Sapagkat siya naman ang magpaliwanag sa kanyang mga katribu para malaman kung katanggap–tanggap sa kanila ang ordinansa dahil talagang problema ng Sargento Primero ang makipagtalastasan sa kanila dahil hindi niya alam ang katutubong dialekto para mahikayat sana silang tumalima. Ipagpalagay nang naunawaan ng mga katutubong Malauegs ang layunin ng ordinansa ngunit papayag naman kaya sila para buwisan ang kaunting kinikita nila mula sa paglalako ng mga gulay kung kulang pa ito sa kanilang mga pangangailangan. Bagaman, mabuti na ang magbayad sila ng amilyaramyento kaysa hanapan sila ng titulo dahil taunan lamang ang obligasyon nila rito ngunit malaki–laki naman ang kailanganing halaga kung ibase sa lawak ng kanilang mga lupain ang kuwentahan. Aywan kung anong solusyon ang angkop sa problemang ito lalo’t sinisingil din ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang mga pagkakautang ng mga katutubong Malauegs sa mga nagdaang panahon na seguradong mismong batas din ang magiging dahilan upang maghimagsik sila. Hating–gabi nang lumisan ang tropa ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz pagkatapos ang maikling pagsasalita ni Alcalde ngunit hindi pa rin nababanggit ang tungkol sa promosyon na kaytagal na niyang gustong marinig mula sa kanya maski pabiro man lamang sana.
Sa halip na dumaan pa rin sa bukana ng komunidad ng tribung Malauegs ang topa ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ay lumihis sila upang iwasan ang mga bakay sa ilihan na araw–gabing nagmamatyag maski matatagalan ang pagpasok nila basta huwag lamang matuklasan ng mga katutubong Malauegs ang kanilang pagdating. Ayaw ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz na mauulit ang pangyayari dahil walang dinatnan noong unang dumating sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ang pangkat niya pagkat nagkaroon sila ng pagkakataon upang magtago nang matanaw nila ang kanilang pagdating. Nais niyang tiyakin na sa muling pagbabalik nila ay hindi na magagawa uli ng mga katutubong Malauegs ang magtago silang lahat sa yungib pagkat kailangan maiparating sa kanila ang kahalagahan ng ordinansa tungkol sa buwis at amilyaramyento. At lalong ayaw niya na muling pagdududahan nina Alcalde at Alferez ang kanyang magiging despues del informe de operacion dahil nakataya rito ang promosyon na inaasam pa rin niya hanggang ngayon kahit hindi ito nabanggit ng dalawang opisyal nang umalis sila sa munisipyo ng Alcala. Kunsabagay, naging palaisipan din niya dahil talagang mahirap tarukin kung bakit walang sumalubong sa kanila kahit isang katutubong Malauegs man lamang sana pagkat masyadong imposible upang isipin niya na walang naninirahan sa mga kubol. Kaya gumawa siya ng plano bago pa ang kanilang saltar de para tiyakin na makakaharap nila ang mga katutubong Malauegs dahil kailangan mabasa niya ang ordinansa na kanina lamang pinirmahan ni Alcalade matapos balangkasin ng konseho ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Talagang umikot pa sa lambak ang tropa ng mga soldados dahil bahagi sa plano ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang dumaan sa likuran ng komunidad ng mga katutubong Malauegs upang hindi nila mapapansin ang kanilang pagdating kung doon sila manggagaling. Marahil, mas pinagbuhusan ng mga katutubong Malauegs ang pagbabantay sa bukana ng kanilang komunidad dahil sa paniniwala na doon lamang puwedeng pumasok ang mga soldados pagkat hindi kabisado ng mga ito ang dumaan sa kagubatan. Napangiti si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz nang matuklasan niya na sa bukana ng komunidad lamang ang konsentrasyon ng mga katutubong Malauegs sa pagbabantay kaya malayang napasok ng mga soldados ang likuran na seguradong ikagugulat na lamang nila. Lingid sa mga katutubong Malauegs ay sinimulan nang akyatin ng mga soldados ang matarik na talampas maski mahirap ang ginagawa nilang ito ngunit kailangan isakatuparan pagkat importante na magtagumpay ang kanilang misyon. Dasal ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz sa langit na sana magkatotoo ang kanyang paniniwala na ang simpleng tapik ni Alferez sa kanyang balikat bago ang saltar de ng kanyang tropa ay pahiwatig ng pag–asa kaugnay sa inaasam niyang promosyon. Subalit kalahati lamang sa tatlumpung soldados ang umakyat sa talampas pagkat nagpaiwan sa labas ng komunidad ng mga katutubong Malauegs ang dalawang pangkat dahil sila ang magiging refuerzo kung mapalaban ang tropa na sumabay kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz. Bagaman, wala sa isip ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz na tatangkain ng mga katutubong Malauegs ang manlaban ngunit mabuti na ang maneguro sila pagkat seguradong ikagugulantang nila ang kanilang walang–abog na pagdating sa komunidad lalo’t manggagaling sila sa likuran. Siya na nagsilbing bantay habang umaakyat sa talampas ang mga soldados ang hinihintay na lamang para sa huling instruksiyon kahit nagkaroon na ng informe militar bago sila umalis sa munisipyo ng Alcala upang muling ipaalaala sa kanila ang kahalagahan ng misyon. Naging katuwiran niya na kailangan mananatiling alerto silang lahat pagkat walang nakababatid kung ano ang magiging reksiyon ng mga katutubong Malauegs kapag nakita sila habang pumapasok nang walang pahintulot sa kanilang komunidad. Upang hindi sila mauunahan sakaling masamain ng mga katutubong Malauegs ang pagpasok nila sa komunidad pagkat posibleng ikapapahamak pa rin nila ang sobrang pagtitiwala kahit busog at tunod lamang ang kanilang mga sandata. Pagkatapos, sumenyas siya nang paabante na naging hudyat ng mga soldado para pasukin ang komunidad ng mga katutubong Malauegs habang nagsisimula pa lamang gumiti sa kabundukan ng Sierra Madre ang bukang–liwayway ngunit sinisikap namang tabingan ng dagim.
Nagulantang ang mga katutubong Malauegs dahil hindi nila napaghandaan ang biglaang pagdating ng mga soldados sa kanilang komunidad pagkat kasalukuyan silang kumakain ng almusal kaya naligalig silang lahat habang nagpapalitan ng tingin. Napatingin pa sila sa bukana habang nagtatanong ang kanilang mga mata ngunit hindi rin yata alam ng mga bakay na napasok na ng mga soldados ang kanilang komunidad dahil wala silang natanggap na abiso mula sa kanila. Ngunit naisin man nilang alamin ang dahilan ay nanahimik na lamang sila kahit naging palaisipan nila ito pagkat nababahala rin sila kung bakit hindi man lamang napansin ng mga bakay ang pagdating ng mga soldados. Baka lumubha lamang ang sitwasyon kung mabigyan ng mga soldados ng maling kahulugan ang kanilang pagtatanong dahil magiging problema ang pagpaliwanag pagkat hindi naman nila alam ang wikang Español at gayundin sila sa katutubong dialekto. Kaya wala nang nagawa ang mga katutubong Malauegs kundi salubungin ng tingin ang mga soldados na armado ng mga fusil pagkat hindi na sila puwedeng lumikas sa yungib ngayong tumambad na ang dahilan ng kanilang pagtatago noon. Bagaman, matagal nang pinaghandaan ng mga katutubong Malauegs ang pagbabalik ng mga soldados sa kanilang komunidad ay nawalan pa rin ito ng saysay dahil sila pa ngayon ang nasungkaran ngunit sinikap na lamang nila ang maging mahinahon. Sabay ang pasasalamat pagkat mga matatandang Malauegs at mga kababaihang Malauegs ang dinatnan lamang sana ng mga soldados sa komunidad na magiging problema naman dahil walang magtatanggol sa kanila kung natuloy ang pag–alis ng mga kalalakihang Malauegs para mangangaso sa kagubatan. Tuloy, naalaala ng mga kalakihang Malauegs ang matarik na talampas kung saan sila dumaraan sa tuwing pumupunta sila sa kagubatan upang mangangaso kahit peligroso sa halip na lalabas pa sa bukana dahil mapapalayo naman sila. Matapos matiyak na dumaan sa talampas ang mga soldados dahil nanggaling sila sa likuran ng komunidad ay nasambit na lamang ng kanilang mga sarili na kaya rin pala nilang akyatin ang tarik kahit hindi sila sanay. Pero may pagsisisi ang kanilang mga sarili nang hindi sila nagtalaga ng bakay sa likuran ng kanilang komunidad sanhi ng maling palagay na hindi magagawa ng mga soldados ang umakyat sa matarik na talamapas. Mistulang itinulos sa lupa ang kanilang mga paa pagkat wala man lamang nagtangkang pigilin ang mga soldados ngunit mainam na rin dahil posibleng masamain naman nila ito lalo’t hindi nila naiintindihan ang katutubong dialekto. Sa halip na ikagagalit nila ang pagdating ng mga soldados sa komunidad ay inisip na lamang nila na makabubuti kung sila mismo ang kusang magpahayag ng kanilang sadya pagkat hindi sila bumalik kung walang dahilan. Talagang hindi sila nakaporma kahit gusto pa sanang kunin ang kani–kanilang mga armas sa loob ng mga kubol dahil posibleng iisipin naman ng mga soldados na nais lamang nila ang tumakas lalo’t napapaligiran pa sila. Pinakiramdaman na lamang nila ang mga kamay na may tangan ng mga fusil pagkat sisikapin na lamang nila ang lumaban sa mga soldados sa pamamagitan ng pamuok kung biglang umalingawngaw ang mga putok. Kahit hindi pa tapos ang pagdarasal ni Lakay Awallan kasama ang lupon ng mga matatandang Malauegs sa loob ng sagradong kubol ay dali–dali siyang lumabas upang pawiin ang kanyang pagdududa nang malaman niya mula kay Assassi na dumating ang mga soldados sa kanilang komunidad. Kung nalipos ng pagtataka ang Punong Sugo pagkat wala silang natanggap na abiso mula sa bukana samantalang araw–gabing binabantayan ito ng mga bakay ay lalong nahambal siya nang mamalas sa labas ng sagradong kubol ang maraming soldados. Nagtatanong sa mga kalalakihang Malauegs ang kanyang tingin kung paano napasok ng mga soldados ang kanilang komunidad na wala man lamang nagparating sa kanya ng abiso gayong nasa loob ng sagradong kubol lamang siya kasama ang lupon ng mga matatandang Malauegs. Basta nagkibit–balikat lamang ang mga kalalakihang Malauegs ngunit walang lumapit kay Lakay Awallan upang magpaliwanag pagkat nabaghan din sila nang biglang dumating ang mga soldados habang kumakain sila lalo’t naiwan sa mga kubol ang kanilang mga armas. Kunsabagay, matagal na nilang pinaghandaan ang pagbabalik ng mga soldados ngunit salungat ito sa nagaganap ngayon dahil sila ang nasorpresa pagkat hindi dumaan sa bukana ang mga ito upang iwasan ang mga bakay. Hanggang sa napatingin kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz si Lakay Awallan kahit hindi niya kilala dahil ngayon lamang sila pinagtagpo pagkat kasama siya sa mga lumikas sa yungib para magtago noong unang dumating sa kanilang komunidad ang pangkat nito. Natuwa naman si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz pagkat hindi na natakasan uli ng mga katutubong Malauegs ang kanilang pagbabalik dahil sa naisip nilang paraan ngunit nagtatanong ang sarili ni Lakay Awallan kung dapat bang ikagalak niya ang kanyang ngiti kung ikapahamak naman nila ito.
Si Alawihaw na naghahanda pa lamang upang pumasok sa kagubatan ay dumungaw sa bintana upang alamin ang sanhi ng anasan dahil wala si Dayandang para matanong sana niya ngunit nagitla siya nang matanaw ang mga soldados. Pumunta sa kusina si Dayandang upang ikuha ng mainit na salabat si Alawihaw ngunit hindi na niya nagawa ang bumalik sa kubol nila dahil bigla rin namang dumating sa kanilang komunidad ang mga soldados. Tuloy, napasugod sa labas si Alawihaw kahit nabaghan siya upang sunduin si Dayandang ngunit wala sa isip ang magiging reaksiyon ng mga soldados dahil sakbat niya ang talanga habang hawak ng kanyang kamay ang busog. Subalit si Lakay Awallan ang natanaw ng kanyang mga mata na naghahanap kay Dayandang ngunit minabuti niya ang huwag lumapit upang hindi siya mapapansin ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz na agad natandaan niya ang mukha kahit hindi niya alam ang pangalan nito. Naisaloob niya na hindi na pala kailangan abisuhan pa ang kanilang Punong Sugo at ang lupon ng mga matatandang Malauegs dahil nasa labas ng sagradong kubol na silang lahat ngunit gusto pa rin niyang lapitan sila lalo na ang kanyang amang para paalaalahanan tungkol sa mga soldados. Kaya nawaglit na sa isip niya si Dayandang na katabi naman ang mag–inang Asana at Dita ngunit wala si Lupog na maaaring maagang pumasok sa kagubatan dahil sinalubong na sana nito ang kanyang paglapit sa libumbon. Naisip niya ang gumawa ng paraan para mabaling sa kanya ang pansin ni Lakay Awallan dahil talagang kailangan mapaalaalahanan siya pagkat mga soldados ang kanilang mga panauhin upang hindi sila matutulad sa mga katutubong Malauegs ng Calantac. Pero nawalan ng saysay ang kanyang mga senyas pagkat sa mga soldados naman tumitingin si Lakay Awallan hanggang sa tinangka niya ang lumapit ngunit kailangan makipaggitgitan pa siya kaya hindi na lamang niya itinuloy. Palibhasa, unang pagkakataong nakaharap ni Lakay Awallan ang mga soldados dahil hindi pa niya naranasan ang bumaba sa bayan ng Alcala kahit noong maliit pa lamang siya ay normal lamang kung naging matindi ang pagmamatyag niya sa kanilang mga galaw. Natanaw ni Alawihaw ang kanyang paglapit kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ngunit nagpaiwan ang mga matatandang Malauegs kaya muli na naman niyang tinangka ang sumunod upang sawayin sana siya ngunit hindi na niya itinuloy nang may pumigil sa kanya. Bagkus, hinintay na lamang niya na mismong si Lakay Awallan ang tumawag sa kanya upang ituloy ang paghahanap niya kay Dayandang ngunit katabi lamang pala nito ang mag–inang Asana at Dita at si Lupog na hindi naman pala umalis. Dumasig lamang pala ng ilang hakbang ang pakay ni Lakay Awallan upang marinig niya ang pagsasalita ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz na kanina pa kumukuha ng tiyempo para simulan na ang pagpapahayag sa ordinansa na unang ipatutupad ng pamahalaang Kastila ng Alcala sa mga katutubo ng Sierra Madre.
Patunay ang walang maliw na mga ngiti ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ay walang duda na gusto niya ang humalakhak nang malakas kung hindi sana ikagagalit ng mga diwata pagkat hindi na nagawa ng mga katutubong Malauegs ang magtago nang dumating sila dahil sa kanilang naisip na taktika. Malinaw na mga katutubong Malauegs naman ang nalinlang kahit gaano pa ang pagsisikap ng mga bakay sa bukana upang mapanatili ang seguridad ng kanilang komunidad dahil naroroon silang lahat nang dumating ang mga soldados. Sapagkat hindi na pumanig sa kanila ang pagkakataon ay hindi na rin nila nagawa uli ang lumikas sa yungib para tuluyan na sanang maniniwala ang mga soldados na talagang walang naninirahan sa kanilang mga kubol. Hanggang sa naisaloob ni Sarhento Guztavo Valerio dela Paz na tama pala ang kanyang suspetsa na talagang may naninirahan sa komunidad dahil pinapatunayan ito ngayon nang walang pahiwatig na dumating sila ngunit hindi niya magawang isigaw ang tagumpay. Nagtatanong ang tingin niya sa mga katutubong Malauegs kung bakit walang humarap noong unang pumunta sila sa kanilang komunidad samantalang walo lamang sila kung ikumpara sa kanila na marami naman pala kaya namangha siya. Sa tantiya niya ay mahigit isang daan ang populasyon ng mga katutubong Malauegs ngunit nagpalingus–lingos pa rin siya upang tiyakin na mayroon pang hindi nabibilang ang kanyang mga mata pagkat halos magkakamukha ang tingin niya sa kanilang lahat. Naging maayos naman ang pakikiharap ng mga katutubong Malauegs maski ramdam nila ang matinding tensiyon pagkat mistulang ginahis sila ng mga soldados dahil hindi na nila nagawang ipagtanggol ang kanilang komunidad. Muling sinisi ng mga kalalakihang Malauegs ang mga sarili pagkat naging kumpiyansa sila nang balewalain ang pagtatalaga ng bakay sa talampas dahil sa paniniwala na walang mangangahas dumaan doon lalo na sa gabi maliban sa kanila. Disin, napaghandaan nila ang pagdating ng mga soldados dahil walang paraan upang mapasok ng mga ito ang kanilang komunidad pagkat seguradong namalayan agad sila ng mga bakay ngunit huli na upang magsisi sila. Dahan–dahang humakbang ang kanilang mga paa papunta sa likuran ng libumbon upang hindi mapapansin ng mga soldados para magiging madali na lamang sa kanila ang kumilos kapag nagpahiwatig sila ng masamang balak. Muli, naisaloob nila ang pagsisisi pagkat naiwan sa kubol ang kani–kanilang armas maliban kay Alawihaw ngunit malayo siya mula sa kanila nang mapansin nila ang maraming bilang ng mga soldados kaysa walo na dumating noon.
Kasamaang–palad, pinangahasan si Sarhento Guztavo Valerio dela Paz ang tumayo nang walang pitagan sa ibabaw ng hapag pagkat malaking insulto para sa mga katutubong Malauegs ang kanyang ginawa dahil doon sila sama–samang kumakain araw–araw bilang isang tribu. Imposibleng hindi niya napansin ang mga pagkaing nakalatag pa sa hapag ngunit wala naman sa katayuan upang magalit ang mga katutubong Malauegs maliban sa sikilin ang kanilang nagpupuyos na damdamin dahil napaligiran sila ng mga soldados. Seguro, dahil sa kagustuhan na mabaling sa kanya ang tingin ng mga katutubong Malauegs habang binabasa niya ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ay nawala sa isip niya ang humingi ng pasintabi ngunit bumaba rin siya nang mapaglimi ang kanyang pagkakamali. Nabalam lamang ang pagsasalita niya pagkat hindi naman lingid sa kanya na walang alam sa wikang Español ang mga katutubong Malauegs maski madalas silang bumababa sa bayan ng Alcala ngunit hindi pa rin ito garantiya upang asahan niya kaya napaisip siya. Bago pa ang kanilang saltar de sa munisipyo ng Alcala ay naging katanungan na ng kanyang sarili kung paano niya simulan ang pakipag–usap sa mga katutubong Malauegs kung hindi naman niya alam ang katutubong dialekto dahil nawaglit din sa isip niya ang magsama ng interprete. Katanungan na talagang hindi niya mahanapan ng tugon kung sino ang puwedeng atasan upang isalin sa katutubong dialekto ang nilalaman ng ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil importanteng maintindihan ng mga katutubong Malauegs ang kahalagahan nito para hindi sila ang sisihin nila. Lalong wala siyang maituturo mula sa mga soldados hanggang sa naipasya niya na ituloy ang pagbabasa ng ordinansa matapos ang kanyang malalim na pag–iisip kahit walang maiintindihan ang mga katutubong Malauegs kaysa magtagal sila roon. Tutal, may paraan naman kung naisin lamang ng mga katutubong Malauegs dahil maraming katutubong binyagan sa bayan ng Alcala ang puwede nilang hingan ng tulong pagkat hindi na niya magiging problema kung talagang hindi nila maintindihan ang nilalaman ng ordinansa. Basta ang importante sa kanilang misyon ay nagampanan nila ang utos ni Alcalde kahit magdulot pa ng problema sa mga katutubong Malauegs ang ordinansa dahil sa wikang Español pagkat hindi rin naman nila maipapaliwanag ang nilalaman nito gamit ang katutubong dialekto. Tumikhim muna si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz para kumuha ng buwelo saka tumingin sa mga soldados upang tiyakin ang kanilang kahandaan hanggang sa naglakbay pa ang kanyang paningin sa mga katutubong Malauegs na kanina pa minamasdan ang kanyang ginagawa.
“Primero dejame desearte un buen dia! ¡No esperes que volvamos! ¡Pero hay una razon por la que vamos a tu comunidad ahora! Solo queremos transmitirselo a todos ustedes! ¡El importante mensaje del gobierno Español de Alcala! Si!” Sadyang itinigil muna ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang pagsasalita upang alamin ang reaksiyon ng mga katutubong Malauegs ngayong nabanggit na niya ang tungkol sa mensahe na nais iparating sa kanila ng pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit taliwas naman sa dapat asahan ang namalas niya. Bagaman, umaasa pa rin siya na may magboluntaryo sana mula sa mga katutubong Malauegs upang isalin niya sa katutubong dialekto ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala kaya hindi pa niya binabasa ngunit tila nagpamalas na sila ng interes upang mapakinggan ito pagkat tahimik silang lahat. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na naiintindihan ng mga katutubong Malauegs ang wikang Español dahil mas kapani–paniwala pa ang isipin niya na may ibang dahilan sila kung matamang pinapakinggan nila ang kanyang pagsasalita ngunit hindi na siya nag–abala pa upang alamin kung ano ito. Nalungkot siya dahil walang nahintay ang kanyang pagbabakasakali lalo’t mawawalan din ng kabuluhan ang kanilang pagsisikap upang maiparating sa mga katutubong Malauegs ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala kung walang magboluntaryo upang isalin niya ito sa katutubong dialekto. Baka magkakaroon lamang ng dahilan upang huwag tumalima ang mga katutubong Malauegs kahit mahigpit nang ipinag–uutos sa kanila ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang pagbabayad ng buwis at amilyaramyento pagkat naging balaksila lamang ang lengguwahe sa ordinansa sa halip na makatulong. Tuloy, si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz naman ang nagsisisi pagkat malaking tulong sana sa pakipagtalastasan kung nagsama sila ng interprete upang magiging madali na lamang ang pagpapalitan ng mensahe sa pagitan nila at sa mga katutubong Malauegs lalo’t nagpamalas sila ng interes sa ordinansa. Ano pa kaya kung naintindihan nila ang wikang Español at marunong din sila sa katutubong dialekto ay tiyak na magiging epektibo ang pakipag–usap nila sa kanila dahil walang sagabal sa pagitan ng dalawang lahi kahit magkaiba ang kanilang wika. Kahit may katagalan na ang paninirahan ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz sa bayan ng Alcala ay hindi pa rin siya nagkaroon ng panahon upang pag–aralan ang katutubong dialekto dahil bilang pangalawang opisyal ng Comandancia del Ejercito ay pagiging ayudante ni Alferez ang tungkulin niya mula noon. Habang may katuwiran naman kung hindi rin naiintindihan ng mga soldados na kasama sa misyon ang katutubong dialekto pagkat kailan lamang sila naitalaga sa bayan ng Alcala lalo’t hindi ganoon kadaling pag–aralan para sa kanila ang wika ng mga katutubong Malauegs. Napahinagpis si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz pagkat mapipilitan siyang ituloy ang pagbabasa sa ordinansa kahit hindi ito maiintindihan ng mga katutubong Malauegs dahil wala rin siyang naisip na solusyon maliban sa isakatuparan ang kanilang misyon. Hanggang sa dumako ang mga mata niya kay Lakay Awallan dahil naiiba sa mga kalalakihang Malauegs ang kanyang kasuutan ngunit normal lamang ito dahil siya ang Punong Sugo ng tribung Malauegs kaya lalong naantala ang pagbabasa niya sa ordinansa. Kaya hindi na siya nagdalawang–isip pa upang itanong ang pangalan ni Lakay Awallan dahil naging interesado siya matapos maisaloob na maaaring naiintindihan niya ang wikang Español nang mamalas sa kanyang mukha ang katalinuhan sa kabila ng kanyang katandaan. “¡Señor! ¿Eres el lider de esta tribu? ¿Eh?” Lingid kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ay mali ang kanyang naging palagay na nauunawaan ni Lakay Awallan ang wikang Español pagkat hindi ito ang lengguwahe na namulatan niya sa kabundukan ng Sierra Madre kahit totoo na taglay niya ang katalinuhan na mahalagang katangian ng isang Punong Sugo. Baka ikagugulat lamang ng Sargento Primero ang malaman na hindi pa bumaba sa bayan ng Alcala kahit kailan si Lakay Awallan mula nang isinilang siya sa kabundukan ng Sierra Madre kaya imposible upang maintindihan niya ang wikang Español pagkat wala rin namang dahilan upang pag–aralan niya ito. Nagkatinginan ang mga katutubong Malauegs lalo na ang mga kalalakihang Malauegs dahil hindi rin nila naintindihan ang tanong ni Sarhento Guztavo Valerio dela Paz hanggang sa lumikha ng ingay ang kanilang mga bulungan nang mawaglit sa isip nila ang mga nakapaligid na soldados. Sanhi upang maalerto ang mga soldados dahil sa maling palagay na ikinagalit ng mga katutubong Malauegs ang tanong ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ngunit hindi sila naging karos sa pagpamalas ng iring kahit may mga fusil sila pagkat hindi naman nila magagawa ang lumaban sa kanila. Palibhasa, walang katutubong Malauegs ang nakaiintindi sa wikang Español ay hindi nakapagtataka ang kanilang ipinakitang reaksiyon kahit katungkulan ni Lakay Awallan sa tribung Malauegs ang gusto lamang alamin ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz pagkat hindi normal para sa kanila ang ganitong sitwasyon na tila iniimbestigahan ang kanilang Punong Sugo.
ITUTULOY
No responses yet