IKA – 228 LABAS

Yamang pumasok na sa ruweda ang kanyang mistad ay alalayan na lamang niya upang hindi sumukot ang buntot ng binataq kapag nabiro ni Annayatan pagkat hindi naman lingid sa kanya ang pagiging matampuhin ng apo ni Lakay Awallan kaya nagkaroon sila ng hidwaan na tumagal nang isang linggo at maaaring lumawig pa kung hindi siya gumawa ng paraan na humantong naman sa ganitong eksena.  Nang magulantang si Alba pagkat kumurap lamang siya ay hawak na ni Bag–aw ang kamay ni Annayatan kaya binalingan na lamang niya ang mga kadalagahan para alamin ang kanilang reaksiyon habang ramdam niya ang matinding pag–aalala dahil linabag ng binata ang kaugalian ng kanilang tribu ngunit nagtataka rin siya kung bakit hindi man lamang tumutol ang dalaga.  Hanggang sa naisaloob niya na mas maliksi pa pala si Bag–aw nang hindi hamak kaysa kanya pagkat kinailangan pang hingin muna niya ang permiso ng mga naging kasintahan niya para mahawakan lamang ang kanilang mga kamay kahit sandali kaya napakamot na lamang siya sa ulo dahil marapat lamang paghandaan na nila ang detalyadong paliwanag kapag nalaman ito ng kanilang Punong Sugo.  Aminado si Alba na talagang nagkamali siya ng palagay pagkat hindi naman pala torpe ang kanyang mistad nang walang abog na sinambilat niya ang kamay ni Annayatan maski walang pahintulot mula sa dalaga kaya napausal siya ng dasal para hindi magiging paksa ng mga kadalagahan ang kanilang nasaksihan dahil posibleng makarating sa bagong komunidad ang ginawa ng kanyang mistad kung hindi mapagbawalan ang kanilang mga sarili.  Dahan–dahang humakbang palayo ang kanyang mga paa maski nag–aalala siya upang masarili ni Bag–aw ang pagkakataon na makausap si Annayatan dahil sa pakiwari naman niya ay umepekto ang ginawa ng binata pagkat hindi rin tumutol ang dalaga ngunit hindi naman kalayuan ang kanyang tinigilan kaya naririnig pa rin niya ang anasan ng mga kadalagahan.  Baka nakaligtaan lamang ni Bag–aw ang tungkol sa kanilang kaugalian na nagbabawal sa mga kalalakihang Malauegs ang makipagkamay sa mga kadalagahang Malauegs lalo na sa unang pagkikita pa lamang nila ngunit may kataliwasan naman ang bawat patakaran lalo’t nag–iisang apo siya ng Punong Sugo kaya sapat na ang pangaral dahil malayo rin ang posibilidad upang mauulit ito kung magkatuluyan naman ang dalawa.  Basta mahirap ipaliwanang kung bakit hinayaan lamang ni Annayatan na durugin ni Bag–aw ang kanyang palad dahil sa higpit nang pagkakahawak niya rito imbes na pumalag siya pagkat naging palagay yata ng binata ay tunod ang hinahawakan niya ngunit lalong naaaliw ang mga kadalagahan sa kanilang napapanood kaya napalingon si Alba nang gumulantang ang malakas na halakhakan.  Nangangahulugan ba na batid na rin ni Annayatan na ganito kasakit ang magiging unang gabi nila ni Bag–aw kapag nagkatuluyan sila kaya tiniis na lang niya ang nararamdaman para sanayin ang kanyang sarili ngunit umiiling ang mga kadalagahan nang maging katanungan din ng kanilang mga puso kung paano nila mararanasan ito kung wala namang nanliligaw sa kanila.  Kaya sumisid na lamang si Alba upang pawiin ang mga malisyosong palagay na lumilimpay sa isip niya para hindi maalaala ang sariling pagkakamali sanhi ng kanyang pagmamadali upang magkaroon ng pamilya ngunit ramdam pa rin naman niya ang katahimikan sa buhay kaya tanggap niya ang mga pangyayari dahil ito ang itinakda ng kanyang kapalaran.  “Totoo pala . . . ang kuwento ng mistad ko!  Talagang natatangi . . . ang kagandahan mo!  Annayatan!”  Sapagkat hindi marunong magsinungaling ang puso ni Bag–aw ay nagsimula nang bumulong ito kahit ngayon pa lamang niya natutunan ang pamimintuho sa isang dalaga na matagal na palang pinapangarap ang kanilang pagtatagpo habang nagagalak nnaman ang kanyang damdamin pagkat napagtiisan pa rin niya ang paghihintay hanggang sa dumating ang pagkakataong ito.  Walang duda na panghihinayangan niya ito kung pinakinggan ang kanyang sarili upang umuwi na maski hindi pa nangyayari ang paghaharap nila ni Annayatasn dahil sa nararamdamang panghal at gutom ngunit maaaring si Bathaas na rin ang pumigil sa kanya para maganap ang itinakda ng tadhana kaya nararapat lamang magpasalamat si Lakay Awallan maski ayaw pa nitong magkaroon ng pamilya ang binata.  Aywan kung kunwari lamang ni Annayatan na hindi niya ramdam ang sakit dahil sa higpit nang pagkakahawak ni Bag–aw sa kanyang palad ngunit tiyak na hindi naman niya hahayaang tumagal ito kung hindi rin niya gusto kaya nagkibit–balikat lamang si Alba habang walang tigil naman ang bulungan ng mga kadalgahan saka sumisisid kapag napapatawa na sila.  Seguro, hindi rin namalayan ni Bag–aw ang higpit ng pakipagkamay niya kay Annayatan dahil nasanay siya sa paghawak ng busog at tunod kaya ayaw pa rin bumitaw ang kamay niya maski halos mapugto na yata ang hininga ng dalaga dahil ngumingiti pa rin siya habang ninanamnam ang matamis na pagbati sa kanya ng binata pagkat nangangailangan ng sakripisyo ang tapat na pag–ibg.  Pero may hangganan ang lahat kaya gusto na palang maghihiyaw ni Annayatan sanhi ng matinding sakit ngunit bantulot naman ang kanyang bibig hanggang sa napangiwi na lamang siya nang sumagad pa ito sa kanyang puso dahil saglit naging alipin ang nahihibang na damdamin para magkunwari lamang na ikinatutuwa niya ang kanilang pagtatagpo maski malilinsad ang kanyang mga daliri.  Sana, mapansin agad ito ni Bag–aw dahil mali upang ipagpalagay na ito pa rin ang nararamdaman ni Annayatan maski totoong humahanga siya sa binata kung segurado namang uuwi siya na baldado ang isang kamay matapos malinas ang kanyang palad ngunit maaaring hindi lamang napigilan ng binata ang labis na pananabik niya pagkat unang pangyayari sa buhay niya ang magkaroon ng pagkakataon para makipagkamayan sa dalaga.  Subalit kusang iwinaswas ni Annayatan ang kanyang siko saka tumingin nang tuwid upang mauunawaan ni Bag–aw ang kanyang nararamdaman dahil kalabisan naman kung magkadaop pa rin hanggang hapon ang kanilang mga palad lalo’t kailangan pa ng binata ang manligaw at mamanhikan kung pumasa siya sa kilatis ng mga magulang pagkat animo sila ang makisiping sa higpit ng kanilang patakaran.  Seguro, binatukan ni Bathala si Bag–aw dahil naalimpungatan pa siya nang maalaala na madudurog na palaang palad ni Annayatan kung tumagal pa hanggang mamaya ang kanilang kamayan kaya dali–daling kumalas ang kanyang kamay ngunit hindi naman naiwasan ng kanyang sarili ang magtanong kung bakit hindi man lamang nagreklamo ang dalaga hanggang sa umiling na lamang siya imbes na isatinig ang pagtataka.  Habang nababahala naman si Annayatan nang mamalas ang kanyang mga daliri pagkat muntik na palang magkalasug–lasog ang mga ito kung tiniis pa niya ang sakit kaya tiyak na matitigil nang isang linggo ang paglalaba niya ngunit ngumiti pa rin siya nang walang pagdaramdam kung ito naman ang kailangan upang magpatuloy pa rin ang kanilang usapan hanggang sa natigil ang bulungan ng mga kadalagahan.  Sapagkat kaagad nagpasunod ng paumanhin si Bag–aw nang maagapan ang pagdaramdam ni Annayatan sanhi ng kapangahasan niya para hindi humantong sa kabiguan ang unang pag–uusap nila dahil tiyak na ikalulungkot din niya ito ngayong nagsisimula nang tuklasin ng tingin niya ang kaluluwa ng dalaga pagkat ganito kataman ang mga mata niya upang alamin kung taglay sa bawat salitang kanyang binibigkas ang katapatan sa kanyang damdamin.  Aywan kung bakit iglap naparam na lamang sa isip niya ang kaugalian ng kanilang tribu samantalang ito ang laging ipinapaalaala sa kanya ni Lakay Awallan sa tuwing nag–uusap  sila ngunit napangiti siya nang kumislap sa isip niya ang katuwiran ni Alba na sadyang hindi naiiwasan ang pagiging padalus–dalos lalo na kung itinatangi rin siya ng dalaga kahit ngayon pa lamang sila pinagtagpo ng kapalaran.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *