Sana, pinapakinggan ni Bathala ang mga dasal ni Lakay Awallan pagkat doon lamang sila humuhugot ng lakas at proteksiyon upang paigtingin sa kanilang mga puso ang positibong pananalig dahil sa paniniwala na ginagabayan sila nito sa lahat nang araw lalo na sa kasalukuyang panahon kaya nasasambit na lamang nila na mapapalad ang mga patay kaysa mga buhay na laging naliligalig ang mga damdamin. Pero harangin man ng isandaang soldados si Bag–aw ay tiyak na hahamakin pa rin niya ang kanilang mga fusil basta masunod lamang ang masidhing utos ng kanyang puso para makausap ngayong gabi si Annayatan hanggang sa natigil ang kanyang paglalakad dahil may naalaala siya maski iglap lamang nang gumuhit ito sa isip niya ngunit minabuti niya ang isatinig pa rin ito.
“Ikaw . . . mistad?! Bakit ngayon ka lang. . . ha?!” Dapat mang ikagulat ni Alba ang tanong ngunit natahimik na lamang siya habang napapaisip hanggang sa naisaloob niya na talagang kailanganin niya ang mahabang pasensiya para maunawaan niya ang kalagayan ngayon ni Bag–aw sa halip na ikumpara ito sa panahon niya matapos mapatunayan na malaki ang pagkakaiba nito dahil halos wala nang natatandaan ang binata kundi si Annayatan. Diyata, ngayon pa lamang naisip alamin ni Bag–aw ang sanhi ng kanyang pagkabalam kanina kung kailan halos malapit na sila sa tinitirhan ni Annayatan imbes na naging pambungad na tanong sana nito kung bakit nabalam sa takdang usapan nila ang kanyang pagdating dahil tiniyak muna niya na walang maiiwang problema sa kanyang paglabas para walang dapat alalahanin ang sarili niya. Oo, aminado naman siya na maraming beses pinaalaalahanan nila ang isa’t isa upang sa paglatag ng dilim ay dapat nakatawid na sila ng ilog ngunit hindi naman niya hawak ang sitwasyon lalo’t hindi na rin lingid kay Bag–aw ang pagiging selosa ng kanyang asawa kaya ninais na lamang niya ang magpaliwang kaysa makipagtalo kung maapektuhan naman nito ang kanilang lakad. Sapagkat nagiging madali ang pagtanggap sa pagkakamali kung laging isinasaalang–alang ang pagkakaibigan lalo’t ngayon lamang nangyayari ito mula nang matutong umibig si Bag–aw kaya hayaan na lamang kung naglakbay na sa kalawakan ang isip nito para mamitas ng mga bituin pagkat normal na lamang ang ganitong kahangalan basta huwag lang malilipasan ng gutom. Magiging kahiya–hiya man kung banggitin pa ni Alba ang sanhi ng kanyang pagkaantala ngunit naipagpauna niya na mauunawaan ito ni Bag–aw dahil maraming beses din naging paksa ng kanilang kuwentuhan ang problema ng kanyang pamilya kaya palagay ang kanyang loob pagkat mistulang sagrado na hindi dapat malaman ng sinuman ang kanyang sekreto kung ituring ito ng binata. Kunsabagay, may katuwiran din naman para alamin ni Bag–aw ang sanhi ng pagkaantala kanina ni Alba dahil muntik nang mahikayat ang sarili niya upang matulog na lamang nang tumagal ang kanyang paghihintay ngunit naging desidido pa rin siya pagkat kailangan matuloy ang kanyang unang panliligaw ngayong gabi kaya obligadong magbigay ng paliwanag ang huli. Subalit hindi naman seryoso si Bag–aw dahil batid naman niya na talagang mahirap ang may pamilya base sa namamalas niya pagkat sambot ng lalaki ang lahat nang problema lalo na kung may mga anak na sila kaya naging kahilingan niya kay Bsthala na sana hindi siya magkakaroon ng ganitong karanasan kapag nagkatuluyan sila ni Annayatan upang laging masaya ang kanilang pagsasama. Tuloy, napailing na lamang siya habang pinapakinggan ang paliwanag ni Alba hanggang sa napangiti pa siya dahil wala sa kanyang hinala ang huling ginawa ng kanyang mistad para payagan lamang ni Sahing kaya sinabayan na lamang niya ng talikod ngunit hindi siya umalis pagkat hindi niya alam ang bulaos na maghahatid sa kanila sa kubol ng pamilya ni Annayatan.
“Pasensiya ka na . . . mistad! Ha?! Kasi . . . pinatulog ko muna . . . ang bunso ko! At . . . nilambing ko na rin . . . si Sahing! He!!!He!!!He!!! Para payagan ako . . . alam mo na ‘yon! Kaunting karinyo . . . ! He!!!He!!!He!!!” Sino ba naman ang hindi matawa sa ganitong paliwanag kaya naging malakas na halakhak ang kanina’y umis ni Bag–aw dahil ito rin ang naging sapantaha niya habang hinihintay niya si Alba maski naroroon ang kanyang pagdududa pagkat kabuwanan na ni Sahing hanggang sa naging katanungan niya kung talaga bang puwede pang gawin ‘yon nang walang pakundangan sa magiging epekto nito. Subalit dali–daling umiling nang mariin si Bag–aw nang gumuhit sa isip niya ang tanong kung ganito rin bang gagawin niya sa kanyang magiging asawa kaya lalong binilisan ang kanyang paglalakad imbes na sagutin ang sariling katanungan dahil wala pa namang katiyakan ang kanyang unang panliligaw ngayong gabi maski depende na lamang sa magiging kahinatnan nito mamaya hanggang sa napangiti siya. Nang muling magtanong ang kanyang sarili kung bakit pamilyado pa ang naisipang isama niya sa panliligaw ngunit malinaw naman ang dahilan kung bakit gustung–gusto pa rin niya si Alba dahil na rin sa mga natutunan niya mula sa kanyang mistad lalo’t siya pa ang naging daan upang makilala niya si Annayatan kaya hindi na kailangang magpaliwanag pa siya sa kahit kanino. Siyempre, hindi niya nanaising magsama ng walang karanasan upang hindi humantong sa kabiguan ang kanyang panliligaw kay Annayatan dahil walang gumagabay sa mga panahong nahaharap siya sa matinding pagsubok pagkat hindi naman puwedeng ihalintulad sa pangangaso na sapat nang matutunan ng kanyang mga kamay ang humawak ng busog at tunod. Baka magiging karibal pa niya nang lingid sa kanya ang mismong kasama niya dahil lihim din palang hinahangad nito ang pag–ibig ni Annayatan kaya lalong masakit kung saka pa lamang malalaman niya ang kataksilang ito kung kailan mamanhikan na siya samantalang kay Alba ay lubos ang tiwala niya pagkat magkapatid ang turingan nila sa isa’t isa at hindi magagawang ipagpalit ng kanyang mistad ang pamilya nito. Tiyak na ikamamatay niya ang matinding kasawian kung sa karibal pa niya natutong umibig si Annayatan kaya mananangis hanggang langit dahil sa pagsisisi ang kanyang kaluluwa nang hayaang agawin ang pag–ibig na siya dapat ang kumukupkop nito pagkat naging hangal siya minsan sa kanyang buhay hanggang sa nagising siya mula sa malalim na pagbulay–bulay.
ITUTULOY
No responses yet