“¡Alcalde! ¿Cuales son tus planes ahora? ¿Eh?” Ganito ang naging katanungan ni Alferez pagkat tiyak na may nabuong plano na sa isip ni Alcalde kahit naging batayan lamang niya ang mga ngiti nito dahil hindi mahirap basahin ang mukha ng mapaglililo. Sapagkat batid ni Alferez na hindi nagtatapos sa pagkakatuklas sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ang misyon ng pangkat ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ngayong nalaman ni Alcalde na naging madali lamang pala para sa mga soldados upang marating ang kabundukan ng Sierra Madre. Gaano man kalayo ang kabundukan ng Sierra Madre mula sa bayan ng Alcala ay walang duda na magiging malapit na lamang ito dahil kailangan magkaroon ng titulo ang mga lupain ng mga katutubong Malauegs pagkat hindi kinikilala ng pamahalaang Kaastila ng Alcala ang pamana na tanging katibayan sa pagmamay–ari. Palibhasa, matagal nang naging fiduciario si Alferez ay hindi maaaring magkamali ang kanyang kutob lalo’t pinapatunayan mismo sa galaw ng mga mata ni Alcalde na binabalangkas na ng utak nito ang plano na may kinalaman sa mga katutubong Malauegs. Tinungga muna ni Alferez ang laman ng kanyang kopita saka tinungo ang malaking mapa upang pag–aralan kung gaano kalawak ang komunidad ng mga katutubong Malauegs pagkat madali nang talusin ang sinasakop nito base sa coordenada de cuadricula. Kaagad nahanap niya sa mapa ang tinutukoy na coordenada de cuadricula pagkat nilagyan niya ito ng palatandaan tatlong araw bago niya inatasan ang pangkat ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz para magiging madali na lamang ang pagmomonitor niya sa kanilang misyon. Talagang mapa lamang ang kanyang naging basehan nang magpadala siya ng misyon upang magkaroon ng kasagutan ang tanong kung may katotohanan ba ang hinala niya na may mga katutubo rin ang namumuhay sa kabundukan ng Sierra Madre. Malakas ang loob niya kahit walang permiso mula kay Alcalde ang misyon dahil may tiwala naman siya kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz maski binuo ng walong soldados lamang ang kanyang pangkat pagkat subok na ang kanilang kagalingan. Kaya tuwang–tuwa siya nang magkaroon ng positibong resulta ang misyon pagkat maituturing na gran logro ito para sa kanya kahit sa mapa lamang unang napansin niya ang pook dahil talaga palang komunidad ng mga katutubong Malauegs ang natuklasan ng pangkat ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz.
“¡Teniente! ¡En tu opinion! ¿A que se dedican esos nativos? ¿Eh?” Seguro, naisip ni Alferez na ipaubaya na lamang kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang pagsagot sa tanong ni Alcalde para magiging kapani–paniwala dahil tiyak namalas niya kung anuman ang dinatnan ng kanyang pangkat sa komunidad ng mga katutubong Malauegs. Kaya hindi nagawang sumagot agad ni Alferez sa tanong ni Alcalde dahil naging priyoridad niya ang pagtungga sa kanyang tagay matapos tapunan ng tingin si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz lalo’t lumapat na sa kanyang mga labi ang kopita. Sapagkat sandaling nabalam ang sagot ni Alferez ay napatingin na rin si Alcalde kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz na tahimik lamang mula nang ilapag sa mesa ang kanyang kopita ngunit mali upang isipin na humihingi siya ng panibagong tagay. Pero pumiksi lamang si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz pagkat hindi niya tungkulin ang alamin kung ano ang ikinabubuhay ng mga katutubong Malauegs dahil sapat na ang matuklasan ng kanyang pangkat na may naninirahan pala sa kabundukan ng Sierra Madre nang lingid sa mga naroroon sa kabihasnan. May palagay siya na posibleng pangangaso ang isa sa mga pinagkukunan ng kabuhayan ng mga katutubong Malauegs dahil madalas tapang karne ang inilalako nila sa araw ng palengke sa bayan ng Alcala bukod pa ang mga gulay ngunit nagsawalang–kibo lamang siya. Tuloy, bumalik pa rin ang tanong ni Alcalde kay Alferez na patangu–tango lamang matapos ilapag sa mesa ang kanyang kopita ngunit natigil ang pagsasalin niya ng alak dahil nabahala siya nang magsalubong ang kanilang mga paningin. Seguro, balak ni Alcalde ang magpalabas ng panibagong ordinansa pagkat pinipilit niyang alamin kung ano ang ikinabubuhay ng mga katutubong Malauegs upang pagtiisan pa rin nila ang manirahan sa kabundukan ng Sierra Madre maski delikado dahil hindi sila basta matutulungan. Pero mabuti na ang magtiis sila sa kabundukan ng Sierra Madre kung may kaugnayan din lamang sa titulo ang ordinansa na ipapalabas ng pamahalaang Kastila ng Alcala para hindi nila daranasin ang naging kapalaran ng mga katutubong Malauegs ng Calantac kahit walang garantiya ng katuparan ang dalanging ito.
“¡Naturalmente! ¿Que mas esperar? ¿De esos nativos? ¿Eh? ¿Alcalde? ¿Hay algo mas? ¿Eh? ¿Aparte de plantar?” Madali nang intindihin kung pagtatanim ng mga gulay at halamang–ugat ang ikinabubuhay lamang ng mga katutubong Malauegs bukod pa ang pangangaso dahil napapaligiran sila ng mga bundok ngunit tiyak na natutugunan nito ang kanilang pangangailangan sa araw–araw. Mabibilang lamang ang nahihilig sa pamamansing sa ilog dahil hindi masyadong nakadepende sa pangingisda ang mga kalalakihang Malauegs pagkat mas abala sila sa pangangaso ngunit ito naman ang libangan ng mga kabataang Malauegs habang naliligo sila. Pagpaparami sa mga hayop na nahuhuli nang buhay sa kagubatan ang pinagkaaablahan din nila upang madali na lamang matugunan ang kanilang pangangailangan kung nagiging mahirap ang pangangaso dahil sa bagyo. Paglalako ng mga gulay ang dahilan kung bakit madalas bumababa sila sa bayan ng Alcala kahit malayo ang kanilang binabagtas pagkat maraming mamimili sa araw ng palengke kaya madaling naibebenta ang kanilang mga paninda. Paminsan–minsan, naglalako rin sila ng mga pinindang na baboy–ramo at usa sa araw ng palengke kung may sobra sa kanilang inimbak dahil ito ang laging hinahanap ng mga banyaga ngunit limitado lamang ang ibinibenta nila. Sapagkat laging pumupunta sa pamilihan ng Alcala sa tuwing araw ng palengke si Alferez ay hindi lingid sa kanya ang ginagawang ito ng mga katutubo ng Sierra Madre ngunit naging palaisipan naman niya kung bakit pinansin ni Alcalde ang kanilang hanapbuhay. Kumunot ang noo niya dahil sa pagtataka habang minamasdan si Alcalde na pangiti–ngiti pagkat maaga pa ang alas–doce ng tanghali para isiping lasing na siya ngunit isinalin na lamang niya sa kopita ang natitirang alak sa bote sa halip na magtanong. Talagang sinadya niya ang isalin sa kopita ang natitirang alak para maglabas ng pang–anim na bote si Alcalde pagkat tiyak na masarap ang kanilang pulutan dahil dumating na si Zafio dala ang piyambrera ng pananghalian. Maya–maya, tumango si Alcalde nang sumenyas si Zafio para magpaalam sa kanya na hindi pa rin tumayo upang maglabas ng bote ng alak kahit wala nang laman ang kopita niya samantalang tinutungga naman ni Alferez ang kanyang tagay.
“¡Ah! ¿Pagan impuestos? ¿Eh? ¿Teniente?” Buwis?! Talaga yatang hindi pa oras ni Alferez ang magpaalam sa mundo pagkat muli na naman siyang iniadya ng kanyang kapalaran mula sa kamatayan nang hustong sumabay sa kanyang pagtungga ang tanong ni Alcalde. Kung hind pa dali–daling ipinilig ang kanyang ulo dahil bumara sa lalagukan niya ang alak nang minsanan niyang tinungga ang kopita kaya napasigaw ng saklolo ang kanyang kaluluwa nang tumambad sa paningin niya ang kamatayan. Tuloy, wala mang kapangyarihan ang kanyang boses upang tutulan ang balak ni Alcalde ay natanong pa rin niya ang sarili kung dapat bang ipatupad ang batas kung pagtatanim ng mga gulay ang ikinabubuhay lamang ng mga katutubong Malaueg. Diyata, papatawan pa rin ng pamahalaang Kastila ng Alcala ng buwis ang kaunting kinikita ng mga katutubong Malauegs mula sa paglalako ng mga gulay gayong dalawang beses lamang sa isang linggo sila nagtitinda pagkat itinataon nila ito sa araw ng palengke dahil sa layo ng bayan ng Alcala mula sa komunidad nila. Aywan kung bakit sumagi ito sa isip ni Alcalde kung hindi naman tuluy–tuloy ang kanilang kita upang patawan pa ng buwis dahil hindi araw–araw ang paglalako nila ng mga gulay lalo’t wala silang sariling puwesto sa pamilihang bayan ng Alcala para obligahin sila ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Kung bilhin pa naman ang kanilang mga paninda ay kulang na lamang hingin dahil mamimili mismo ang nagdidikta sa presyo kaya napipilitan silang pumayag kahit sukal sa kanilang kalooban para maiwasan lamang ang diskusyon. Marahil, ito ang paraang naisip ni Alcalde upang mapipilitang lisanin ng mga katutubong Malauegs ang kanilang mga lupain kung hindi nila mabayaran ang buwis ngunit malinaw na pambubusabos ang kanyang ginagawa kahit ikatuwiran pa niya ang batas. Sadyang walang kapatawaran ang kanyang pagmamalabis sa katungkulan nang samantalahin niya ang kamangmangan ng mga katutubong Malauegs dahil lamang sa mga lupain gayong naging mabuting mamamayan naman sila sa bayan ng Alcala.
“¡Mmm! ¡En mi opinion! ¡No! ¿Por que lo preguntas? ¿Eh? ¿Alcalde?]” Totoong tungkulin ng bawat mamamayan ng Alcala ang pagbabayad ng buwis ngunit mabibilang lamang ang mga negosyante pagkat sa kabuuang populasyon sa bayan ng Alcala ay walumpung porsiyento rito ang mga mahihirap. Kabilang sa walumpung porsiyento ang mga katutubong binyagan na walang hanap–buhay dahil sa pang–uudyok ng mga prayle na mapapabilis ang kanilang pag–asenso kung yakapin nila ang pananampalataya gayong dumating sa bayan ng Alcala ang mga banyagang ito na walang laman ang bulsa. Dahil sa maling paniniwala na kusang dumarating ang grasya kung araw–arawin nila ang pagsisimba sa halip na magtrabaho dahil nakalimutan yata nila na walang paa ang suwerte upang hintaying lumapit ito sa kanila saka pagbabayarin sila ng buwis. At ang mga katutubong erehe ng tribung Malauegs pagkat hindi sapat ang napagbebentahan nila mula sa paglalako ng mga gulay upang pagbabayarin din sila ng buwis samantalang hindi naman nila dating ginagawa ito para obligahin sila ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Segurado, kulang pa ang kanilang kinikita upang umabot sa halaga na kailangan patawan na ito ng buwis pagkat hindi naman regular ang paglalako nila ng mga gulay dahil delikado ang tumawid sa mga ilog kung masama ang panahon. Baka mas malaki pa ang dapat nilang bayaran sa buwis kung ikumpara ang napagbentahan nila sa loob ng isang taon lalo’t magiging madali na lamang dayain ng tesorero ang kanilang kamangmangan kaya problema lamang ang dulot nito sa kanila. Tiyak na magpapatirapa silang lahat sa dambana upang marinig ni Bathala ang kanilang mga dasal pagkat posibleng guguho ang kinabukasan ng kanilang mga anak kung magtagumpay ang balak ni Alcalde.
“¡Pooh! ¡Solo los nativos de la Sierra Madre merecen pagar impuestos! ¡Porque son ciudadanos de Alocaala! ¡Incluso el impuesto territorial! ¿Por que? ¡Porque llevan mucho tiempo viviendo en tierras estales!” Basta tumango lamang si Alferez dahil mismong mga tanong ni Alcalde ang nagpapahiwatig ng marahas na hakbang laban sa mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre kaya iglap naalaala niya ang mga katutubong Malauegs ng Calantac pagkat hindi pa nabubura sa isip niya ang sinapit nila. Hindi lamang niya matiyak kung naisumite na ni Expedito Monsanto de Solamente ang mga titulo ng mga lupain sa dating komunidad ng Calantac para sa pirma ni Alcalde dahil wala namang nabanggit sa kanya ang agrimensor noong minsang nagkita sila sa pasilyo. Lalong hindi nabanggit ni Alcalde ang tungkol dito dahil hindi rin niya inalam habang naroroon sila sa palacio del gobernador para sa pitong–araw na miting pagkat wala siyang interes sa mga titulo upang gustuhin din niya ang magkaroon nito. Kuntento na ang buhay niya sa tuwing nadadaluyan ng alak ang kanyang lalamunan pagkat wala siyang balak magtagal sa bayan ng Alcala kapag natapos na ang kanyang termino dahil naroroon sa bansang España ang mga magulang at mga kapatid niya. At wala rin siyang magagawa kundi ang sumunod kung ipag–utos ni Alcalde ang pagsasagawa ng operasyon sa kabundukan ng Sierra Madre dahil ito ang tungkulin niya bilang un Comandante del Ejercito de Alcala maski mahalaga para sa kanya ang kapakanan ng mga soldados. Walang duda na magiging pahirapan lamang ang pagpapadala ng refuerzo na manggagaling pa sa bayan ng Alcala kung mapalaban ang mga soldados sa mga mandirigmang Malauegs pagkat masyadong malayo ang kabundukan ng Sierra Madre na posibleng sasamantalahin naman nila. Baka nag–aabat na sa mga lambak ang tambang habang binabagtas pa lamang ng refuerzo ang mga bulaos lalo’t hindi nila kabisado ang pook bukod pa ang mga naghihintay sa kabilang pampang ng mga ilog. Nagpalipas muna ng tagay si Alferez dahil hindi puwedeng agawin ang bote ng alak pagkat tangan ito ni Alcalde upang salinan ang kanyang kopita na matagal din nagpahinga habang abala sa pagbabalangkas ng plano ang utak niya. Habang inilalapag niya sa mesa ang kopita ay maaaring napaglilimi niya na hindi dapat maging padalus–dalos siya sa pagsang–ayon sa marahas na desisyon ni Alcalde dahil maraming operasyon ang nakatakdang isasagawa pa ng mga soldados. Hindi naman nakapagtataka kung walang puwang sa puso ni Alcalde ang habag pagkat ipinapantay niya sa hayop ang pagkatao ng mga katutubo ng Sierra Madre nang walang pagpakundangan sa kanilang damdamin dahil hindi niya kalahi. Ngunit nakaligtaan yata niya na walang banyagang opisyal ang tumatagal sa pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat pansamantala lamang ang paninirahan niya rito kung buhay pa siyang babalik sa bansang España pagdating ng panahon na kailangan na niya ang magretiro. At lingid sa kanya ay may tatlong tribu ng mga katutubo ang nananahan sa kabundukan ng Sierra Madre kaya hindi hamak na mas marami sila kung magkaisa lamang upang labanan ang mga banyaga sa bayan ng Alcala kahit ibilang pa ang mga soldados at mga guwardiya sibil. Alam din nila kung kailan dapat kalusin ang labis sa hangganan ng kanilang pagpapasensiya pagkat tao sila na marunong mag–isip maski mangmang ang turing sa kanila ng pamahalang Kastila ng Alcala dahil hindi sa pag–aaral lamang natutunan ang prinsipyo sa buhay. Katunayan, sa mga fusil lamang sila nasisindak ngunit hindi sa puwersa ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil seguradong tatakbo rin ang mga soldados kapag naagawan ng armas pagkat nakahihigit ang kanilang lakas at kaalaman pagdating sa pamuok. “¡Sargento! ¡Mañana tambien! ¡Si . . . mañana! ¡Regresaras a la comunidad indigena de la Sierra Madre! ¡Que los nativos sepan que les estoy cobrando impuestos! ¡Su ocupacion! ¡Incluso si la unica fuente de ingresos es la agricultura! ¡Y el impuesto territorial! ¡Porque llevan mucho tiempo ocupando las tierras que pertenecen al estado!” Palibhasa, sandaling naidlip si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz pagkat kanina pa kumakalam ang kanyang sikmura sabay sa hudyat ng ala–una ng hapon ay talagang nagulat siya nang marinig ang boses ni Alcalde habang tinatawag ang kanyang pangalan. Pasalamat na lamang siya dahil mahigpit ang hawak niya sa pasamano nang muntik nang tumalon ang kanyang kaluluwa pagkat bumalik din siya sa tabi ng bintana para magpahangin sa halip na magpaalam na. Tuloy, napatango siya maski hindi malinaw kung ano ang sinasabi ni Alcalde saka bumaling kay Alferez ang nagtatanong niyang mga mata ngunit wala naman sa kanya ang tingin nito dahil sa wari niya ay tulog. Sana, tama ang nasagap ng pandinig niya na pinababalik ni Alcalde sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ang pangkat niya ngunit muli siyang napatingin kay Alferez dahil hindi puwedeng sumunod siya na wala ang kanyang pagsang–ayon. Gayunpaman, handa siyang tumalima sa utos ni Alcalde kahit muli niyang mararanasan ang hirap sa paglalakad habang umaakyat sa kabundukan ng Sierra Madre basta ipangako muna niya ang kanyang promosyon para may konsuwelo naman ang pagod niya. Titulo! Buwis! Amilyaramyento! Kailan pa naging pagmamay–ari ng mga banyaga ang malawak na kalupaan ng Sierra Madre upang basta na lamang sila magpapatupad ng mga batas maski labag sa kaugalian ng mga katutubo ng Sierra Madre samantalang dinatnan na lamang nila ito? Libong taon nang nagpasalin–salin ang pagmamay–ari sa mga lupain hanggang sa sumibol ang kasalukuyang henerasyon ng mga katutubong Malauegs kahit walang batas ang nag–uutos kung paano nila pagyayamin ito para sa kanilang pakinabangan. Ipinamana sa kanila ang mga lupain kahit walang titulo na nagpapatunay sa kanilang pagmamay–ari nito dahil pinanghahawakan nilang katibayan magpahanggang ngayon ang habilin ng kanilang mga ninuno bago sila namayapa. Sapagkat hindi nababanggit kahit kailan sa mga pag–uusap ang titulo ngunit nakahihigit pa rin ang kanilang karapatan sa mga lupain pagkat dito na sila isinilang bago pa man dumating sa bayan ng Alcala ang mga banyaga. Puwes, sila ang higit nakababatid na pagmamay–ari ng mga ninuno nila ang mga lupaing ipinamana sa kanila kaya kahangalan upang pilitin ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang sumunod sila sa mga batas na sumisikil lamang sa kanilang mga karapatan. Ngunit posible pa rin ikapapahamak nila ang pagtutol kahit ano pa ang magiging katuwiran nila pagkat hindi kinikilala ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang pamana dahil alaala lamang ang katibayang taglay sa pagmamay–ari nila sa mga lupain. Sapagkat nagsimula sa ganitong sitwasyon noon ang mga katutubong Malauegs ng Calantac nang manindigan sila laban sa pamahalaang Kastila ng Alcala kahit naramdaman na nila ang kabiguan ay posibleng mauulit din sa mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre ang pangyayari kung hindi nila mapakiusapan si Bathala. “¡Mmm! Creo! ¡Hace mucho que no pago impuestos! ¡Y el impuesto territorial! ¡Los habitantes nativos dela Sierra Madre! ¡Por lo tanto! ¡Cobraremoa lo que deben de los ultimos años!” Pero wala pang gobierno revolucionario noong pueblo Fulay pa lamang ang ngayo’y bayan ng Alcala kaya walang batas sa panahong ‘yon ang humahadlang sa karapatan ng mga katutubong Malauegs para magkaroon ng mga lupain pagkat dito nanggagaling ang ikinabubuhay ng kanilang pamilya. Nagkaroon sila ng mga lupain sa paraan na walang linabag na batas ng kaugalian hanggang sa dumating ang panahon na kailangan ipamana na nila ito noong hindi na kayang gawin ng kanilang tumatandang katawan ang paglalawag. Malaking pagkakamali upang singilin ng amilyaramyento ang bawat katutubo ng Sierra Madre simula noong hindi pa sila napasailalim sa kapangyarihan ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat walang basehan para gawin ito sa kanila na may sariling batas kahit sinasambit lamang ito ng bibig. Walang duda na magdudulot lamang ng problema sa mga katutubong Malauegs kung pilitin silang magbayad ng buwis at amilyaramyento samantalang hindi naman nila alam ang kahulugan ng mga batas na ito at ang layunin ng pamahalaang Kastila ng Alcala sa pagpapatupad nito. Segurado, lalong maliligalig ang kanilang buhay sa halip na magkaroon ng katiwasayan dahil magiging katanungan nilang lahat kung paano nagkaroon sila ng malaking pagkakautang kung sa kabundukan ng Sierra Madre na sila naninirahan mula’t sapul. Katunayan, wala pang katutubong Malauegs ang pumunta sa munisipyo ng Alcala kahit minsan mula nang magkaroon ng gobierno revolucionrio ang pueblo Fulay maliban sa mga naging katutubong binyagan ngunit lumipat na sila sa bayan ng Alcala dahil sa paniniwala na babaguhin ng pananampalataya ang kanilang buhay. Subalit hindi naman garantiya ang pagiging binyagan upang mapasok nila ang munisipyo ng Alcala nang walang pakay pagkat hiwalay ang simbahan ng Alcala kung saan sila nagsisimba araw–araw kahit bumabagyo para makaipon lamang ng maraming indulhensiya. Dahil dumarami ang ipinapataw na obligasyon sa mga katutubong Malauegs ay segurado na magiging mabigat sa kanilang mga kalooban ang sumang–ayon sa patakaran ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat paglalako ng mga gulay ang ikinabubuhay lamang nila. Aywan kung makatuwirang desisyon upang singilin pa rin ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang amilyaramyento na hindi nababayaran ng mga katutubong Malauegs mula sa mga nagdaang taon hanggang sa kasalukuyang pagkakautang pagkat hindi ito maituturing na multa sanhi ng kapabayaan. Sapagkat wala pang gobyerno sa mga panahong ‘yon para katigan ang paniniwala ng pamahalaang Kastila ng Alcala na pagmamay–aari ng estado ang mga lupaing sinasaklaw ng komunidad ng mga katutubong Malauegs lalo’t hindi nila batid ang kasaysayan ng kanilang tribu. Bagaman, makabubuti para sa mga katutubong Malauegs ang magbayad na lamang ng buwis at amilyaramyento kaysa mawawalan sila ng mga lupain ngunit saan naman nila kukunin ang halaga kung paglalako ng mga gulay ang pinagkukunan lamang nila ng pera. Samantalang nagtitiyaga na nga lamang sa bahag ang mga kalalakihang Malauegs kahit ilang taon na nilang isinusuot pagkat naging priyoridad nila ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya sa tuwing nagkakaroon ng kaunting biyaya sa kanilang tribu.
Nang mapagtanto ni Alferez na hindi sapat ang utos ni Alcalde ay minabuti niyang pigilin muna ang pangkat ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz kahit itinakda kinabukasan ang pagbabalik nila sa komunidad ng mga katutubong Malauegs upang maiiwasan ang problema. Maski mabalam pa ang pag–alis ng mga soldados dahil mali kung basta na lamang nila iparating sa mga katutubong Malauegs ang instruksiyon ni Alcalde kahit wala silang pinanghahawakan na anumang basehan ay tiyak na hindi sila maniniwala. Pumayag si Alcalde sa mungkahi ni Alferez na dapat magpasa muna ng ordinansa na may kinalaman sa buwis at amilyaramyento ang konseho ng pamahalaang Kastila ng Alcala para magiging legal ang kautusan niya kahit hindi tiyak kung pakiharapan ng mga katutubong Malauegs ang pangkat ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz. Sapagkat armado ng ordinansa na pirmado ni Alcalde ang mga soldados ay tiyak na mapipilitang sumunod ang mga katutubong Malauegs imbes na pairalin ang kanilang mga karapatan dahil posibleng ikapapahamak naman nila ang pagtutol. Posibleng patawan pa sila ng mabigat na parusa hanggang sa ikamamatay nila ang matinding pasakit kaya babalik sa kabundukan ng Sierra Madre ang kanilang mga bangkay habang nananangis ang kanilang mga kaluluwa dahil sa tinamong kabiguan. Lalo’t pinaghanda na ni Alferez ang isang kompanya ng mga soldados para reforzar sa pangkat ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz upang tiyakin na may itatagal sila sakaling humantong sa matinding sagupaan ang kanilang pagbabalik sa komunidad ng mga katutubong Malauegs. Tuloy, ipinatawag muna ni Alcalde ang mga miyembro ng konseho ng pamahalaang Kastila ng Alcala para bumalangkas ng ordinansa tungkol sa buwis at amilyaramyento kaya makalipas lamang ang kalahating araw ay nakalapag na ito sa kanyang mesa para pirmahan. Nagkataon lamang na sa mga katutubong Malauegs unang ipatutupad ang ordinansa na may kinalaman sa buwis at amilyaramyento dahil sila ang unang nakitaan ng paglabag nito lalo’t saklaw ng munisipalidad ng Alcala ang kabundukan ng Sierra Madre. May katuwiran din naman si Alferez para magiging madali ang gagawing pagpapaliwanag ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz sa ordinansa tungkol sa buwis at amilyaramyento ngunit nakalimutan lamang niya na hindi naiintindihan ng mga katutubong Malauegs ang wikang Español na magsasanhi naman ng kalituhan. Subalit ipagdarasal na lamang ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz na sana kahit isa man lamang mula sa mga katutubong Maluegs na madalas bumababa sa bayan ng Alcala para maglako ng mga gulay ang may kaunting kaalaman sa wikang Español upang maintindihan nito ang kanyang paliwanag.
ITUTULOY
No responses yet