Muling dumako sa grupo ng mga kadalagahan ang mga mata ni Bag–aw upang tiyakin kung may katotohanan ang mga sinasabi ni Alba tungkol kay Annayatan ngunit naging matiyaga sa paghihintay ng pagkakaton ang binata pagkat hindi malinaw sa tingin niya ang hitsura ng dalaga habang naglalaba at waring ayaw rin ilantad sa kanya ang kagandahan nito. Hanggang sa napatingin ang mga kadalagahan sa kinaroroonan nina Bag–aw at Alba nang maghihiyawan ang mga paslit kaya nalantad sa paningin ng binata ang tunay na anyo ni Annayatan ngunit hindi segurado kung napansin din nito ang dalawa pagkat sandali lamang ang pangyayari kaya napangiti na lamang sila matapos malaman na totoo pala ang lahat nang impormasyon. Diyata, malaking kawalan pala kay Bag–aw kung nagkataon na hindi siya napahinuhod ni Alba pagkat totoo palang maganda si Annayatan kaya napapadalas ang sulyap niya dahil waring nabighani ang kanyang puso sa unang tingin pa lamang ngunit nagmistulang mabangis na hayop naman na handa nang manibasib ang kanyang damdamin kung hindi niya napigilan ito. Hanggang sa natanong niya ang sarili kung ang kagandahang panlabas ba ay salamin din ng busilak na kalooban ngunit walang kumislap na tugon sa isip niya kaya ipinaubaya na lamang sa kanyang mga mata ang pagkilatis sa kagandahan ni Annayatan sa pagbabakasakali na may maitutulong ito upang hindi siya magkamali pagkat madaling linlangin ang puso na bulag sa katotohanan. Katunayan, ang pagiging ulilang lubos ni Bag–aw ang totoong dahilan kung bakit hindi siya nagmamadali sa pag–aasawa dahil hindi naging mabuting halimbawa sa kanya ang naging buhay may asawa ni Alba pagkat wala na ang kanyang mga magulang na puwedeng pagsabihan ng mga hinaing niya ay makatuwiran lamang kung naging maingat man siya. Maya–maya, dahan–dahang inilunoy ang kanyang katawan dahil talagang malamig ang tubig maski mainit na ang araw ngunit kailangang tiisin upang hindi siya makantiyawan ng mga paslit na halos katabi lamang niya pagkat hindi rin siya pumunta sa malalim para madali na lamang ang umahon kapag sumenyas na si Alba para lapitan nila si Annayatan. Subalit iglap nauntol ang kanyang pagdili–dili nang malaman na mga paslit ang kasama na lamang pala niya nang pasimpleng umahon si Alba habang sumisisid siya kaya hindi niya napansin ito ngunit pumiksi lamang siya upang hintayin na lamang ang susunod na pangyayari imbes na sundan ang kanyang mistad ngayong sinimulan na nito ang unang hakbang sa kanilang misyon. Ginamit ni Alba ang kanyang karanasan nang hindi na niya mahintay ang pagkakataon kaya nagawa niya ang humiwalay kay Bag–aw nang walang paalam ngunit nag–iwan naman siya ng kindat nang mapatingin sa kanya ang binata para tiyempuhan ang paglapit niya sa mga kadalagahang Malauegs dahil hindi pa rin nila napansin ang kanilang pagdating. Naghanap na lamang ng mapuwestuhan si Bag–aw upang lumayo sa mga paslit dahil hindi na naulit ang paglunoy niya sa tubig nang mangaligkig ang katawan niya ngunit ramdam pa rin niya ang ginaw pagkat nagdulot ng matinding epekto sa kanyang katawan ang lamig kaya umupo muna siya sa malapad na bato habang hinihintay ang senyas ni Alba sabay ang pamaya–mayang paghahaplot sa kanyang mukha. Kunsabagay, ito ang napagkasunduan kanina ng dalawa para muling ipakikilala ni Alba ang kanyang sarili nang hindi mabibigla si Annayatan dahil maaaring nawaglit na rin sa isip nito ang tungkol sa kanilang napag–usapan kahapon lalo’t hindi mapatid–patid ang kuwentuhan ng mga kadalagahan kaya kailangan ang agresibong panimula sa pagsasakatuparan sa mahalagang misyon.
“Magandang umaga . . . sa inyong lahat! Komusta . . . ang mga naggagandahang bulaklak ng Malauegs?!” Sa lakas ng boses ni Alba ay narinig pa ni Bag–aw ang kanyang pagbati sa mga kadalagahang Malauegs ngunit nakapagtataka dahil wala man lamang sa kanila ang pumansin sa kanyang paglapit kaya nanlumo ang binata nang maipagpalagay na posibleng tataglayin nila ang kabiguan sa pag–uwi mamaya pagkat sa unang tangka pa lamang ay mistulang mga multo ang dinatnan ng kanyang mistad kaya kisap–matang nagkaroon ng lambong ang paghanga niya kay Annayatan. Lalo na si Annayatan na kanina pa minamatyagan niya upang tiyakin ang kanyang tunay na pag–uugali kahit totoong siya ang pinakamaganda sa lahat nang mga kadalagahang Malauegs ngunit tama yata ang naging palagay niya na hindi repleksiyon ng mabuting asal ang kagandahan ng mukha dahil matingkad pa sa liwanag ng araw ang katotohanang namalas niya. Bagaman, ipinagbabawal sa mga kadalagahang Malauegs ang makipagpalagayang–loob sa sinumang hindi nila lubos na kilala ngunit kumunot pa rin ang kanyang noo dahil hindi ito katanggap–tanggap na katuwiran kung simpleng pagbati lamang ang layunin pagkat lalong hindi kanais–nais kung hindi sila magpansinan samantalang iisang tribu lamang sila. Kung tumingin man lang sana sila kay Alba maski pasapyaw upang masabing narinig nila ang kanyang pagbati ay hindi naman seguro maituturing na pagsuway ito para matakot sila sa ipinagbabawal ng kanilang tribu ngunit umiling na lamang si Bag–aw ngayong natuklasan niya ang tunay na pag–uugali ng mga kadalagahang Malauegs dahil lalong hindi pala totoo na nababanlawan ng madalas na paligo ang masamang ugali. Yumuko na lamang si Bag–aw para magkunwari na hindi niya nasaksihan ang tagpo pagkat siya ang nahihiya lalo’t sumulyap pa mandin sa kanya si Alba hanggang sa muling inilunoy sa tubig ang kanyang katawan dahil mas gugustuhin na lamang niya ang pangangaso kahit tumandang binata pa siya imbes na umasa sa magandang kahinatnan sa kanilang misyon kung ganito rin lamang ang kanyang mapangasawa. Aywan kung talagang mapanindigan ni Bag–aw ang kanyang pahayag pagkat panay naman ang siglaw niya kay Annayatan ngunit hindi masyadong lantad mula sa kanyang puwesto ang dalaga kaya minabuti niya ang lumipat para walang hadlang sa kanyang paningin upang patunayan ang hinala niya na ang misteryosong dilag na nagparamdam sa kanyang panaginip ay siya rin ang naririto ngayon sa ilog. Subalit mahirap din palang malasin si Annayatan sa biglang tingin dahil halos magkapareho lamang ang kulay ng mga kadalagahang Malauegs mula sa kanilang mukha hanggang sa talampakan ngunit hindi na naging katanungan pa ni Bag–aw ang tungkol dito pagkat lumaki silang lahat sa kabundukan ng Sierra Madre habang tampak sa init ng araw ang mga katawan. Pero halatang alaga sa gugo ang kanilang mga kulot na buhok dahil nangingintab ang mga hibla sa tuwing nasisinagan ng araw maski kulay–uling ang kanilang mga balat ngunit hindi dapat gawing batayan ang hitsura upang isipin na ganoon din ang kanilang mga ugali pagkat mali kung maging pangkalahatan ang paghuhusga kahit totoong may mangilan–ngilan ang kagaya ni Sahing. Kung totoo ang mga kuwentong nasagap ni Bag–aw ay tiyak na mababango ang mga kadalagahang Malauegs pagkat araw–araw pala ang paligo nila na taliwas naman sa mga kalalakihang Malauegs dahil pangangaso ang kanilang laging inaatupag kaya hindi kataka–taka kung lingguhan lamang ang lusong nila sa ilog ngunit hindi na yata ito importante sa mag–asawa basta may kayakap sila kapag malamig ang gabi kung paniwalaan niya si Alba. Sapagkat desidido nang tuparin ni Alba ang kanyang misyon ngayong araw ay hindi siya sumuko hanggang hindi nakilala ni Annayatan si Bag–aw maski hindi pa rin siya pinapansin nito dahil hindi pa niya naranasan ang mabigo kahit kailan kaya naging matiyaga siya sa paghihintay ng pagkakataon pagkat sadyang mahilig lamang magpahili ang mga kadalagahan.
ITUTULOY
No responses yet