IKA – 223 LABAS

Hanggang sa naging pormal ang mukha ni Annayatan pagkat hindi yata niya nagustuhan nang pagtawanan siya ng mga kadalagahan kaya binalingan na lamang niya si Alba ngunit kumunot ang noo niya na waring nagtataka habang nagtatanong ang sarili kung panlilingas ba ito dahil naririto na naman siya sa parehong sadya kahit kahapon lamang sila nagkakilala.  Napayuko naman si Alba nang mabahala ang kanyang kalooban pagkat posibleng maaapektuhan ang kanyang misyon kung sa kanya ibunton ang inis ni Annayatan sa mga kaibigan nito ngunit minabuti niya ang manahimik sa halip na ulitin ang kanyang tanong para hindi humantong sa kabiguan ang kanyang pakay ngayong nasimulan na niya ito maski nahaharap sa kaunting problema.  Diyata, mabibigo pa ang pagpapakilala niya kay Bag–aw dahil hindi naman pala nakabuti nang sumabay kay Annayatan ang mga kadalagahan pagkat sila rin ang sumira sa kanyang plano ngunit umiling siya matapos tiyakin sa sarili na matutuloy ang pagtatagpo ng dalawa maski malabag pa niya ang kaugalian ng kanilang tribu kung apo naman ng Punong Sugo ang dahilan kung bakit nagawa niya ito.  Palibhasa, may karanasan na sa ganitong sitwasyon ay wala sa isip ni Alba ang umalis kung pagsuko naman ang kahulugan nito samantalang hindi pa nagsisimula ang totoong laban pagkat naging maayos naman ang pakipag–usap niya kay Annayatan kung hindi lamang sa mga kantiyaw ng mga kaibigan nito dahil sila pa ang kinikilig nang malaman nila na may nais makipagkilala sa dalaga.  Kunsabagay, hindi na lingid sa kanya ang pagiging kimi ng mga kadalagahan sa harap ng mga kalalakihang Malauegs maliban sa mga kaibigan ni Annayatan dahil talagang hayagan ang kanilang ipinamalas na kagustuhan kahit hindi pa nila alam kung sino ang ipakilala niya sa dalaga hanggang sa napalingon  siya kay Bag–aw ngunit wala sa kanila ang tingin nito.  Sapagkat hustong sumisid naman si Bag–aw nang tumingin sa kanya si Alba para palipasin ang kanyang pagkainip dahil sa matagal na paghihintay kaya muntik nang matuloy ang pag–ahon niya lalo’t nagparamdam na rin sa kanya ang gutom kung hindi lamang naisip na kabastusan naman kung umuwi siya nang walang paalam samantalang sabay silang pumunta sa ilog.  Aywan kung bakit hindi rin niya magawa ang umuwi maski desidido na ang kanyang kalooban upang gawin ito dahil daig pa niya ang nang–aamot ng awa para pagbigyan lamang ang kanyang kahilingan kaya hindi bale nang walang magaganap na paghaharap sa pagitan nilang dalawa basta huwag lamang magmistulang kahabag–habag siya pagkat kalabisan na rin kung abutin pa hanggang hapon ang kanyang paghihintay.  Habang ganito rin yata ang naging katuwiran ni Alba lalo’t hindi niya naranasan kahit kailan ang magmakaawa sa lahat nang mga naging kasintahan niya dahil ang prinsipyo niya sa panliligaw ay huwag pagtiyagaan ang ayaw pagkat marami pa ang disponible kaya madali na lamang ang maghanap ng kapalit para masumpungan ang tunay na kaligayahan kaysa dibdibin ang kabiguan.  Bahala na kung sumbatan siya ni Bag–aw pagkat magdamag pa mandin na binalangkas nila ang plano kung mali naman upang pilitin niya ang ayaw kahit ito ang naging katuwiran niya noong nanliligaw pa lamang siya ngunit hindi puwedeng ihalintulad niya ang panahon ngayon dahil may mga kaugalian na dapat sundin nilang lahat lalo na ang mga kababaihang Malauegs.  Subalit napigilan ang tangkang pag–alis ni Alba para pakinggan ang tugon ni Annayatan nang muling magsalita ang dalaga maski mahirap wariin sa kanyang mukha kung galit siya dahil hindi man lamang ngumiti ngunit natahimik naman ang mga kaibigan niya pagkat sila pa ang nagpamalas ng matinding pananabik habang hinihintay ang kanyang pahayag.   “Hindi ba . . . nagkakilala na tayo?!  Oo . . . kahapon lang!  Hindi ba . . . Alba?!  Nakalimutan mo na yata ‘yon . . . ha?!”  Bagaman, sandaling naging pormal ang mukha ni Alba ay hindi naman niya naiwasan ang ngumiti sabay kamot sa ulo dahil malayo sa kahilingan niya ang tugon ni Annayatan maski totoong nagkakilala na sila kaya nagtatanong ang sarili niya kung nararapat bang ulitin pa niya ang pakiusap upang maalaala ng dalaga na isang mistad niya ang gustong makilala siya.  Pero muling nabulahaw ang ilog sanhi ng malakas na halakhak ng mga kadalagahan pagkat ngayon lamang nalaman ng mga ito na magkakilala na pala sina Annayatan at Alba ngunit hindi na importante kung batid din nila na may asawa na siya sanhi ng kanilang ipinakitang asal kaninang lumapit siya sa kanilang grupo upang batiin sila kaya pumiksi lamang siya.  Aywan kung biro lamang ang sagot ni Annayatan ngunit bakas pa rin sa mga labi ni Alba ang umis upang hindi mabulilyaso ang kanilang plano ngayong dahan–dahan nang nagpaparamdam ang pag–asa dahil alam niya na sinadyang ilihis ng dalaga ang usapan para tantanan siya kahit malaking pagkakamali kung ito ang kanyang iniisip pagkat hindi niya naging ugali ang umuwi na talunan.  Anuman ang dahilan kung bakit ganito ang tugon ni Annayatan ay walang duda na narinig niya ang kahilingan ni Alba ngunit hindi siya nabahala dahil madaling malasin sa mapagkunwaring mga mata ang kasinungalingan kaya mainam pang sabihin na lamang niya ang totoo upang hindi mapupulaan pagkat nagiging magaan sa pakiramdam ang pagtanggap sa katotohanan basta nanggagaling ito sa tapat na kalooban.  Bagaman, tunay na nakapanghihinayang kung maunsiyami ang misyon nila ngayong nagkaroon na ng marubdob na hangarin si Bag–aw upang kilalanin ang dalaga na unang nagparamdam sa kanya ng pag–ibig ay talagang mapipilitang tanggapin nila ang kabiguan kung wala na rin magagawa ang malawak na karanasan ni Alba dahil mismong si Annayatan na ang ayaw.  Subalit ayaw rin naman sukuan ni Alba ang laban hanggang hindi hayagang bigkasin ni Annayatan ang pagtanggi pagkat hindi siya naniniwala na ayaw nito na makilala ang kanyang mistad maliban sa kailangan lamang magtiyaga siya kung kaya niya ang maghintay dahil sadyang nangangailangan ng matinding sakripisyo kung nais nilang makamtan ang tagumpay.  Nang magulantang si Bag–aw dahil dinig hanggang sa kanyang kinaroroonan ang tawanan ng mga kadalagahan ngunit hindi nagkaroon ng sagot ang tanong niya kung ano ang dahilan lalong hindi niya alam kung ano ang sinasabi ni Annayatan basta naseseguro niya na nagsasalita ang dalaga kaya pumiksi na lamang siya saka itinuloy ang paglulunoy sa tubig .  Kunsabagay, hindi direktang sinabi ni Alba na batid na ni Annayatan ang tungkol sa kanilang balak basta ang tiyak lamang ay maglalaba ngayong umaga ang dalaga kaya pumayag siya nang maging bahagi ng kanilang plano ang ipakilala siya ngunit ramdam na niya ang panghal sa paghihintay pagkat hindi pa rin niya natatanaw ang senyas samantalang kanina pa niya inaabangan ito.  Nang minsang lumingon si Bag–aw ay hustong napatingin naman sa kanya si Alba kaya nanulay sa kanilang mga mata ang tanong kung matagal pa ba ang dapat ipaghintay niya para makilala si Annayatan ngunit tumango lamang ang kanyang mistad maski hindi naman yata naintindihan nito ang kanyang mensahe sa halip na semenyas dahil ito ang kanyang inaabangan.  Kung batid lamang ni Bag–aw na dumaraan sa butas ng karayom ang kanilang misyon dahil hindi pa rin nagpahayag nang pagsang–ayon si Annayatan ngunit hindi ito rason para mabahala siya pagkat talagang nangangailangan ng tiyaga ang panunuyo upang hindi maiisipan ng binata ang gumawa ng masama sukdang kamatayan pa ang magiging parusa sa kanya lalo na kung pahili–hili pa ang dalaga.  Kusang yumuko si Bag–aw nang muling tumingin si Alba ay upang hindi iisipin nito na nagmamatyag siya maski totoong sumisidhi na ang kanyang pananabik para makausap si Annayatan ngunit ayaw naman yatang pagbigyan ng dalaga ang kahilingan ng kanyang mistad kaya naligalig ang kanyang damdamin hanggang sa napailing siya pagkat tiyak na hindi rin papayag ang mistad niya na umuwi sila habang taglay ang kabiguan.  Hanggang sa tuluyang nang napangiti si Bag–aw pagkat talagang ipagpipilitan niya ang makipagkilala kay Annayatan maski malabag pa niya ang kaugalian ng kanilang tribu kung siya lamang ang masunod kaysa abutin naman ng hapon ang pag–aabang niya sa senyas dahil doon din naman ang magiging hantungan ng kanyang paghihintay ngunit kaagad nagpaalaala naman sa kanya ang bilin ni Alba na kailangan maging mahinahon siya.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *