IKA – 233 LABAS

Talagang hindi naiwasan ni Bag–aw ang mapaagik–ik si dahil sa kanyang malisyosong salamisim sabay tutop sa bibig niya saka sumilip sa loob ng kubol upang alamin kung nagising si Lakay Awallan pagkat nakababaliw pala ang pag–ibig kaya kung anu–ano na lamang ang pumapasok sa utak niya samantalang bukas nang gabi pa lamang magsisimula ang panliligaw niya kay Annayatan.  Lalong naging mailap sa kanya ang antok dahil ginugulo ng kung anu–anong mga kabalbalan ang kanyang utak kaya gusto nang iuntog sa haligi ang kanyang ulo para makatulog lamang siya ngunit bumalik na lamang siya sa papag upang piliting ipikit ang kanyang mga mata sa pagbabakasakaling makatulog din siya pagkat mangangaso pa siya bukas.  Pero si Annayatan pa rin ang kanyang naaaninag sa dilim kahit saan pumaling ang mga mata niya hanggang sa muling gumuhit sa mga labi niya ang ngiti nang matanong ang sarili kung ano kaya ang magiging reaksiyon naman ni Lakay Awallan kapag dumating ang araw na kailangang hingin na niya ang basbas nito para sa kanilang pamanhikan.  Hindi kumislap sa isip niya ang sagot nang biglang marinig niya ang mahigpit na bilin ni Lakay Awallan kaya nanatiling binata siya sa edad na dalawampu’t tatlong taon dahil sa katuwiran nito na bata pa siya para magkaroon ng sariling pamilya samantalang siya na lamang ang wala pang asawa ngunit may kabutihang dulot din naman pagkat tiyak na magiging responsableng asawa siya.

            Maaga pa rin pumasok sa kagubatan si Bag–aw para mangangaso kahit dalawang gabi nang puyat siya imbes matulog nang maghapon kung magdamag na hindi siya naidlip kagabi upang paghandaan sana ang panliligaw niya kay Annayatan na magsisimula mamayang gabi kaya hindi kataka–taka kung malagay sa panganib ang buhay niya habang natutulog sanhi ng matinding antok lalo’t hindi pa yata sumabay sa kanya si Alba.  Sapagkat hindi rin naman segurado si Bag–aw kung mangangaso ngayong araw si Alba kaya umalis na siya upang hindi tanghaliin sa paghihintay dahil tiyak na hindi pinatulog kagabi ni Sahing ang kanyang mistad lalo’t noong nagdaang gabi pa nagpupuyos sa galit ang babae ngunit nabalam lamang ang pagdedeklara ng giyera nito pagkat parehong abala kahapon ang dalawa.  Seguro, hanggang tanghali lamang ang pangangaso ni Bag-aw pagkat hindi na niya hinintay si Alba ngunit malaking katanungan naman kung ipagtapat na ba niya ang tungkol sa lihim na iniingatan niya para payagan lamang siya ni Lakay Awallan dahil mamayang gabi na ang unang akyat ng ligaw niya kay Annayatan kaya paano niya isasagawa ito upang hindi maramdaman ng matanda ang kanyang pag–alis.  Talagang wala rin balak mangangaso ngayon ni Bag–aw pagkat matutulog na lamang sana siya kung hindi lamang sinabi kahapon ng mga nakatalaga sa kusina na para sa agahan na lamang ang ulam nila kaya hindi na siya nagdalawang–isip pumasok sa kagubatan nang malaman niya ang problema kahit dalawang gabi nang puyat siya dahil sa kaiisip kay Annayatan.  Walang problema sana kung may nangangaso kahapon ngunit sabay–sabay yatang nagpahinga ang lahat nang kalalakihang Malauegs kaya walang duda na sisikapin nila ang bumawi ngayon kahit gabihin pa sila para hindi kapusin ang ulam nila hanggang sa sinisisi na rin ni Bag–aw ang sarili dahil masyadong tumagal ang kanyang pahinga imbes na isang araw lamang.  Tuloy, napangiti siya pagkat yaon ang araw na nagkaroon siya ng kakaibang karanasan kaya tiyak na hindi niya ito malilimutan hanggang sa kanyang pagtanda lalo na kung magkatuluyan pa sila ni Annayatan dahil dalawa na sila ang sabay maglalakbay pabalik sa nakaraan upang gunitain ang kanilang mga alaala kahit paulit–ulit pa kung kasiyahan naman ito ng kanilang mga puso.  Muling napangiti ang binata nang sumagi sa kanyang isip si Annayatan kaya natigil ang kanyang paglalakad pagkat hanggang sa kagubatan ba naman ay ginugulo pa rin nito ang kanyang puso ngunit ayaw naman magpaawat ang kanyang kahibangan maski ramdam niya ang kalungkutan nang mistulang bumalik siya sa ilog dahil tahimik ang paligid gayong kaysaya–saya rito kahapon.  Sanhi upang tuluyan nang nawaglit sa utak niya ang pangangaso kaya hindi niya namalayan ang lamiran na dali–daling sumibad nang makita siya nito ngunit nagawa pa rin lumingon ng hayop nang sandaling huminto ito para tiyakin kung panganib ang dumating kahit maaga pa para lumabas sa lungga lalo’t nag–iisa lamang ito dahil posibleng napahiwalay sa kawan.  Matindi yata ang konsentrasyon ng malak ni Bag–aw dahil hindi man lamang niya sinundan ng tingin ang lamiran samantalang hindi naman siya tulog upang hindi niya mapapansin ito kaya walang bakas ng panghihinayang ang kanyang mukha pagkat malinaw na nanaginip siya habang gising ngunit huwag naman sanang maidlip hanggang bukas ang binata.  Sadyang mahirap ilarawan ang kanyang hitsura nang tuluyang sumandal siya sa puno dahil waring nangangarap siya gayong tulog naman yata ang isip habang dilat na dilat ang mga mata kaya nakapagtataka kung bakit hindi niya napansin ang biglang pagsulpot ng ludlod mula sa karawagan hanggang sa nagulat pa ito nang makita siya ngunit naging maingat ito sa paglalakad.  Sa halip na sumibad ang ludlod ay tila tinitiyak muna nito ang anyo ng panganib habang tinititigang maigi si Bag–aw pagkat hindi man lamang niya tinangkang ihanda ang busog at tunod upang samantalahin ang pagkakataon kaya sobrang kamalasan na rin kung hindi pa nanumbalik ang kanyang malay dahil seguradong uuwi siya na walang tangan ang mga kamay.

Sandali lamang ang pagsusungkal ng ludlod dahil talagang hindi rin mapalagay ito kaya muling dumako ang mga mata nito kay Bag–aw pagkat hindi pa rin siya gumagalaw sa pagkakahilig sa puno sa halip na asintahin niya ang hayop habang hindi pa ramdam nito ang panganib para may huili siya kahit isa lamang upang hindi masasayang ang mga oras na iginugol niya sa pangangaso.  Maya’t maya ang kasmod ng ilong ng ludlod na waring naniniyak habang inaaamoy yata nito ang anghit ng katutubo kahit kahapon lamang siya lumusong sa ilog ngunit lingguhan naman kung maligo kaya naaabala ang panginginain nito dahil hayop man kung hindi naman matali ang kalooban nito ay talagang magdududa hanggang sa itinigil na nito ang pagsabsab.  Nang maalarma ang ludlod ay nanindig ang dalawang tainga nito hanggang sa naging mailap na rin ang mga mata ngunit hindi nito tinangka ang sumibad upang iligtas sana ang sarili mula sa nakaambang panganib basta napatingin lamang ito kay Bag–aw dahil maaaring itinatanong nito kung talaga bang tulog siya pagkat hindi naman umaabyog kung sanga lamang ito.  Marahil, naneneguro lamang ang ludlod kung talagang tulog si Bag–aw pagkat hindi pa rin inaalis ang pagkakatitig nito sa kanya habang pumupuyupoy ang buntot sa halip na ituloy ang pagsusumbang sa damo hanggang sa lumakad ito nang ilang hakbang para kumuha lamang yata ng buwelo sakaling gumalaw ang mga kamay ng binata maski hindi pa niya hawak ang busog at tunod.  Tuloy, naaabala ang pagsusungkal ng ludlod dahil inaakala naman nito na kumukuha lamang ng tiyempo ang nagtulug–tulugang katutubo pagkat batid din naman ng mga hayop ang mga naglipanang panganib sa kagubatan ngunit hindi ito masyadong inaalintana pagkat mahalaga ang mabusog sa maghapon upang lubos ang pamamahinga sa gabi ng mga ito.  Palibhasa, dala–dala ni Bag–aw hanggang sa pangangaso ang walang katapusang paghaharaya niya kay Annayatan ay nagulumihanan na rin ang ludlod kaya tuluyan nang nawalan ito ng konsentrasyon sa pagsusungkal ngunit ayaw namang umalis nito dahil maaaring doon ang katumukan upang samantalahin kung hindi lamang umaagaw ang matinding alalahanin.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *