Samaktuwid, malinaw ang naging katuwiran ni Bag–aw na mahalaga sa ganitong uri ng pakipagsapalaran ang tiwala at matatagpuan lamang ito sa kanyang kapwa na higit pa sa kapatid ang turing sa kanya kahit hindi sila magkadugo ngunit labis naman ang pinagsamahan nila nang mahigit sa dalawampung taon kaya hindi nagkaroon ng anumang dahilan upang mangamba ang kanyang damdamin. May asawa na si Alba kaya malayong agawin niya ang liniligawan ni Bag–aw dahil nangyari na sana ito noong unang nakilala niya si Annayatan at puspos siya ng maraming karanasan kaya malaking tulong ito sa binata pagkat magiging aral sa kanya ang mga pagkakamali niya habang pakikinabangan naman niya ang mga bagay na may saysay sa kanyang buhay.
Tahimik si Bag–aw habang nagpapatuloy ang kanilang paglalakad pagkat maraming beses nang narinig niya ang katuwirang ito kaya animo tinutudyo na lamang siya ni Alba ngunit hindi naman niya maipaliwang kung bakit kinikilig siya sa tuwing naririnig ang tungkol sa ginagawa nilang mag–asawa lalo na ngayong nakilala niya si Annayatan dahil nangyayari na sa isip niya ang kung anu–anong kabalbalan samantalang nanatiling malaking katanungan pa lamang kung ano ang magiging kahinatnan ng unang paniligaw niya sa dalaga. Aywan kung napuna ni Alba ang pananahimik ni Bag–aw pagkat nahuhuli na naman siya sa paglalakad sanhi ng maya’t mayang hinto para magpahinga ngunit hinayaan na lamang niya na mauna ang binata sa halip na tawagin upang hintayin siya nito dahil siya pa lamang ang nakaaalam sa tinitirhan ni Annayatan kaya darating sila roon nang sabay pa rin kung gising pa ang dalaga. Maya–maya, binilisan ni Alba ang paglalakad para mahabol niya si Bag–aw matapos maisaloob na maaaring malapit na sila sa kubol ng pamilya ni Annayatan maski naroroon ang kanyang pagdududa dahil hindi sapat ang liwanag ng buwan kaya nagpalingus–lingos siya habang hinahanap ang puno na naging palatandaan niya upang hindi sila maliligaw ngayon. Pero hindi yata alintana ni Bag–aw ang pagod sa maghapong pangangaso pagkat mistulang walang balak huminto kahit saglit man lang sana ang binata para makapagpahinga naman sila lalo’t halos naliligo na sa pawis si Alba maski tumitindi na ang lamig habang lumalalim ang gabi kaya hinubad muna nito ang tsaleko dahil malayu–layo pa pala ang kailangan lakarin. Talagang malayo pa mula sa kubol nina Annayatan ang magmistad pagkat wala pang natatanaw na sumbo para gumaan naman sana ang kanilang pakiramdam hanggang sa napapadalas ang hinagpis ni Bag–aw dahil maaaring hindi na natandaan ni Alba ang bulaos na maghahatid sa kanila sa kubol ng dalaga kaya ibig nang paniwalaan ang bulong ng sarili niya na maaaring naliligaw sila. May dahilan kung bakit biglang tumigil sa paglalakad si Bag–aw pagkat sumagila sa kanyang utak ang isang katanungan na dapat kanina pa naiparating niya kay Alba habang naroroon sila sa kagubatan ngunit nawaglit lamang ito nang bumuhos ang suwerte nila sa pangangaso dahil mahalagang malaman nila kung saang larangan magaganap ang labanan. Kahit kanina habang naroroon pa siya sa tangkil ay muling nagpaalaala sa kanya ang tanong nang karakang naparam din ito sanhi ng sobrang panghal sa paghihintay niya kay Alba hanggang sa natawid na nila ang ilog nang biglang sumagi uli ito sa isip niya ngunit nabaling sa paliwanag ng kanyang mistad ang usapan kaya nawaglit na naman ito sa alaala niya. Subalit tiyak masasambit na niya ang tanong upang malaman niya kung talaga bang nasa tamang direksiyon ang bulaos na kanilang tinatalunton papunta sa tinitirhan nina Annayatan para makagawa agad sila ng desisyon kung totoo ang hinala niya na posibleng naliligaw na sila dahil malayu–layo na rin ang kanilang nalalakad ngunit puro karawagan ang kanilang nararaanan. Sinadya ni Bag–aw ang tumigil sa paglalakad nang malingunan niya si Alba dahil malayo na pala ang kanilang agwat nang hindi niya namamalayan ngunit marapat hintayin niya para marinig nito ang kanyang tanong pagkat nangangilangan ito ng agarang tugon lalo’t gabi pa mandin maski maliwanag ang buwan kung hindi naman sila maililigtas nito mula sa kapahamakan. Napabuntung–hininga nang malalim si Alba saka tumingala sabay pasalamat nang kusang tumigil si Bag–aw upang hintayin siya pagkat halos kapusin na rin ang kanyang hininga dahil lakad–takbo ang ginagawa na niya para masabayan lamang niya ang binata ngunit nabaghan siya nang mamalas ang mukha ng binata maski magkasing–itim sila kung maliwanag naman ang buwan ay aninag pa rin niya ang hitsura nito.
Tuloy, nabigyan ng maling kahulugan ni Alba ang tingin ni Bag–aw habang hinihintay nito ang kanyang paglapit kaya napaisip nang malalim ang kanyang sarili ngunit walang naibulong na paliwanag ang utak niya kung bakit kagyat naging pormal ang mukha ng kanyang mistad samantalang natatanaw na ang puno na naging palatandaan niya maski hindi ito malinaw dahil segurado naman siya na may ilang hakbang na lamang ang layo nito mula sa kanyang tinigilan. Kahit sino naman ay talagang mababahala pagkat mistulang wala nang katapusan ang paglalakad ng dalawa lalo’t gabi pa mandin kung limiin ang kasalukuyang sitwasyon dahil walang kaseguruhan upang ipagpalagay na ligtas sila dahil gumagala rin sa kabundukan ng Sierra Madre ang mga soldados habang isinasagawa ang kanilang operasyon kaya huwag ikatuwiran na pabor sa magmistad ang kapayapaan ng kapaligiran. Habang kinakapa ni Alba sa utak niya ang sanhi ay naging palagay naman niya na maaaring nakitaan ni Bag–aw ng kapintasan ang kanyang hitsura ngunit naligo naman siya maski nawaglit sa isip niya ang patakan ng gugo ang kanyang buhok hanggang sa pumiksi na lamang siya dahil hindi naman importante ‘yon para ikabahala niya pagkat hindi naman siya ang nakatakdang manliligaw kay Annayatan. Hanggang naglakbay pabalik sa kubol ang alaala ni Alba upang hanapin ang dahilan kung bakit tila nagagalit sa kanya si Bag–aw samantalang nagpasunod pa ng maalab na halik si Sahing sabay yapos nang mahigpit sa kanya pagkat hindi nito napigilan ang humanga sa kanyang tsaleko na noong kasal nilang mag–asawa ang huling suot niya rito kaya bago pa rin sa tingin. Kamalasan, hindi siya naging matatag upang labanan sana ang mapanuksong bulong ni Sahing habang inaapuhap ng kamay nito ang kanyang bahag maski masyado pang maaga kung tuusin para gawin nila ‘yon ngunit mahimbing na ang tulog ng kanilang mga anak hanggang sa nagparamdam ng kahinaan ang kanyang katawan kaya nagpaubaya na siya para walang gulo.
ITUTULOY
No responses yet