahan ang lusong nila sa tubig lalo na ang binata pagkat namangha siya sa namamalas na tanawin kaya naglakbay pa ang kanyang paningin hanggang natanaw niya ang mga kalalakihang Malauegs habang abala rin sa pagpapandaw.  Palibhasa, laging madaling–araw kung maligo si Bag–aw kaya tahimik ang ilog ngunit ito naman ang gusto niya upang hindi malalaman ng kahit sino na isinasabay rin niya ang paglalaba sa bahag lalo na kung sinisimulan na niya ang maglunoy sa tubig nang kalot para masubhan ang init sa kanyang buong katawan pagkat nagiging sapat na ang haplot sa kanyang mukha bago mangangaso.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *