Maya–maya, humakbang ang mga paa ni Lakay Awallan patungo sa hapag pagkat inihahanda na ang kanilang hapunan upang tiyakin na hindi sila matutulog nang gutom dahil nagawa nila ang mag–ayuno kanina nang dumating ang mga soldados. Marahil, nagparamdam na kay Lakay Awallan ang gutom pagkat nawaglit sa isip nila ang kumain ng almusal at pananghalian nang lumikas sila sa yungib kaya sumunod sa kanya ang mga kalalakihang Malauegs dahil kumakalam na rin ang kanilang mga tiyan. Ngunit humiwalay si Alawihaw upang sunduin si Dayandang na tumuloy sa tabi ng bintana nang magising mula sa sandaling pamamahinga upang hintayin ang kanyang asawa na nagmamadali ang lakad papunta sa kanya. Saka pa lamang napalagay ang kalooban ni Lakay Awallan nang magtipun–tipon sila sa harap ng mga pagkain maliban sa mga matatandang Malauegs dahil dinalhan na lamang ng hapunan ang lupon pagkat hindi puwedeng abalahin ang kanilang pagdarasal sa sagradong kubol.
“Sana! Hindi na babalik . . . ang mga soldados!” Habang kumakain ang mga katutubong Malauegs ay patuloy na pinag–uusapan nila ang tungkol sa mga soldados dahil mahirap panghahawakan ang simpleng pananalig na hindi sila babalik ngayong natuklasan na nila ang kanilang komunidad. Sapagkat tiyak na hindi magiging problema ang layo ng kabundukan ng Sierra Madre mula sa bayan ng Alcala kapag ginustong ipatupad ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang batas upang magkaroon ng titulo ang mga lupain ng mga katutubong Malauegs kahit humantong pa sa kaguluhan ang hakbanging ito. Kahit may basbas ni Alferez ang misyon ng pangkat ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ay hindi puwedeng sarilinin niya ang kanilang natuklasan pagkat wala siyang interes sa mga lupain lalo’t sa kabundukan ng Sierra Madre pa matatagpuan ito dahil kontento na siya sa alak. Pero bilang fiduciario ni Alcalde ay obligasyon niya ang impormahan siya tungkol sa mga katutubong Malauegs na may sariling komunidad sa kabundukan ng Sierra Madre upang malaman din niya kung kinailangan ba ang iutos niya sa mga soldados ang pagsasagawa ng operasyon. Dahil ang segurado pa lamang sa ngayon ay lalong titindi ang interes ni Alcalde kapag naiparating sa kanya ang tungkol sa natuklasan ng mga soldados maliban na lamang kung magiging problema niya ang layo ng kabundukan ng Sierra Madre. Kung pinag–interesan niya ang mga lupain na sinasakop ng maliit na komunidad ng mga katutubong Malauegs ng Calantac ay walang duda na lalong sisikapin niya upang magkaroon ng titulo ang mga lupain ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre kahit masyado nang malayo ito mula sa bayan ng Alcala. Hindi na kailangan ang umakyat pa siya sa kabundukan ng Sierra Madre para mamalas lamang niya ang malawak na lupain ng mga katutubong Malauegs kung puwede namang isakatuparan ng mga soldados ang plano niya habang painum–inom lamang siya ng alak.
“Makinig kayo! Hindi pa rin dapat mapanatag ang ating mga kalooban . . . dahil walang nakababatid! Kung . . . ano ang binabalak nila . . . laban sa atin!” Tandisang sinalungat ni Lakay Awallan ang pahayag ng mga kalalakihang Malauegs pagkat wala siyang nakikitang dahilan upang ikagagalak nila ang paglisan ng mga soldados lalo’t hindi nila piho kung ano ang kanilang totoong layunin sa komunidad nila. Nagbigay na lamang siya ng paalaala upang magsilbing aral para sa kanilang lahat ang sinapit ng mga katutubong Malauegs ng Calantac pagkat hindi puwedeng isantabi ang posibilidad na babalik din sa kanilang komunidad ang mga soldados. Bagkus, may dahilan upang mabahala ang mga katutubong Malauegs dahil posibleng ikapapahamak lamang nila ang maling paniniwala pagkat may sariling tropa ang pamahalaang Kastila ng Alcala na handang tumalima sa isang kumpas lamang ng kamay ni Alcalde. Mananaig pa rin ang kagustuhan ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat hindi na magiging isyu ang layo ng komunidad ng mga katutubong Malauegs mula sa bayan ng Alcala kaya magiging madali na lamang para kay Alferez ang mag–isip ng paraan upang maisasagawa ang plano ni Alcalde. Bagaman, hindi pa masasabi sa ngayon kung kailan babalik sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ang mga soldados ngunit hindi dapat pagtakhan kung higit pa sa walong bilang ang darating upang tiyakin ang tagumpay ng kanilang misyon. Aywan kung tamang katuwiran din na mas nakabuti pa kung hinarap na lamang nila ang mga soldados sa halip na lumikas sila sa yungib pagkat nalaman pa sana nila ang totoong pakay ng mga ito sa kanilang komunidad. Disin, nalaman agad nila na may kaugnayan sa titulo ang misyon ng mga soldados kaya narating nila ang kabundukan ng Sierra Madre maski mahirap paniwalaan na nagawa nilang tawirin ang maraming ilog at tuntunin ang mapanganib na silang. Sana, nagkaroon sila ng ideya upang magkaroon ng titulo ang kanilang mga lupain maski magiging balakid sa pagkuha nito ang layo ng bayan ng Alcala mula sa kanilang komunidad dahil mahigpit na ipinapatupad ang batas na may kaugnayan dito. Aywan kung may naisip nang paraan si Lakay Awallan habang may pagkakataon pa nang hindi sila matutulad sa mga katutubong Malauegs ng Calantac pagkat tiyak na sasamantalahin ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang kamangmangan upang maisakatuparan ang masamang balak. Problema na seguradong wala sa pagdarasal ang kalutasan kahit araw–gabing nananalangin ang lupon ng mga matatandang Malauegs dahil walang sariling hukbo si Bathala upang ipagtanggol sila laban sa mga soldados sakaling sumiklab ang kaguluhan. “Itutuloy pa rin natin . . . ! Ang pagtatalaga ng tanod . . . sa bukana! Pati . . . ang pagsasanay! Hindi dapat . . . maging kampante tayo! Lalo na . . . ngayon!” Dahil sa umaga dumating sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ang mga soldados ay agad naiparating kay Lakay Awallan ang abiso nang matanaw sila ng mga bakay na araw–gabi ang ginagawang pagbabantay sa bukana kahit pagod sila mula sa pangangaso. Ginagawa na ito noon ng kanilang mga ninuno ngunit relyibo ang pagbabantay ng mga kalalakihang Malauegs sa bukana upang tiyakin ang kaligtasan ng lahat habang natutulog sila nang mahimbing sa gabi lalo na ngayon pagkat may dahilan. Pero magiging problema ang pagbabantay sa gabi dahil lubhang mahirap magmatyag sa paligid pagsapit ng hating–gabi hanggang sa madaling–araw pagkat limitado lamang ang natatanaw ng mga bakay kung patay ang buwan. Kaya nararapat lamang paigtingin ang pagbabantay sa bukana sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga bakay sa bawat relyibo para maaabisuhan agad silang lahat kung may nagbabadyang panganib sa kanilang komunidad. Kailangan tiyakin ng mga bakay na hindi na muling makapapasok sa kanilang komunidad ang mga soldados para mahadlangan ang panganib dulot ng kanilang masamang balak habang natutulog nang mahimbing ang lahat. Sapagkat narating na ng mga soldados ang kanilang komunidad ay dapat lamang asahan ang pagbabalik nila kahit katanungan pa lamang kung kailan mangyayari ito ngunit mainam pa rin ang huwag sila magiging kumpiyansa. Makatuwiran din upang ituloy ang kanilang pagsasanay para mahasa ang lahat sa mga taktika na kakailanganin nila sa pakipaghamok dahil maagap na paghahanda lamang ang maaari nilang ipantapat sa mga soldados. Matapos marinig ng mga kalalakihang Malauegs ang instruksiyon ni Lakay Awallan ay nagsibalikan na sila sa kubol kasama ang kani–kanilang mga pamilya upang magpahinga pagkat kanina pa lumatag ang dilim sa kabundukan ng Sierra Madre na sinabayan ng makapal na ulop. Maya–maya, sumunod na rin si Lakay Awallan na sinabayan nina Alawihaw at Dayandang hanggang sa sagradong kubol pagkat si Assassi na lamang ang tumuloy sa kubol upang matulog na rin dahil gigising din siya mamayang hating–gabi upang sunduin ang Punong Sugo. Nagdarasal pa rin ang lupon ng mga matatandang Malaueg nang pumasok sa sagradong kubol si Lakay Awallan na agad dumeretso sa tabi ni Lakay Lanubo ngunit naraanan niya si Baluyong habang natutulog sa may pintuan upang hintayin ang kanyang amang sa halip na umuwi sa kanilang kubol. Samantalang dumeretso sa papag si Alawihaw para magpahinga na rin habang hinihintay niya ang paglapit ni Dayandang na tumayo muna sa tabi ng bintana upang magpahangin dahil hindi pa yata siya inaantok. Sapagkat napapadalas ang paghagod ni Dayandang sa kanyang tiyan ay natitigan siya ni Alawihaw na bumangon pala kahit inaantok nang hindi nito mahintay ang kanyang pagdulog sa papag ngunit ngumiti lamang siya. Pagkatapos, nagpasunod siya ng mahigpit na yapos hanggang sa naghinang ang kanilang mga labi kaya naging mapayapa ang mga kalooban nila habang natutulog nang buong kahimbingan sa magdamag na may galak ang mga puso.
Naging mahimbing pa rin ang tulog ng mga katutubong Malauegs sa lumipas na magdamag kahit pansamantala lamang ang kapayapaang naramdaman ng kanilang mga kalooban mula nang magpahiwatig sa kanila ang posibleng mangyari sa hinaharap. Hindi naman puwedeng pigilin nila ang pagdaan ng araw upang huwag lamang dumating ang bukas maliban sa umasa sa tulong ng dasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs na sana hindi darating ang araw na may dala ng kapahamakan sa kanilang buhay. Masiglang ginampanan ng mga katutubong Malauegs ang kanilang mga gawain pagsapit ng umaga dahil sa kasipagan lamang natatamasa ang magandang buhay pagkat wala naman silang katuwang sa pagsisikap kundi ang mga sarili nila. Kailangan magpapatuloy ang pag–inog ng kanilang mundo upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan sa halip na ibuhos sa problema ang kanilang pansin pagkat may nakalaang panahon para roon. Muling tinupad ng mga kalakihang Malauegs ang kanilang obligasyon sa pangangaso maski madalas naaabala dahil sa isinasagawang pagsasanay pagkat hindi puwedeng balewalain ang kahalagahan nito dahil parte ito ng kanilang tungkulin. Lalo’t madalas nagpaparamdam ang nangyaring kayamuan ng pamahalaang Kastila ng Alcala sa dating komunidad ng mga katutubong Malauegs ng Calantac gayong dapat ibinaon na nila ito sa limot kung hindi lamang mismong mga kaganapan sa kasalukuyan ang nagpaalaala sa kanila. Habang abala naman sa paglulubang ang mga kababaihang Malauegs kahit totoong delikado para sa kanila ang bumababa sa bayan ng Alcala upang ituloy ang paglalako ng mga gulay ay kailangan sumugal sila sa hamon ng buhay. Kadalasan, sa sagradong kubol nagpapalipas ng araw ang lupon ng mga matatandang Malauegs para magdasal na laging inaabot ng hating–gabi kaya napupuyat din dahil sa paghihintay kina Lakay Awallan at Lakay Lanubo sina Baluyong at Assassi ngunit kailangan magsakripisyo silang lahat upang kahabagan ni Bathala. Itinakda sa hapon ang kanilang pagsasanay imbes nagpapahinga sila pagkat ‘yon ang mga oras na wala na silang ginagawa maliban sa mga kalalakihang Malauegs na laging ginagabi mula sa kagubatan kung walang aktibidad sa kanilang komunidad. Kaya hanggang tanghali lamang ang pangangaso ng mga kalalakihang Malauegs pagkat mahalagang naroroon sila sa isinasagawang pagsasanay lalo na si Alawihaw dahil kailangan maibahagi niya sa kanila sa pamamagitan ng pagsasanay ang kanyang abilidad.
Aywan kung bakit hindi na rin bumalik sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ang mga soldados ngunit hindi nila ito ipinagwalang–bahala dahil maaaring nagkamali lamang ang kanilang sapantaha kahit totoo na walang nahigingan ang mga naglalako ng mga gulay sa bayan ng Alcala. Gayunpaman, nagpapasalamat pa rin sila nang hindi na nagparamdam ang mga soldados pagkat nabuhusan ng sapat na panahon ang kanilang pagsasanay na walang gumambala hanggang sa natapos ito pagkaraan ang halos tatlong linggo. Seguro, kasipagan sa pagdarasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs sa pangunguna ni Lakay Awallan ang nagligtas sa kanila dahil magiging kaduda–duda naman kung hindi sila pinapakinggan ni Bathala samantalang dalawang beses sa maghapon nagsusumamo sila sa kanya. Bukod sa pagdarasal sa loob ng sagradong kubol ay sumasaglit din si Lakay Awallan sa dambana na matatagpuan sa dulo ng kanilang komunidad para naririnig ni Bathala ang kanyang pamimintuho habang dahan–dahang nagkakanlong sa kabundukan ang araw. Muling mananalangin ang Punong Sugo ng mga katutubong Malauegs pagsapit ng madaling–araw sa loob ng kanyang kubol habang natutulog pa ang lahat dahil ito ang mahalagang obligasyon na hindi niya dapat malimutan habang nagagampanan pa ng kanyang katawan. Saka magpapahatid siya kay Assassi upang ituloy sa sagradong kubol ang kanyang pagdarasal kasama ang lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat dito na umiikot ang kanilang buhay habang may hininga pa sila kahit may dinaramdam ang kanilang mga katawan. Pagkatapos, tutuloy sa kusina si Assassi upang ikuha ng mainit na salabat si Lakay Awallan pagkat ito ang laging hinahanap niya kahit hindi na siya kumain ng almusal dahil sa paniniwala na karagdagang indulhensiya rin ito sa pag–aayuno. Sapagkat napapadalas ang pagkalam ng tiyan niya sanhi ng gutom ay nagpapahilot muna siya kay Assassi gamit ang dinasalang langis bago matulog para gumaan ang kanyang pakiramdam hanggang sa naghihilik na rin siya. May mga gabi na hindi na niya ginigising si Assassi kung tulog na kaya idinaraan na lamang niya sa dasal ang pananakit ng kanyang tiyan hanggang sa humahagok na siya upang muling babangon bukas ng madaling–araw. Aywan kung sadyang iginuhit ng tadhana ang maagang pagkamatay ng mga magulang ni Assassi dahil siya ang naging sandigan ni Lakay Awallan kaya silang dalawa na lamang ang naninirahan sa kubol nang mag–asawa si Alawihaw.
Samantala. Sarado ang opisina ni Alcalde ngunit bilang fiduciario ay tiyak na batid ni Alferez ang kanyang kinaroroonan dahil hindi puwedeng sabihin na nasa residencia ejecutivo pa lamang siya pagkat mataas na ang araw. Baka may sakit lamang siya kahit mahirap paniwalaan dahil matagal nang patay ang mga kagaw sa katawan niya kaya hindi na kailangan imbalsahin pa siya kapag natigok dahil tigmak na ng tone–toneladang alkohol ang kanyang bituka. Ngunit hindi rin mahagilap mula pa kahapon si Alferez ng mga empleyado na gustong magpapirma sa kanya na talaga namang nakapagtataka kahit totoong kabutihan din ng munisipyo ng Alcala ang hatid ng kanilang pagkawala. Bagaman, pansamantala lamang natigil ang hora feliz ng dalawa ay nagkaroon naman ng katahimikan pagsapit ng gabi ang gusali dahil walang naririnig na ingay lalo na kung hindi nagkakarinigan sina Alcalde at Alferez dahil sa kalasingan. Hindi naman masabi ng guwardiya sibil na estar de servicio sa opisina ang eksaktong kinaroroonan ni Alferez kaya may mga pagkakataong naiisipan niyang inumin ang mga alak na ibinibigay ni Alcalde sa opisyal para lasingin ang sarili. Pagkatapos ang matagal na paghahanap ay nalaman din ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz na umalis pala sina Alcalde at Alferez upang pumunta sa bayan ng Tuguegarao noong araw rin na dumating sila galing sa misyon ngunit hindi na niya inalam ang kanilang sadya roon. Mangyari, pabor naman sa kanya dahil magkakaroon pa siya ng panahon upang ipahinga ang kanyang pagal na katawan pagkat malalim na ang gabi nang dumating sila sa munisipyo ng Alcala sanhi ng mahabang paglalakad mula sa kabundukan ng Sierra Madre. Natuwa siya nang malaman na magtatagal ng isang linggo sa bayan ng Tuguegarao sina Alcalde at Alferez pagkat magkakaroon pa siya ng sapat na panahon upang gawin ang ulat para isusumite na lamang niya ito pagdating ng kanilang un Comandante del Ejercito de Alcala. Pagkaraan ang isang linggo na paghihintay ay hindi pa rin niya naisumite ang ulat pagkat hating–gabi na nang dumating sa munisipyo ng Alcala sina Alcalde at Alferez na seguradong parehong pagod at puyat sanhi ng maghapong biyahe mula sa bayan ng Tuguegarao. Sa halip na gambalain pa ang pamamahinga ni Alferez ay ipinagpaliban na lamang niya ang pagpunta sa opisina nito para mahaba–haba ang kanilang pag–uusap bukas pagkat inaasahan na niya ang maraming katanungan.
Kinabukasan. Inihuhudyat pa lamang sa kampana ng munisipyo ng Alcala ang alas–seis ng umaga ay naglalakad na papunta sa opisina ni Alferez si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ngunit humigop muna siya ng mainit na kape para hindi agad maramdaman niya ang gutom kung tumagal ang kanilang pag–uusap. Hindi naman lingid sa kanya na walang nasisimot na pagkain sa opisina ni Alferez dahil imyun na sa gutom ang kanyang opisyal ngunit maliksi pa rin ang galaw kahit mistulang kalansay na ang katawan nito. Kasi, alam niya kung gaano kaimportante ang ulat lalo’t naging positibo ang resulta sa kanilang misyon ngunit taliwas sa maaaring sasabihin ni Alferez ang dasal ng kanyang kalooban upang masiyahan ang puso niya. Sana, magiging katanggap–tanggap kay Alferez ang kanyang ulat upang pangakuan siya ng promosyon imbes na simpleng papuri lamang pagkat hindi na niya matandaan kung kailan siya naging sarhento dahil matagal nang naburo ang ranggo niya. Talagang ipinagdarasal niya mula nang lisanin nila ang komunidad ng mga katutubong Malauegs hanggang ngayon habang naglalakad siya sa pasilyo na mababanggit sana ni Alferez ang promosyon na kaytagal na niyang inaasam. Para may kabuluhan naman ang kanyang serbisyo pagkat magiging kahihiyan kung sa pagbabalik niya sa bansang España ay sarhento pa rin siya dahil tiyak na pagtatawanan lamang siya ng mga kaibigan sabay sambit na perdido en accion ang ranggo niya. Napaantanda siya matapos ang maikling dalangin na sana irekomenda ni Alferez ang promosyon niya kahit panibagong misyon ang magiging kapalit nito kung iutos sa kanya ang bumalik sa komunidad ng mga katutubong Malauegs. Handa siya upang isakatuparan ang lahat alang–alang sa kanyang mithiin maski mapanganib ang maglakad papunta sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ay gagawin niya para patunayan kay Alferez na karapat–dapat siyang pagkalooban ng promosyon. Katunayan, talagang hindi rin niya inakala na matutuklasan nila ang komunidad ng mga katutubong Malauegs sa gitna ng kabundukan ng Sierra Madre ngunit walang duda na sakop pa ‘yon ng munisipalidad ng Alcala kaya magiging madali na lamang para sa pangkat niya ang bumalik doon kung iutos ito ni Alferez.
Ipinagpalagay ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz na maaaaring ipinatawag ni Alcalde si Alferez nang hindi niya dinatnan sa opisina ang opisyal kaya tinungo niya ang hagdan upang sundan siya pagkat kailangan maisumite ngayong araw rin ang ulat niya. Kanina, pumapasok pa lamang siya sa gusali ay napansin niya ang karwahe habang inihuhudyat sa kampana ng munisipyo ng Alcala ang alas–seis ng umaga ngunit hindi niya piho kung kararating lamang ni Alcalde dahil sa kanyang pagmamadali. Bagaman, dapat sana niyang pagtakhan kung bakit napaaga ang pasok ni Alcalde sa munisipyo ng Alcala samantalang hating–gabi na nang dumating sila ni Alferez galing sa bayan ng Tuguegarao ngunit binalewala na lamang niya dahil hindi naman siya ang kanyang sadya. Sapagkat sa opisina ni Alcalde nagpipirmi si Alferez dahil nagiging kape na lamang nila sa umaga ang alak ay hind siya nagdalawang–isip umakyat sa pangalawang palapag hanggang sa natigil siya pagdating sa kalagitnaan ng hagdan. Nang mapagtanto niya na maaga pa upang simulan na nina Alcalde at Alferez ang pag–iinom ay napatingin siya sa ibaba dahil gusto yata niya ang bumalik na lamang sa opisina ng opisyal upang doon maghintay. Maya–maya, humakbang paakyat sa hagdan ang kanyang mga paa nang maisaloob niya na maaaring may mga pinag–usapan kahapon sina Alcalde at Alferez na hindi natapos pagkat madaling–araw na nang dumating mula sa bayan ng Tuguegarao ang dalawang opisyal kaya ngayon nila itinuloy ito. Mabuti rin kung naroon sa opisina ni Alcalde si Alferez dahil tiyak na mabibigyan ng pag–asa ang inaasam niyang promosyon kung pareho nilang malaman ang positibong resulta ng misyon ng kanyang pangkat sa kabundukan ng Sierra Madre. Baka magiging kagalakan pa nila kapag naipagtapat niya na may komunidad ang mga katutubo sa liblib na bahagi ng Sierra Madre nang lingid sa kanila pagkat pangkat pa lamang niya ang nakatuklas nang magsagawa sila ng misyon. Tuloy, naisaloob niya na maaaring si Alcalde rin ang pinanggagalingan ng utos dahil hindi sila basta ipapadala ni Alferez sa isang misyon na wala ang kanyang basbas pagkat pananagutan niya kapag may nangyaring masama sa kanila. Seguro, ipinasa lamang sa kanya ang misyon dahil batid naman niya na hindi magagawa ni Alferez ang lumayo mula sa imbakan ng mga alak ni Alcalde lalo’t hindi pa nasubukan nito ang manguna sa operasyon ng mga soldados. Kung nagmamadaling umakyat kanina ang kanyang mga paa ay dahan–dahan naman ngayon ang tapak niya ng labindalawang baitang ng hagdanan hanggang sa narating niya ang ikalawang palapag na panay ang usal ng dasal. Sana, daratnan niya sa opisina ni Alcalde si Alferez dahil hindi naman araw ng palengke sa bayan ng Alcala upang pumunta siya roon na madalas ginagawa niya para samahan sa pagmamanman ng mga disidente ang mga guwardiya sibil. Napatingin siya sa kaliwang braso upang malasin ang nangungupas nang insignia na nagtataglay ng kanyang ranggo nang matanaw sina Alferez at Alcalde na parehong nakatayo sa tabi ng bintana habang masinsinang nag–uusap.
“¡Ah! ¡Buenos dias . . . Alcalde! ¡Teniente!]” Palibhasa, nabaling sa labas ng bintana ang tingin nina Alcalde at Alferez ay hindi nila napansin nang humakbang papasok sa opisina si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz pagkat nawaglit na rin yata sa isip nito ang kumatok dahil sa tuwa nang matanaw ang huli. Kung hindi tungkol sa dinaluhang miting ang pinag–uusapan ng dalawa pagkat isang linggo rin silang nanatili sa bayan ng Tuguegarao ay walang duda na may kaugnayan naman sa mga lupain sa bayan ng Alcala na hindi pa napatituluhan ang kanilang paksa. Lalong hindi tiyak kung may kaugnayan sa nakaraang misyon ng pangkat ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang pinag–uusapan nina Alcalde at Alferez pagkat seguradong sila na mismo ang nagpatawag sa kanya upang hingin ang ulat niya. Ikinagulat naman ni Alcalde nang malaman niya na si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz pala ang pumasok sa kanyang opisina pagkat wala siyang matandaan na ipinatawag niya ang Sargento Primero upang magkaroon ng dahilan ang pagdating nito kaya napatango na lamang siya. Maging si Alferez ay napaisip din dahil tila sapat na ang isang linggo na pananatili nila sa bayan ng Tuguegarao upang mawaglit sa alaala niya ang tungkol sa misyon na ipinag–utos niya sa pangkat ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz bago sila umalis ni Alcalde. Muntik na niyang palabasin si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz nang maisip niya na hindi pangangahasan ng Sargento Primero ang pumasok sa opisina ni Alcalde kung wala rin lamang siyang mahalagang sadya hanggang sa nabaling sa hawak nito ang kanyang mga mata. Kaagad naisaloob niya na posibleng siya ang talagang pakay ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz upang isumite ang kanyang ulat kaugnay sa isinagawang misyon ng kanyang pangkat sa kabundukan ng Sierra Madre kaya natuwa siya pagkat totoong nawala na rin ito sa isip niya. Segurado siya na positibo ang resulta ng misyon ng pangkat ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz pagkat naging kapansin–pansin ang masiglang pagbungad nito sa opisina hanggang sa napasulyap siya kay Alcalde na imbes magtanong ay kanina pa pala pinapakiramdaman nito ang kanyang reaksiyon.
ITUTULOY
No responses yet