IKA – 221 LABAS

Humantong sa puwesto ni Annayatan ang dahan–dahang lapit ni Alba kaya noon pa lamang napatingin sa kanya ang mga kaibigan ng dalaga ngunit binalewala lamang niya ang kanilang bulungan dahil hindi naman sila ang kanyang sadya para pansinin sila maski masamain pa nila ang kanyang ginagawa ngayong nagtagumpay na ang unang hakbang ng kanyang misyon.  “Komusta ka . . .  Annayatan?!”  Kanina pa pala nagmamatyag ang mga mata ni Bag–aw upang alamin ang magiging reaksiyon naman ni Annayatan bago tuluyang madismaya ang kanyang kalooban kaya hindi siya kumurap kahit saglit para masaksihan niya kung paano pakiharapan ng dalaga si Alba pagkat wala nang dahilan kung hindi pa rin pansinin nito ang paglapit ng mistad niya dahil maliwanag naman ang paligid.  Sa halip na tumugon si Annayatan ay matamis na ngiti lamang ang namumutawi sa kanyang maninipis at namumulang mga labi habang ipinagpapatuloy niya ang paglalaba kaya muntik nang tumalon sa ilog ang puso ni Bag–aw kung hindi lamang malamig ang tubig ngayong napatunayan niya na hindi nagkamali si Alba sa pagsasabi na hindi lahat nang kadalagahan ay kalahi ni Sahing.  Kaninong puso ba naman ang hindi mahihibang kung animo pukyutan sa lagkit ang ngiti ni Annayatan kaya ninais nang namnamin ng kanyang mga labi ang mga halik ng dalaga matapos mapagtanto na ganito pala ang damdamin ng may hinaharaya maski hindi pa sila nagkakilala ngunit naging sapat na ang masilayan siya ngayong ilang saglit na lamang ang kailangan hintayin niya para magaganap na ang itinakdang pagtatagpo nila.  Samantala, napadako sa mga kaibigan ni Annayatan ang tingin ni Alba nang muling nagbulungan ang mga ito kaya noon pa lamang niya napansin na hindi naman pala sila kagandahan upang pag–aksayahan ng panahon pagkat mistulang naimpeksiyon ang mga labi nila dahil sa kagat ng langgam ngunit naging suplada pa rin sila sa kanya gayong lalo lamang pinapangit ng kanilang kaitiman ang pag–uugali nila.  Aywan kung bakit hindi pa rin pinapansin ni Annayatan si Alba matapos batiin siya nito kaya naisaloob ni Bag–aw na maaaring natuon lamang sa paglalaba ang isip ng dalaga pagkat hindi pa rin siya tumitingin sa kanyang mistad ngunit itinuloy pa rin niya ang pagmamatyag dahil hindi dapat pangungunahan ang sitwasyon kung hindi naman niya naririnig ang kanilang pag–uusap.  Nang biglang napaisip nang malalim si Bag–aw pagkat mahirap din namang paniniwalaan na wala pang nagmamay–ari sa puso ni Annayatan hanggang ngayon kung pagbasehan ang ganda ng dalaga kaya napalipat kay Alba ang kanyang paningin dahil hindi yata niya inalam nang mabuti ang totoong kalagayan nito para hindi na sana sila nag–aksaya pa ng panahon.  Kunsabagay, hindi na dapat pagtakhan pa kung malaman ni Bag–aw na marami pala ang manliligaw kay Annayatan dahil nasasalamin naman sa maamong mukha ang kanyang mga magagandang katangian ngunit naging katuwiran naman niya na mainam na ang maneguro para walang pagsisisihan balang araw pagkat lalong masakit kung kailan sinimulan na niya ang panunuyo ay saka naman matutuklasan niya na may kasugpong na pala ang kanyang puso.  Paano ipapaliwanag sa kanyang sarili ang kabiguan kung kailan natuto nang umibig ang kanyang puso dahil walang duda na pagtatawanan lamang siya kung naisin niya ang magpakamatay ngunit may ibang paraan pa ba upang matakasan ang matinding kahihiyan kaya napabuntung–hininga nang malalim si Bag–aw matapos sulyapan si Annayatan saka dahan–dahang umahon.  Subalit nanatili lamang siya sa tabi pagkat kailangan hintayin muna niya si Alba kaya pinanood na lamang niya ang mga paslit na wala pa yatang balak umahon kahit kanina pa sila lumulunoy sa tubig ngunit sa kanyang pananahimik ay nasambit niya na makabubuti pang huwag na lamang ituloy ang pakipagkaibigan niya kay Annayatan para hindi na niya mararanasan ang kabiguan dahil tiyak na wala na rin puwang sa puso nito ang sinuman kung mayroon nang nagmamay–ari rito.  Ngayon, ramdam niya ang matinding tigatig maski handa na sanang ipagsapalaran ang kanyang pag–ibig para hindi lamang sa pangangaso masusubukan ang kanyang kagalingan ngunit nararapat lamang ang umiwas siya kung totoong may minamahal na si Annayatan kaysa ipilit ang kanyang pamimintuho kung ito naman ang magiging dahilan upang kasusuklaman siya.  Baka kailangan hintayin muna niya ang resulta sa pakipag–usap ni Alba kay Annayatan pagkat tiyak na hindi basta ipapaalam ng dalaga ang kanyang pangalan sa unang pagkikita pa lamang nila kung totoo ang hinala niya dahil posibleng pagsisisihan lamang niya ang padalus–dalos na pagpapaniwala sa kanyang palagay kung hindi ito pag–iisipang mabuti.  Diyata, nabagabag na naman ang kanyang puso samantalang hindi pa inihuhudyat ni Alba ang senyas upang simulan na niya ang lumusob maski walang dalang armas kundi ang kanyang sarili lamang pagkat kapahamakan ang magiging epekto kung pabagu–bago ang desisyon ng isang mandirigma lalo na kung kasalukuyang nagaganap ang engkuwentro dahil posibleng ikamamatay pa niya ito?  Seguro, puwede namang simulan muna sa pakipagkaibigan hanggang sa lubusan nang makilala nila ang isa’t isa para malaman niya na ayaw na pala ni Annayatan ang tumanggap ng manliligaw dahil naikompromiso na pala ang kanyang puso kaya hindi masyadong masakit damhin ang kabiguan pagkat hindi naman naging seryoso ang panimula ng kanilang relasyon.  “Mga . . . kaibigan mo ba sila?!”  Tumango si Annayatan saka nagpasunod ng siglap kaya nag–alik–ikan ang kanyang mga kaibigan ngunit hindi sila pinansin ni Alba nang maging katuwiran niya na segurdong hindi niya papatulan ang mga kadalagahang ito kung nagkataong binata pa siya kahit sila na lamang ang natitira sa kanilang tribu dahil tumatak na sa isip niya ang pagiging suplada nila.  Kung naging sensitibo ang damdamin ni Alba nang mga sandaling ‘yon sanhi ng naging ugali ng mga kaibigan ni Annayatan ay napangiti naman si Bag–aw dahil sa kanyang nasaksihan kahit hindi niya alam ang tunay na dahilan kung bakit nagtawanan ang mga kadalagahan kaya lumusong uli siya para hindi nila iisipin na pinapanood niya ang nagaganap na kasayahan maski totoo naman na interesado rin siya.  Marahil, nahirati na rin sa lamig si Bag–aw pagkat tuluyan nang inilunoy sa tubig ang kanyang katawan saka sumisid matapos hilurin ang sarili dahil maliligo naman ang talagang sadya niya sa ilog upang masubhan ang alinsangang nararamdaman niya dulot ng isang linggong pangangaso maski mahalumigmig ang kagubatan hanggang sa nagtagal pa siya.  Lalo’t unti–unti nang sumasalab ang alinsangan dulot ng tag–init na maagang dumating kaya ibinaling na lamang sa pangangaso ang kanilang araw–araw na gawain habang hinihintay ang panahon sa pagtatanim ng palay para may mailalatag pa rin na kapakinabangan sa kanilang hapag dahil umaasa lamang sila mula sa mga biyaya ng kasikasan.  Pagkatapos, muling hinanap ng kanyang mga mata si Alba upang alamin kung ano na ang nangyayari sa pakipag–unayan nito kay Annayatan dahil kanina pa niya kinaiinipan ang paghihintay para matuloy na rin ang kanyang desisyon na umuwi pagkat hindi pala maaaring ihalintulad sa pangangaso ang pakipag–usap sa dalaga ngunit nagkibit–balika na lamang siya.  Katunayan, mas naaaliw pa siya sa pangangaso maski ramdam niya ang panghal sa paghihintay na lumantad mula sa mga lungga ang mga hayop ngunit siyerto namang may mahuhuli siya samantalang ang ginagawa nila ngayon ay walang katiyakan kung may kahinatnan pagkat sa wari niya’y hindi na yata natatandaan ni Annayatan si Alba kahit kahapon lamang nagkakilala ang dalawa.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *